Advertisers
PATI sa pag-endorso ng presidentiable ay hindi magkasundo, nagtatalo ang mga opisyal ng ruling party PDP-Laban.
Oo! nahati na nga sa dalawang factions ang PDP-Laban, ang partido ng graduating president Rody “Digong” Duterte.
Inendorso ni Energy Secretary Alfonso Cusi, ang presidente ng isang faction, ang tandem nina Bongbong Marcos at Sara Duterte-Carpio na kanilang susuportahan.
Kinontra naman ito ng anak ng founder ng PDP-Laban na si Senador Koko Pimentel. Aniya, taliwas sa kanilang ipinaglalaban ang mag-endorso ng isang anak ng diktador (yumaong Pangulo Ferdinand Marcos, Sr or “Makoy”).
Ang ama kasi ni Koko na si late Sen. Nene Pimentel, founder ng PDP at tinaguriang ama ng local government unit, ay isa sa mga biktima ng lupet ni Marcos noong Martial Law. Pinakulong at pinahirapan ni Makoy si Nene.
Kasalukuyan paring nilulutas ng Comelec kung sino ang kilalaning tunay na PDP Laban. Kung ang Cusi faction ba o ang Manny Pacquiao faction? Si Pacquiao kasi ang itinalaga ni Pimentel na pangulo ng PDP Laban, bagay na kinontra ng kampo ni Cusi.
Anyway, walang apekto sa kandidatura ni Pacquiao kung hindi man papabor sa kanya ang maging desisyon ng Comelec sa PDP-Laban dahil hindi naman ito ang partidong dala niya sa kanyang Certificate of Candidacy (CoC).
Pero may dating pa ba ang endorsement ni Pangulong Duterte? Kasi karamihan sa kanyang mga supporter ay nagtalunan na, lumipat na sa ibang partido at isa narin siyang lameduck President. Mismo!
***
Higit 40 days nalang at eleksyon na. Simula na nga bukas ng kampanya para sa mga lokal na kandidato.
Doble kayod na ang mga kandidato lalo ang presidentiables. Naaaninag na natin kung sino ang mahigpit na maglalaban para sa pagka-pangulo, sa pagitan nalang nina Vice President Leni Robredo at dating Senador Bongbong Marcos, Jr. (BBM).
Kung ang attendance ng mga rali nila ang pagbabasehan ng eleksyon, maliwanag na landslide ang panalo ni Robredo.
Pero kung ang basehan ay ang mga survey, landslide naman ang panalo ni BBM.
Dahil randam ng kampo ni Marcos ang talagang nangyayari sa ground, gumagawa ng paraan ang mga ito para ma-distract ang nakuhang momentum ni Robredo. Nandiyan ang ipakalat nila ang tarpaulin ng tambalang Leni-Sara sa Mindanao at iba pang bahagi ng Visayas.
Nandiyan namang ipakalat ng ilang supporters ni Marcos ang Marcos-Sotto (Tito) tandem. Dahil may masama raw na binabalak ang mga Duterte kay Marcos. Na kapag nanalo si BBM at Sara ay ipa-disqualified ang kandidatura ni BBM para makaupo na pangulo si Sara.
Posible ngang mangyari ito. Dahil hanggang ngayon ay iniipit pa ng Comelec ang desisyon sa isinampang disqualification case laban kay BBM. Ito yung tungkol sa conviction niya sa hindi pagbabayad ng tax sa loob ng limang sunod na taon noong gobernador siya ng Ilocos.
Pakiramdam ng mga loyalista ni Marcos, ipatatanggal ni Duterte si BBM kapag nanalo ito at si Sara. Puede talaga itong mangyari. Mismo!
***
Pinasinungalingan ni presidential aspirant Senador Ping Lacson na aatras siya sa kanyang kandidatura dahil hindi ito umaangat sa mga survey.
Aniya, lalaban siya hanggang wakas. Naniniwala siya na mananalo siya sa kabila na pang-4 lang siya sa surveys sa top 5 presidentiables na pinangungunahan ni Marcos, sumunod si Robredo, Isko Moreno at pang-lima si Pacquiao.