Advertisers

Advertisers

Isunod ang Comelec

0 645

Advertisers

NAKAKAPANINDIG balahibo ang rali ng Leni-Kiko team sa Pasig City noong Linggo. Sino ang mag-aakala na nakahatak ng laksa-laksang tao? Hindi ito matatapatan ni BBM kahit gumastos siya ng daan-daang milyon piso upang pumunta ang maraming tao sa kanyang naghihingalong rali at kandidatura. Kahit dumalo pa siya sa lahat ng debate. Kahit magnobena siya sa sampung simbahan. Mahirap tapatan.

Hindi kami magtaka kung may lumabas na survey na nagpapakita na lampas sa 50% ang rating ni BBM laban sa anim na kalaban sa panguluhan. Hindi na iyan kapani-paniwala at lalabas na lubhang katawa-tawa. Hindi kami magtaka kung gumawa ng ibang paraan ang kampo ni BBM upang sirain ang momentum ni Leni.

Mahirap tapatan ang momentum ni Leni. Batay sa ilang survey ng ilang mapagkakatiwalaang survey firm na hindi makalantad lumapit na ang agwat ni Leni kay BBM. Halos nagpantay na silang dalawa. Tinatayang kukuha si Leni ng 20 miyon hanggang 21.5 milyon na boto sa halalan sa Mayo 9. Lalamang si Leni ng mahigit lima o anim na milyon kay BBM.



Sa maikli, masisira ang mga polling firm sa kanilang mga nakalipas na survey kung saan lamang si BBM na malaki kay Leni. Dahil sa labis na kumpiyansa sa sarili, hindi na dumalo si BBM sa anumang talakayan o debate pampubliko. Hindi na siya nagpaliwanag kung ano ang kanyang pinanindigan. Hindi na mabura sa isip ng publiko na duwag, tamad, at mahina ang ulo ni BBM dahil tumatakbo siya sa laban.

Ngayon, alam ng kampo ni Leni na tuloy-tuloy ang trajectory ng kanilang kampo sa panalo. Makakahabol si Kiko sa kandidato ng Davao City. Madadala ang lahat ng kandidato ng kanyang kampo sa senador. Nakikita nila ang tagumpay bagaman isang malaking problema ang Comelec na may reputasyon na mandaraya sa halalan.

Kailangan paghandaan ang bilangan. Hindi maganda ang reputasyon ng Comelec. Huwag tayong mangimi o matakot sa panibagong people power kung mandaraya ang Comelec. Huwag tayong matakot na muling lumabas sa kalsada at ipahayag ang ating damdamin kapag ipinanalo ng Comelec ang nandadayang kandidato.

***

HINDI binanggit ni Sonny Trillanes ang pangalan ni Dick Gordon sa rali ng Leni-Kiko team noong Linggo. Binanggit niya ang pangalan ng pitong kasapi sa tiket pang-Senado ng tambalan Leni-Kiko, ngunit hindi si Dick na kasama sa entablado at ang iba pang “guest candidate.” Binanggit si Teddy Baguilat, Leila de Lima, Chel Diokno, Risa Hontiveros, Alex Lacson, at Sonny Matula. Hindi na namin babanggitin ang pangalan ng mga guest candidate dahil hindi naman sila binanggit ni Trillanes.



Nag-umpisa ang hidwaan sa pagitan ni Trillanes at Gordon noong 2016. Kinalaban ni Trillanes ang digmaan kontra droga ni Rodrigo Duterte dahil labag na sa saligang-batas ang ginagawa ng tila baliw na lider ng Davao City. Kumampi si Gordon kay Duterte at bahagi si Gordon sa makinarya ni Duterte upang pahinaan ang mga batikos.

