Advertisers
“HINDI ako threatened.”
Ito ang paninindigan ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno sa ginawang pag-endorso ng PDP-Laban Alfonso Cusi-wing faction sa kandidatura ni Presidentiable Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Ang pahayag ni Moreno ay bilang tugon sa isang ambush interview sa kanya nitong Miyerkules, sa ginanap na turn-over ceremony sa newly-renovated na Unibersidad de Manila Annex Building na nasa Carlos Palanca St. kanto ng Helios St., sa Sta. Cruz, Maynila.
Sa kabila nito, aminado si Moreno na dahil sa naturang panibagong endorsement kay Marcos ay lalong magiging mahirap ang kanyang laban at kampanya.
Tiniyak naman ni Moreno na ipagpapatuloy pa rin niya ang direktang pakikipag-usap sa mga mamamayan upang mahikayat ang mga ito na siya ang iboto sa pagka-pangulo sa nalalapit na halalan sa bansa sa Mayo.
“Just to be fair to you, siyempre, lalong hihirap ang laban ko. Kasi mga pedigree na nga, sinamahan pa ng mga pedigree ulit, napakalalaking grupo sa pulitika. Siyempre kailangang maging tapat ako sa taongbayan, na kung sasamahan nila ako, sasama sila sa mahirap na laban, hind sa magaan na laban,” ayon kay Moreno.
“Mas humirap ang laban ko. But just the same, remember, lahat ng aklat ng buhay ko, puro mahirap ang laban ko. Sa awa ng Diyos at salamat sa Diyos, nalagpasan ko lahat, nagtagumpay ako. Tingin ko naman, sa tulong ng Diyos at sa tulong ninyo, malalagpasan ko rin itong hamon sa buhay. Kaya lagi ko ngang sinasabi sa tao, huwag tayong susuko,” dagdag ng alkalde.
Ipinauubaya naman ni Moreno sa taumbayan ang paghuhusga at kung sino ang pipiliin nilang susunod na Pangulo ng bansa.
“It’s not up for me to judge sa desisyon nila. But I agree with you, na ang partido na ito, ay totoo sa kasaysayan, binuo para labanan ang diktadurya. That is a fact. But to judge their decision today, hayaan ko na ang taongbayan ang maghusga kung iyon ba ay tama, yun ba’y makatwiran, or morally acceptable,” dagdag pa niya.
Umaasa pa rin aniya siya na makukuha ang endorsement ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang nilinaw ng Malakanyang na ang pag-endorso ng PDP-Laban Cusi faction kay Marcos, ay hindi katumbas ng pag-endorso rin ni Pang. Duterte. (ANDI GARCIA)