Advertisers

Advertisers

Say ni Cayetano: P10K ayuda kayang kaya ibigay ng gobierno

0 342

Advertisers

HINDI naman sa pagmamaliit, pero apat hanggang anim na kilong bigas lang ang kayang bilhin ng P200 na buwanang ayuda na ibibigay ng gobyerno sa “poorest of the poor” sa loob ng isang taon dahil narin sa walang habas na pagtaas ng presyo ng krudo at mga bilihin.

Kalahating kilong baboy din lang o kaya’y isang buong dressed chicken ang magkakasya sa P200, hindi ka narin makakabili ng isang kilong isda sa halagang ito. Mismo!

Pero ang sabi nga nila biyaya pa rin ito sa mga nangangailangan. Kung susumahin aabot lang sa P2,400 sa loob ng isang taon ang matatanggap ng may 12M households o 74.7M katao. Sila ang poorest of the poor sa bansa na makakatanggap ng kabuoang pondong P33.1B na popondohan ng Value Added Tax mula sa krudo.



Kaya naman iginiit ni dating Speaker at ngayo’y nagbabalik-senadong Congressman Alan Peter Cayetano na kailangan lamang patawan ng 5% na savings ang lahat ng ahensya ng gobyerno upang makalikom ng P250B para mabiyan ng P10K ayuda ang mga pamilyang Pilipino. Maliban dito may matitira pang P50B standby fund na maaaring gamitin para sa iba pang programa ng pamahalaan. Alam naman natin na hindi lamang pantawid ang kailangan ng taong bayan sa ngayon. Kailangan ng pondong pang ahon mula sa kanilang kinasasadlakan dulot ng pandemyang COVID-19 at pagtaas ng presyo ng krudo at mga bilihin.

Matatandaang inihain ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyadong kongresista sa kamara ang P10K Ayuda Bill noong February 1, 2021 pero hindi ito inaksyunan ng mga mambabatas. Kaya sa tulong ng kanyang mga kaibigan at pribadong sector pinangunahan ni Cayetano ang pamimigay ng P10K ayuda sa libo-libong pamilyang Pilipino. 1/3 sa mga benepisyaryong ito ay nagpasimula ng munting kabuhayan mula sa natanggap na P10K ayuda kaya hindi ito masasabing dole out. Maliban dito nagbigay din si Cayetano ng P3,500 sa mga maliliit na negosyante na namamahala ng mga sari-sari store at karinderya.

Oo nga naman maliit o malaking biyaya ay biyaya pa rin na dapat ipagpasalamat ng ating mga kababayan pero ayon kay Cayetano “we can do so much better” at wag ng antayin pa ang susunod na administrasyon para ipatupad ang mga programang ito.Tama ang kanyang sinasabi na dapat ay solusyon ang pinag uusapan sa ngayon at hindi ang problema.

Ayon nga kay Cayetano, “Kung ano man ang usapan ngayon na iibigay sa tao, pagdating ng susunod na administrasyon, maiiba din yan. So, kung nabigay mo na yung limang libo, sampung libo, tapos na’’.

Kung maaalala natin, ipinatupad na rin noon ni dating Pangulong Fidel Ramos ang pagpapataw ng savings sa mga ahensya ng gobyerno kaya sa totoo lang, kayang-kaya itong ipatupad sa ngayon lalo na at di pa tuluyag nakakabangon ang ating bansa sa delubyong idinulot ng pandemya at ngayon nama’y humaharap sa pagtaas ng presyo ng krudo at mga bilihin. Kailangan na talagang magpatupad ng panibagong ayuda para sa ating mga kababayan na sobra-sobra na ang hilahil na nararanasan sa ngayon. Mismo!



***

Halos 150K ang dumalo sa rali ng Leni-Kiko tandem sa Emerald Avenue sa Pasig City nitong Linggo.

Ito na raw ang isa sa biggest people’s rally ng Leni-Kiko tandem. Talagang nagkulay pink ang Pasig City.

Kung ang lahat ng dumalo sa Leni-Kiko rally sa Pasig City at iba pang mga probinsiya, si Robredo na nga ang sunod na pangulo ng bansa simula sa Hunyo 30. Mismo!

Oo! maliwanag ang panalo ni Robredo sa kanilang kada People’s Rally kesa survey ng SWS, Pulse Asia at Publicos na pumapangalawa lang kay Bongbong Marcos Jr.

Tingin ko, babae nga ang sunod na pangulo ng Pilipinas. Yes!