Hayaan ninyong sariwain ko ang nangyari noong mga panahon na iyon. Inihabla ni Trillanes at Gary Alejano si Duterte at mga kasapakat ng crimes against humanity a kasami si Gordon sa mga inihabla. Katwiran ni Trillanes, nagharap si Gordon na pinahinang Senate committee report tungkol sa inimbestigahang extrajudicial killings, o EJKs. Wala daw EJKs, ayong sa report ni Gordon. Sobrang malabnaw ang ulat kahit sumisigaw ang media sa mga patayan kaugnay sa madugo ngunit bigong giyera kontra droga ni Duterte.

Sa pananaw ni Trillanes, bahagi si Gordon ng PR machinery ni Duterte upang palusutin siya sa anumang pananagutan sa walang saysay na digmaan kontra droga. Galit na galit si Gordon sa pagkakasabit niya sa habla sa ICC. “Sana buong committee ang inihabla niya at hindi lang ako ang pumirma sa report,” aniya. Pero wala siyang nagawa at hanggang ngayon nandoon ang pangalan niya sa habla.

Iba ang ganti ni Trillanes sa pagbubunganga ni Gordon. Idinemanda ni Trillanes si Gordon ng plunder sa hukuman dahil may kinurakot umano si Gordon sa pondo ng Philippine Red Cross kung saan si Gordon ang chairman. Walang magawa si Gordon. Hawak siya sa bayag. May mga ebidensiya si Trillanes sa nakurakot na pera. Nasa husgado pa iyan at nakabinbin.

Maraming kasalanan si Gordon sa bayan. Kasama ang mga nalokong daan-daang volunteer sa Subic na nagtatrabaho ng walang katiyakan at suweldo. Hindi niya kinuha ang mga volunteer kahit namuhunan at nagtiyaga para matanggap sa trabaho. Palpak ang volunteer program niya sa Subic noong siya ang chairman ng Subic Bay Metropolitan Authority.

***

HINDI mahirap ihalal si Kiko Pangilinan bilang pangalawang pangulo ng bansa. May malawak na karanasan si Kiko bilang isang lingkod bayan. Tatlong termino siyang senador. Kahit kailan, hindi nasangkot ang kanyang magandang pangalan sa anumang iskandalo. Iginagalang ng kapwa lingkod bayan at mambabatas.

Bukod diyan, hindi sumpungin si Kiko. “Even tempered” ang tawag sa kanya sa Ingles. Ang ibig sabihin ay malamig ang ulo. Kung ihahambing sa kalaban na taga-Davao City, malayong-malayo si Kiko. Hindi siya sumpungin o sira ulo katulad ng kalaban. Wala siyang problema sa pamilya at hindi limitado ang karanasan.

Hindi masamang lunukin si Kiko. Hindi siya mahirap mahalin. Karapat-dapat na siya ang maging pangalawang pangulo.

***

MGA PILING SALITA: “”Ang magnanakaw, kapag hindi nagsauli. Magnanakaw uli.” – Melai, emcee ng Leni-Kiko rally sa Pasig

“Sabi ng nanay ko, igalang ko raw na Marcos Jr ang iboboto nya. Sabi ko, hindi ko papayagan iyon dahil kapag nanalo siya, damay ako sa incompetence niya. Damay ang tax ko; damay ang job opportunities ko; damay lahat! Kaya hindi! Irespeto ninyo ang katotohanan at tamang pagpili ng magiging presidente.” – Michael Angelo, netizen

“I fear for the BBM presidency because he is clueless about the job. He’ll run the ship of state to the ground.” – Roly Eclevia, netizen

“BBM absence in the presidential debates brings no positive effects. For voters, who won’t elect him, it firms up the belief he is a coward. For voters, who are in a dilemma, it is better to elect somebody else. For voters, who will vote him, shame on them. Makutya kayo sa sarili ninyo.” – PL, netizen

“No talk, no mistake? Hindi totoo iyan. No talk is a mistake. Magpakalalaki ka at humarap sa debate. Patunayan mo na lalaki ka.” – PL, netizen