Advertisers
GRABE ang suporta ng mga KakamPinks sa idinaos na campaign rally ng Leni-Kiko tandem sa Pasig City nitong Linggo.
Ayon sa ulat, umabot daw ng daang libo ang mga nagpunta sa kahabaan ng nasabing lungsod para sa sumuporta sa rally nina presidential at vice presidential aspirants Leni Robredo at Kiko Pangilinan.
Hindi magkamayaw ang sigawan, palakpakan at kantahan ng mga KakamPinks na kinabibilangan ng mga simpleng mamamayan mula sa iba’t ibang dako ng bansa, at ilang sikat na personalidad.
Kasama sa mga nakiisa sa campaign rally sina Angel Locsin at mister na si Neil Arce, Julia Barretto, Jolina Magdangal, Robi Domingo, Donny Pangilinan at marami pang iba.
Nakatawag pansin pa umano ang pagsigaw ni Angel ng, “Ma’am Leni! Sayo na ang bato!” habang hawak ang ginawang placard.
Ang ‘bato’ ay hango sa ginawang pelikula ni Angel na ‘Darna’ na pag nilulon ito ay nagkakaroon ng kakaibang powers.
““Napansin yung project kong inabot ng 3am (laughing emoji). Thank you po Ma’am @bise_leni @aikarobredo @jpgrobredo at mga kuya marshals.
“Sabi ng asawa ko ‘tama na, tama na….’ nu’ng nagsisigaw ako. Tapos hinila na ako palayo, LOL,” masayang tsika ni Angel.
Nagpaalala rin si Angel sa lahat sa pamamagitan ng kanyang mga social media accounts na maging wais sa pagboto sa darating na eleksyon sa May 9, 2022.
“Ngayong simula na ang kampanya, at ang mga pulitiko are putting their best foot forward, PLEASE LANG — kilatising mabuti ang bawat pulitiko.
“Huwag bumoto ng may bahid ng kurapsyon, sinungaling, nagmamanipula ng batas, tamad, malabo at hindi makatotohanang plano sa bansa,” sey pa ng aktres.
“Kaya kung napasaya ko man kayo kahit paano, o kahit para sa sarili nyo na lang, please lang, VOTE RIGHTLY! Pag-isipan rin kung sino ang susuportahan.”
Kaugnay nito, naging trending din sa socmed ang pag-post ng American pop star na si Ariana Grande ng aerial video ng nabanggit na campaign rally.
Gamit ang kanyang awiting ‘Break Free’, sabi ni Ariana, “I could not believe this was real, I love you more than words,” caption nito sa kanyang Instagram story. (BKC)