Advertisers

Advertisers

HINDI FAKE ANG UTANG NA P203-B NG PAMILYA MARCOS; ANG MAHALAGA ANG EKONOMYA NG SIKMURA: YORME ISKO

0 295

Advertisers

DAPAT ipatupad sa lahat, sinoman siya, ang batas tungkol sa pagkakalat ng fake news, ito ang sinabi ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa Comelec Presidential Debates.

Sa debate, binanggit na 51% ng mayorya sa Pilipino ang nahihirapang matukoy kung ano ba ang totoo o fake news sa lahat ng plataforma ng pagbabalita.

Pati ang source ng maling balita, sabi ni Yorme Isko ay dapat na habulin at panagutin at hindi dapat pumayag ang mga Pilipino na magkaroon ng fake account.



Iniugnay ito ng 47-anyos na kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko sa pahayag ng kampo ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na hindi raw totoo na may utang ang kanyang pamilya na estate tax sa gobyerno na sa kasalukuyan ay umaabot sa P203-bilyon.

Totoo, hindi fake news, ang utang na estate tax ng pamilya Marcos sa mamamayang Pilipino, giit ni Isko.

Sa Weekly Kapihan sa Manila Bay forum kamakailan, binanggit ni Marcos na fake news ang tungkol sa utang na estate tax ng kanyang pamilya.

Sinabi ni Marcos na hayaan na lamang na mga abogado ang mag-usap sa isyu, dahil hindi lahat ng nababanggit sa nabanggit na forum ay totoo.

Hindi dumalo si Marcos sa ginanap na Comelec debate sa Sofitel Hotel, pati na sa CNN Presidential Debates na ginanap kamakailan sa University of Santo Tomas.



Mahalaga ang pagdalo sa debate, ayon kay Yorme Isko at ayon kay Lito Banayo, chief campaign strategist ng Aksyon Demokratiko na maaring tawaging ‘duwag’ si Marcos at hindi seryoso sa pagtakbo bilang pangulo ng bansa.

Ayon kay Yorme Isko, mabigat ang laban niya sa halalan sa Mayo 9, 2022 dahil hindi siya kabilang sa pamilyang kilala sa politika.

“…Outsider ako eh. I don’t belong to political pedigree. Katulad nga sa buhay ng tao, marami kang pagsubok na pinagdadaanan, but at the end of the day… lalagpasan natin ang lahat ng pagsubok, ” sabi ni Yorme Isko.

Sa tanong kung paano mapabibilis ang pagbangon ng ekonomya ng bansa, sinabi ni Yorme Isko sa PiliPinas Debates 2022: The Turning Point ng Comelec na uunahin niya ang pamumuhunan sa agrikultura.

“Dapat po mamuhunan tayo na payabungin ang katayuan ng magsasaka. Sa pag-ikot-ikot ko sa buong Pilipinas, nakita ko po talagang medyo napapabayaan na natin ang ating magsasaka,” sabi ni Isko.

Magbibigay ng kapanatagan sa bansa kung mapapalakas ang industriya ng agrikultura na magbibigay ng “makakain at may tamang makain at murang makakain” sa lahat ng mamamayang Pilipino.

Mahalaga, dugtong ni Yorme Isko ay ang ‘ekonomya ng sikmura’ habang patuloy na nilalaban ang COVID-19 pandemic.

Dagdag pa niya na kailangan na mamuhunan ang bansa sa ‘post-harvest facilities’ at pababain ang presyo ng pataba at tingnan ang pagbawas sa presyo ng krudo na ginagamit sa produksiyon ng pagkain.

Kung may seguridad sa pagkain, “ito ang magbibigay ng kapanatagan sa bawat Pilipino,” paliwanag ni Yorme Isko. (BP)