Ariel nagtapat, lugi na ang produ ng noontime show kaya umalis na lang; Yasmien ‘di pasaway at magaan katrabaho
Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
MAKAKASAMA si Yasmien Kurdi sa Pinoy adaptation ng K-Drama series na Start-Up, mula sa GMA 7, na pagbibidahan nina Bea Alonzo at Alden Richards.
Sa interview sa aktres ni Nelson Canlas, sinabi nito na sobrang excited siya nang malamang magiging part siya ng show, dahil pinapanood niya ito rati sa Netflix.
Looking forward din umano siya na makatrabaho sina Bea at Alden sa unang pagkakataon.
Sabi ni Yasmien,”Noong kasagsagan ng lockdown, ito ‘yung pinapanood ko talaga. Kaya noong sinabi sa akin, regarding the show, sobrang na-excite ako.
“I’m so excited kasi it’s a new set of cast, and it’s very refreshing, very new. Ang saya lang kasi ang tagal ko na rin silang gustong maka-work, at finally makakasama ko na sila ngayon.”
Happy kami para kay Yasmien dahil tuluy-tuloy ang trabahong ibinibigay sa kanya ng kanyang mother studio, which is Kapuso network.
Deserved naman niya ito dahil sa totoo lang, magaan katrabaho si Yasmien. Hindi siya pasaway o nagpi-primadona.
***
SA panayam ni Cristy Fermin kay Ariel Rivera sa radio show niyang Cristy Fer Minute, ipinaliwanag ng huli sa una ang dahilan kung bakit iniwan niya na ang noontime show nilang Lunch Out Loud (LOL) na napapanood sa TV5.
Ayon sa singer-actor, ang kakulangan sa budget ang rason.
Ayaw na raw niyang makitang nahihirapan ang producer ng show dahil nalulugi na umano ito.
Sabi ni Ariel.“Unang-una ho, kasi may problema sa budget. May problema sa budget. Tapos ang producer namin, e, mabait, e, mabait yung producer namin, sobrang bait.
“In fact, nalulugi na po siya, e, ayoko naman siya bumigat pa yung problema niya.
“So, imbes na mahirapan pa siya, babawasan ko na lang yung gastos, umalis na lang ako.
“Kaya umalis ako dun hindi masama ang loob ko kundi masakit ang puso ko, kasi mahal na mahal ko yung mga tao run.”
Ang LOL ay iprinoprodyus ng Brighlight Productions na pag-aari ni former Congressman Albee Benitez.
Puring-puri ni Ariel si Albee dahil ibinigay raw nito lahat ng mga kailangan ng hosts at ng show.
“Yung producer namin wala ho siyang ginawa kundi ibigay ang kailangan ng show, kung ano ang kailangan namin binibigay niya po lahat.
“Kaya ayokong pahirapan siya, ang laki ng tulong niya sa show, nagpapasalamat ako.
“Hindi ko na siya napasalamatan, ngayon pa lang ako… kung nakikinig si Albee, Congressman Albee, gusto kong magpasalamat sa inyo pero ayaw ko ng maging pabigat sa production.
“And alam ko naman ang huhusay ng mga hosts doon, mabubuhay yung show kahit wala ako. Yun ang totoong dahilan lang po nun,” aniya pa.
Noong November 21, matapos magdiwang ang LOL ng kanilang unang anibersaryo, umalis na si Ariel.