Advertisers
MGA bayani ng bansa ang mga prodyuser ng pagkain ng mga Pilipino.
Ito ang itinawag ni Aksyon Demokratiko standard bearer Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga magsasaka, mangingisda at nag-aalaga ng hayop sa kampanya ng Team Isko-Doc Willie sa mga bayan ng Bulacan, Huwebes, Marso 24 at Batangas, Marso 25.
Sinigurado ni Yorme Isko na ibubuhos nang todo ng kanyang administrasyon ang suporta sa sektor ng agrikultura, pangisdaan at paghahayupan upang magkaroon ng patuloy na suplay ng pagkain ang pamilyang Pilipino.
“It’s more on food security. Kailangan maproteksyonan yung mga karne, alagang baboy at manok, mga pagkain na produkto rin ng Bulacan at Batangas, pati na mga palay,” sabi ni Yorme Isko.
Aniya, bibigyan ng ibayong proteksyon ng kanyang gobyerno ang mga magtatanim ng gulay, magsasaka ng palay at iba pang produktong bukid sa buong bansa.
Magpapatayo rin siya ng mga cold storage at mga pasilidad upang mapanatiling maayos at sariwa ang mga sobra sa ani kaysa mabulok lamang.
Ani Isko, kayang-kayang pakainin ang mamamayang Pilipino kung makatatanggap ng maraming tulong at proteksyon “kayo na mga bayani ng bayan na nagbibigay ng pagkain sa aming mga hapag-kainan.”
Ikinakulungkot ni Yorme Isko na dahil sa pagpapabaya, “marami sa ating mga magsasaka, mukhang napagod na o tumigil na sa pagsasaka.”
Ayon kay Yorme Isko, dahil sa pagkalugi, o hindi nabebenta yung kanilang produkto sa tamang presyo kaya tumigil na ang karamihan sa pagsasaka.
Tao muna, mga magsasaka, mga prodyuser ng pagkain ang isa sa programa ng ‘Life and Livelihood’ ng Team Isko at Doc Willie Ong.
“Kami ni Doc Willie Ong ang magbibigay sa inyo ng job opportunity, mabilisang trabaho. Second yung pagkain, yung food security,” sabi ni Yorme Isko.
Sa Grand Proclamation rally ng ONE BATANGAS at ANG BAGONG LIPA na ginanap sa Claro M. Recto Event Center sa Lipa, Batangas at dinaluhan ng 65 thousand na Batangueño nitong Biyernes, Marso 25 ay muling ipinangako ni Yorme Isko na ang unang dalawang taon ng kanyang administrasyon ay sesentro muna sa buhay at kabuhayan upang maibsan ang paghihirap na dinanas ng mamamayang Pilipino gawa ng pandemyang COVID-19.
Sa naturang pagtitipon ay tuwiran nang inindorso ni outgoing senator at Lipa lone district congressional bet Ralph Recto si Yorme Isko para sa pagkapangulo ng bansa.(BP)