Advertisers
MULING binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang pangangailangang palakasin ng gobyerno ang mga hakbang para maiwasan ang mga sunog na sumisira ng mga buhay at ari-arian ngayong “Fire Prevention Month”.
Ginawa ni Go ang pahayag kasabay ng pamamahagi ng kanyang grupo sa Quezon City para sa mga pamilyang napinsala ang mga kabahayan sa sunog sa Barangay Laging Handa at San Antonio.
“Saksi ako sa hinagpis na nararamdaman ng mga biktima ng sunog. Kada buwan, ilang komunidad ang ating binibisita upang makapagbigay ng tulong. Obligasyon ng gobyerno na maging handa sa oras ng sakuna kaya nag-file ako ng batas para mabigyan ng karagdagang kagamitan at personnel ang ating Bureau of Fire Protection,” sabi ni Go sa kanyang video message.
“Dapat paghandaan natin ang anumang krisis o sakuna. Kaya naman nagpapasalamat ako kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa kapwa ko mga mambabatas sa mabilis na pagpasa ng batas na ito,” aniya.
Si Go ang pangunahing may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11589, o kilala bilang Bureau of Fire Protection Modernization Act of 2021.
Ang batas ay nagbibigay ng sampung taong modernization program para sa BFP na maging isang world-class ang mga pasilidad sa pamamagitan ng mga modernong kagamitan sa pamatay-sunog, pagkuha pa ng mga bumbero at pagbuo ng mga espesyal na programa sa pagsasanay, bukod sa iba pa.
Namahagi ang team ni Go ng tulong pinansyal, grocery packs, pagkain at mask sa mga apektadong pamilya sa kani-kanilang barangay hall ng Laging Handa at San Antonio.
Binigyan din ng mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development ang bawat pamilya ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation.
Naniniwala si Go na malapit nang bumalik sa normal ang bansa dahil ang mga pagsisikap ng gobyerno sa pandemya ay nagpapakita ng mga positibong resulta.
“Mga kababayan ko, tuluy-tuloy lang po ang ating pagbabakuna. Magtiwala ho kayo sa bakuna. ‘Pag nasa priority list na ho kayo magpabakuna na po kayo para protektado kayo at ang inyong pamilya,” hikayat ni Go.
Alinsunod sa kanyang pangako na unahin ang kapakanan ng mga Pilipino, tiniyak din ni Go, bilang tagapangulo ng Senate Committee on Health and Demography, sa mga benepisyaryo na ang mga programa ng tulong medikal ng gobyerno ay madaling ma-access sa alinman sa 11 Malasakit Centers sa lungsod.
Ang Malasakit Center ay idinisenyo upang tulungan ang mga mahihirap sa kanilang mga gastusin sa pagpapagamot. Isa itong one-stop shop kung saan ang mga kinauukulang ahensya, tulad ng DSWD, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office, ay nagtutulungan upang bawasan ang mga bayarin ng pasyente sa pinakamababang halaga na posible.
Si Go rin ang pangunahing may-akda at sponsor ng Malasakit Centers Act of 2019.
Sa pagtatapos ng kanyang mga pahayag, pinuri ng senadora ang lahat ng lokal na awtoridad na patuloy na nagsusumikap upang matiyak na ang kanilang mga nasasakupan ay ligtas at suportado sa mga sitwasyon ng krisis.