Advertisers
PERSONAL na nagsagawa ng monitoring visit si Senator Christopher “Bong” Go sa East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City noong Lunes upang bigyang-diin ang pangako ng gobyerno sa mas epektibo at mahusay na pagkakaloob ng mga serbisyong pangkalusugan sa publiko sa gitna ng patuloy na pandemya ng COVID-19.
Ang EAMC ay nangunguna sa mga pagsisikap na labanan ang pandemya, na tumutugon sa parehong mga pasyente ng COVID-19 at Persons Under Investigation.
Sinaksihan ni Go ang paglilipat ng suportang pinansyal sa EAMC na nagkakahalagang P235 milyon mula sa Office of the President.
Layon ng pondo na i-upgrade ang Medical Oxygen Generating System ng EAMC, bukod sa iba pa, at para matulungan din ang mga mahihirap na pasyente.
Sa nasabi ring araw, nag-turn over din ang OP ng P100 milyon bawat halaga ng pondo para matulungan ang mga pasyente sa National Children’s Hospital (NCH), National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at Philippine Orthopedic Center (POC) sa Quezon City at National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City.
“Now is the time to really invest in our healthcare system. Umaasa ako na ito ang huling pandemya sa ating buhay pero ang totoo hindi natin alam kung kailan dadating ang susunod. Kaya sa mga ospital, full support kami ni Pangulong (Rodrigo) Duterte sa mga pangangailangan ninyo basta ang makikinabang ay ang mga mahihirap,” ayon kay Go.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga kawani ng ospital, sinabi ni Go na maraming Pilipino sa kanayunan at malalayong lokasyon ang kulang pa rin ng access sa mahahalagang serbisyong pangkalusugan.
Nangako siya na patuloy na isusulong ang batas para palawakin ang kapasidad ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa lahat ng antas sa kanyang kapasidad bilang tagapangulo ng Senate Committee on Health.
“Kakagaling ko lang sa Davao Occidental at ang pinakamalapit na general hospital doon ay 200 kilometers away, sa Davao City. Kung may emergency, hindi na aabot ang pasyente. Kaya tinulangan namin sila para sila ay makapagpatayo ng bagong ospital,” patuloy ni Go.
“Hindi ako titigil kahit matalo ako sa debate sa Senado. (Ipaglalaban ko ito) dahil alam ko ang mga mahihirap ang makikinabang sa mga batas gaya nito,” dagdag niya.
Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang 15 bagong local hospital bill na itinaguyod ni Go noong Enero.
Kabilang sa mga panukalang batas na ito ang layong mag-upgrade, pataasin ang bed capacity o magtatag ng mga bagong ospital sa iba’t ibang probinsya. Matagumpay na itinulak ng mambabatas ang pagsasabatas ng 24 pang katulad na panukalang batas noong 2021.
Ang Senate Committee on Health na pinamumunuan ni Go ay nakatakdang harapin ang marami pang mga panukalang batas na may kaugnayan sa kalusugan sa isang pagdinig ng komite ngayong Marso 22.
Nagpahayag ng pasasalamat si Go sa lahat ng frontline health workers na itinataya ang kanilang buhay araw-araw sa trabaho.
Nangako siyang aalagaan ang kanilang mga interes, na kamakailan ay nagtulak para sa pagpapasa ng isang panukalang batas na nagbibigay sa kanila ng karagdagang mga benepisyo at allowance para sa COVID-19.
Iniakda at co-sponsored ni Go, ang Senate Bill No. 2421 ay nagbibigay sa mga manggagawa ng buwanang COVID-19 Risk Allowance para sa tagal ng isang State of National Health Emergency. Nakasaad din dito ang pagbibigay ng karagdagang kabayaran para sa mga nagkasakit ng COVID-19 habang nasa linya ng tungkulin. Ang panukalang batas ay nakatakdang pirmahan ni Pangulong Duterte bilang batas.
Sa kanyang pagbisita, sinuri ng senador ang operasyon ng Malasakit Center sa EAMC na tinulungan niyang ilunsad noong Marso 2022. Siya ang sumulat ng panukala na naging Malasakit Centers Act of 2019 na may layuning palawakin ang tulong na may kaugnayan sa medikal mula sa gobyerno. Ang programa ay tumulong sa hindi bababa sa 3 milyong mga pasyenteng may kakapusan sa pananalapi sa buong bansa.
“Malapit na matapos ang termino ni Pangulong Duterte. Binuhos niya, sinugal niya ang lahat para sa kinabukasan ng ating mga anak. Narinig ko kanina na may nagpapasalamat sa amin. Huwag kayong magpasalamat at nagpapasalamat kami sa inyo dahil binigyan niyo kami ng pagkakataon na maglingkod sa ating bayan,” ani Go.