Advertisers
KINUMPIRMA ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpupulong nina Pangulong Rodrigo Duterte at presidential aspirant Bongbong Marcos at ibinahagi umano ng Chief Executive ang mga naging diskarte niya sa pagpapatakbo sa bansa.
Ginawa ni Go ang pahayag sa isang panayam matapos ang kanyang monitoring visit sa Malasakit Center at turnover ng financial assistance mula sa Office of the President sa Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City.
Sinabi ni Go na nagkaroon ng produktibong pagpupulong ang Pangulo at si BBM kung saan ibinahagi ni Duterte ang kanyang mga karanasan kay Marcos bilang outgoing president ng bansa at binigyan pa siya ng payo sa kanilang mga talakayan.
“Maganda naman po ang resulta ng meeting. Medyo matagal-tagal na ‘yon at talagang ganado ‘yung Pangulo na magkuwento. I think about 80% ng discussion ay more on si Presidente po ang nagsasalita,” ibinahagi ng senador.
“And he shared his experience po… as president sa mga nakaraan. Ito, nagbigay siya ng mga kaunting payo, mga ginawa niya para sa ating bayan ay sana po’y ipagpatuloy kung sino man po ‘yong magiging susunod na Pangulo,” ani Go.
Binanggit din ni Go na ang pagpupulong ay isa sa mga naging dahilan ng naghaharing partido, ang PDP-Laban, na iendorso ang kandidatura ni Marcos pagkatapos ng iba’t ibang pag-uusap at konsultasyon.
“Malamang ‘yon po ang naging isa sa naging dahilan, pero dumaan po ‘yon sa konsultasyon at proseso,” sabi ni Go.
“It’s a party decision po. So, ibig sabihin dumaan sa proseso, pinag-usapan, nagkonsulta sa iba pang miyembro ng PDP at majority ang nakapag-decide kung sino po ‘yung ina-adopt at susuportahan. So, it’s a party decision po,” he added.
Pagkatapos ay ipinahayag ng senador ang kanyang pag-asa para sa pagkakaisa sa loob ng partido pagdating sa pag-endorso ng mga kandidato sa darating na halalan.
“Ang pagiging miyembro po ng PDP ay sana iisa po ang magiging direksyon ng lahat ng miyembro ng partido,” ani Go.
“Kasi para naman po sa akin, para po sa akin personally as PDP member, kung sino po ‘yung makapagpatuloy ng magagandang programa ni Pangulong Duterte, […] iyon po ang gusto kong suportahan. At kung sino po ‘yung talagang ‘yung direksyon niya is ipagpatuloy, huwag sirain ‘yung momentum na naumpisahan na natin,” dagdag niya.
Nang tanungin tungkol sa estado ng political party system sa bansa, ispekulasyon ni Go na magbabago ang mga kasalukuyang political affiliations pagkatapos ng termino ni Duterte at sinabing ito ay realidad ng pulitika sa Pilipinas.
“After President Duterte, sa tingin ko watak-watak na rin ‘yan, Gano’n naman talaga that’s the reality of Philippine politics and our party system dito sa ating bansa,” ani Go.
“At kahit kailan, kung sino ‘yung president sila ‘yung ruling party. After papalitan ng panibagong presidente ‘yon na naman ang magiging ruling party. So yun ang realidad ng Philippine politics,” pahabol ng mambabatas.