Advertisers
(Si Joey Venancio ay on-leave simula ngayon. Siya’y kandidato sa pagka-kongresista sa kanilang lalawigan, Romblon. Ang kolum na nababasa n‘yo ngayon ay gawa ng kanyang editor.)
PARANG dagang naghahanap ng masusulingan itong si Pantaleon “Bebot” Alvarez.
Oo! Ito ang naging situwasyon ni Alvarez, ang presidente ng Partido Reporma at dating House Speaker ni Pangulo Rody Duterte, dahil bagama’t lumipat ang kanyang kampo kay independent presidentiable Leni Robredo ay nagdulot pa ito ng panibagong kontrobersiya.
Bakit kanyo nagdulot ng kontrobersiya? Aba’y wala pang isang oras na pumasok si Alvarez sa kampo ni Robredo ay nagpalagan agad ang mga tunay na kakampinks dahil naalala nila kung paano baboyin ng kongresista mula Davao del Norte ang kanilang ptesidential aspirant.
Kung masipag lang tayo mag-Google search, si Alvarez lang naman ang tagapronte ng administrasyong Duterte sa mga tangkang pagpapatalsik kay Robredo sa puwesto noong House Speaker ito. At ito ang kinaiinisan ng kakampinks.
Sa kabilang dako, napingasan din ang Reporma bunga ng ginawang paglipat ni Alvarez kaya panigurado, dalawang mas malaking situwasyon ang kailangang harapin niya ngayon na sa ganitong panahon na nalalapit na ang halalan ay hindi dapat na nangyayari.
Lumalabas na parehong walang kredidibilidad sina Robredo at Alvarez sa nangyaring pagsasanib puwersa nila dahil sa kaso ng una para siyang nagpapasok sa mortal na kaaway sa loob ng kanyang tahanan, habang sa situwasyon naman ng huli, kinapalan na lamang niya ang kanyang mukha kahit alam niyang hindi siya pagkakatiwalaan.
May resibo tayo dyan, dahil ito ang sinabi ni Alvarez kay Robredo noong 2017: “Kauna-unahan sa kasaysayan ng Pilipinas na mayroong isang napakakapal ng mukha na isang official ng gobyerno ay nagpadala ng
clip… para sirain ang ating bansa”.
Tinukoy niya rito ang pagbatikos ni Robredo sa war on drugs ni Pangulong Duterte – na kaibigan at kaalyado rin ng dating House Speaker.
Binalak din noon ni Alvarez na maghain ng impeachment complaint laban sa bise presidente pero walang nangyari.
Sa panahon ding ‘yan parehong bumulusok sa survey sina Robredo at Alvarez pagdating sa “disapproval” at “distrust” ratings – as in silang dalawa ang pinaka-ayaw ng taumbayan.
Sa ganang akin, andiyan lang naman si Ping, malinis, matapang, may kakayahan at sapat na karanasan para pamunuan ang taumbayan.
Huwag na nating pagbatayan ang dami ng tao sa rally dahil ang mga dumadalo sa pula ay nagpupunta rin sa pink. Mismo!
***
Sa kabila ng pag-iwan ni Alvarez kay Lacson ay sinabi ng palaban Senador na hindi siya aatras sa laban, itutuloy niya ang laban hanggang sa huli kahit siya’y independent na.
Pero ayon sa Comelec, hindi independent si Ping, may partido parin siya, ang Partido Reporma. Oo! Siya parin ang opisyal na kandidato ng partido sa balota.
“Regardless yung nangyari, it may be political, but as far as the legal effect is concerned, whatever his or her party was at the time of October 1-8 will be his party for purposes of the ballot and for purposes of determining majority, minority party to be determined by the Comelec,” paliwanag ni Comelec Commissioner George Garcia.
Sa kabilang banda, sinabi ni Garcia na magiging mahigpit sila ngayon sa isyu ng vite buying. Kakasuhan at idi-disqualify talaga nila ang kandidato na namimili ng boto. Kakasuhan din ang nagbebenta ng boto. Araguy!!!