Advertisers

Advertisers

Ballot review, bakit sinisikretong Comelec?

0 360

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Mapalad ang mga taong nagtitiwala kay Yahweh, pagpapalain ang umaasa sa kanya. Katulad niya’y isang punongkahoy na nakatanim sa tabi ng batisan; ang mga ugat ay patungo sa tubig; hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init, sapagkat mananatiling luntian ang mga dahon nito, kahit hindi umulan ay wala itong aalalahanin; patuloy pa rin itong mamumunga…” (Jeremias 17:7-8, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

COMELEC, NAGSASAGAWA NG SIKRETONG PAGSUSURI SA MGA BALOTANG GAGAMITIN SA MAYO 09: May malaking problemang kaharap ang mga botante, mga partido politikal, at mga kandidato sa Halalan 2022, anumang posisyong ang kanilang tinatakbuhan. Ito ay ang pagkumpirma o pagba-validate sa mga anunsiyo ng Commission on Elections tungkol sa mga diumano ay higit sa limang milyong mga depektibong balota na nailimbag na ng National Printing Office.



“Walang transparency ang sistemang ipinatutupad ng Comelec sa kaniyang mga pagpapasya kung ano ang depektibong balota, at kung ano ang mga balotang pupuwedeng gamitin sa Halalan 2022,” giit ng mga netizens na nakipag-usap sa Kakampi Mo Ang Batas noong umaga ng Lunes, Marso 21, 2022.

Bagamat ilang araw lamang ang nakakaraan ay sinasabi ng Comelec na nakapag-imprenta na ito ng 47.7 milyong mga balota na gagamitin sa Mayo 09, naglabas naman ito pagkatapos ng pahayag na higit sa limang milyong mga balota mula sa 47.7 milyon na naimprenta na ang hindi gagamitin kasi depektibo diumano.

Noong araw ng Lunes, naglabasan sa mga online platforms ng ilang media organizations ang mga ulat na hindi daw pala limang milyon ang nakitang depektibo kung higit sa isandaang libo lamang.

Lahat diumano ng iba pang mga ballots na bahagi ng limang milyong nauna ng nadeklara o na-klasipikang depektibo ay hindi naman daw sira o depektibo, at puwede pang gamitin.

-ooo-



“BAKIT SIKRETO ANG PAGSUSURI NG COMELEC KUNG DEPEKTIBO O HINDI ANG MGA BALOTA SA MAYO?”: Ang problema sa lahat ng ito, ni walang ipinapakitang mga proseso o alituntunin mula sa mga batas pang-halalan ang inihahayag ng Comelec na batayan ng kaniyang mga pagpapasya kung ano ang depektibo at ano ang hindi depektibong mga balota.

Sa katunayan, wala ding mga kinatawan ang mga partido at ang mga kandidatong lalahok sa halalan sa Mayo. Ganundin, wala ding naging partisipasyon ang mga grupong gaya ng PPCRV, o Parish Pastoral Council for Responsible Voting, o ng National Movement for Free Election, o ng KBP, o Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas.

Hindi ito katanggap-tanggap dahil inaalis ang karapatan ng mga partido at mga kandidato, at maging ng mga citizens’ arms na tumitiyak sa malinis na halalan, na makasaksi man lamang sa mga pagkilos ng Comelec sa mga mahahalagang bagay na makaka-apekto sa Halalan 2022, gaya ng mga balotang gagamitin ng mga botante.

Lumilitaw tuloy na sinisikreto ng Comelec ang kaniyang mga pagkilos, na para bang mayroon itong inililihim, o itinatago, na ayaw ng Chairman at mga commissioners nito na malaman ng publiko.

Partikular dito, walang paunang pasabi ang poll body na nagsasagawa ito ng verification sa mga balota. Wala din itong inilalabas na mga alituntuning sinusunod nito upang isagawa ang ballot verification, at upang matiyak kung alin sa mga balota ang ituturing na good ballots o di kaya ay defective ballots.

-ooo-

COMELEC, HINIHILINGANG MAGLABAS NG PASYA KUNG MAGPAPATULOY BA ANG AUTOMATED-SMARTMATIC SYSTEM O BABALIK SA MANO-MANONG SISTEM: Inalis din ng Comelec ang karapatan ng mga IT experts, lalo na yung mga IT experts na ang pagiging dalubhasa sa halalan ay tungkol sa mga proseso ng automated system of elections na maging bahagi ng mga pagsusuring ito, gayong ang mga IT experts ang may kakayahang tumingin at magsuri din sa mga balota.

Ganundin, pinupuna ng maraming grupo, partikular ng KMMB, o Kilusan ng Mamamayan para sa Matuwid na Bayan ang kawalan ng interest ng Comelec sa kahilingang maglabas ito ng pinal na pasya kung itutuloy ba nito ang automated-Smartmatic election system sa Mayo.

Ang KMMB ay pinangungunahan nina retired Sandiganbayan Justice Raoul V. Victorino at Pastor Jojo Gonzales, lead convenor ng One Vote Our Hope Movement (na na-akredito ng Comelec noong 2010 upang maging citizens arm ng poll body).

Nais ng KMMB na sumagot ang Comelec sa kaniyang sulat kung ano ang gagamitin ng poll body—hybrid system ba, kung saan automated o computerized ang isang bahagi ng halalan at mano-mano naman ang ibang bahagi, o di kaya ay magbabalik ito sa mano-manong sistema lamang, na ginawa nito dati noong 2004 elections?

Tungkulin ng Comelec na maglabas ng pinal na pasya sa sistemang gagamitin nito sa Halaln 2022, kasi inaatasan ito ng mga batas upang gawin ang pagpapasyang iyon, noon pang 2003. Naghahanda ang KMMB para magsampa ng kaso sa Korte Suprema kung hindi tutugon ang Comelec sa linggong ito.

-ooo-

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com (Kakampi Mo Ang Batas), Radyo Pilipino stations, Luzon, Visayas, and Mindanao, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Newsbreak Media Company, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, at 95.5. J FM network.