Advertisers

Advertisers

Isko, Honey, Yul nanguna sa inagurasyon at pamimigay ng units sa Tondominium 2

0 395

Advertisers

PINANGUNAHAN nina Presidential bet, Manila Mayor Isko Moreno, Mayoral candidate Vice Mayor Honey Lacuna at Vice Mayoral candidate Rep. Yul Servo nitong Linggo ang inagurasyon at distribusyon ng units sa may 168 na dating homeless na recipients sa Tondominium 2. Ipinanawagan din ng alkalde sa mga mapapalad na tumanggap ng units na panatilihin itong malinis at maayos sa lahat ng oras.

“Ingatan nyo ‘to. Di araw-araw Pasko. Ipagpasalamat ninyo sa Diyos at kung hindi kalabisan, isama po ninyo ako sa inyong panalangin na bigyan ako ng katatagan ng kalooban para suungin ang mahirap na labang ito dahil sa tagumpay ko, milyong pamilya pa ang pupwedeng magbago ang buhay,” sabi ni Moreno.

Pinasalamatan ng alkalde si Lacuna, ang mga city councilors kabilang rin sina City Engineer Armand Andres, City Architect Pepito Balmoris at Urban Settlements chief Atty. Cris Fernandez at ang lahat ng mga construction workers na ayon kay Moreno ay nagtrabaho ng husto upang ang pitong mass housing projects ay matapos agad.



Bilang isang dating squatter, sinabi ni Moreno na alam niya ang nararanasang araw-araw na walang kasiguraduhang buhay ng isang informal settlers at nangungupahan at ang takot na isang araw ay sa kalye na lamang manirahan. Kaya naman naisip nila ni Lacuna na gawing pangunahing proyekto ang mass housing.

Ayon kay Moreno, malaki ang kanyang pagtitiwala na bilang susunod na alkalde ng Maynila ay itutuloy ni Lacuna ang pagtatayo ng Tondominium 3 and 4 at Binondominium 2 and 3 at ng San Sebastian Residences at San Lazaro Residences.

Ang bagay na ito ay pinagtibay naman ni Lacuna na nagsabing: “ Nagsanib ang aming mga kaisipan at layuning maghain ng konkretong proyekto para sa mga Batang Maynila. Sana ay matagpuan ninyo ang panibagong pag-asa sa inyong buhay. Kasabay nyo kami sa patuloy na pagsisikap para maging mas mapanatag, masaya, mapayapa at masagana ang buhay ng bawat pamilyang Manilenyo.”

Ginarantyahan din ni Lacuna na bilang Pangulo ng bansa ay walang sasayanging oras si Moreno upang muling gawin sa buong bansa ang nagawa na niya sa lungsod ng Maynila.

“Kailangan nating ang Pangulong may tunay na solusyon at mabilis na aksyon na taglay ang magagandang pangarap para sa mga kapwa Pilipino,” dagdag pa ni Lacuna.



Ayon kay Andres, tulad ng Tondominium 1, ang Tondominium 2 ay 15-storey condominium building kung saan ang bawat palapag ay may 696 metro kwadradong sukat habang 10,914 metro kwadrado naman ang kabuuang floor area. Mayroon itong 168 units kung saan binubuo ng 12 units kada palapag, ang bawat unit ay may sukat na 44 metro kwadrado, may dalawang silid, toilet at dining area.

Mayroon din itong dalawang service elevators, day care center, office, livelihood center with toilet, pump room, electrical room, maintenance room, dalawang stair nodes at roof deck.

“Kung kaya gawin at nangyari dito sa Maynila, mangyayari din ito kahit saan sa Pilipinas,” sabi ni Moreno na may pahiwatig na ang mass housing program para sa mga homeless ay kayang gawin sa buong bansa kapag siya ang nahalal na Pangulo ng Pilipinas.

Sa kanyang talumpati sinabi ni Moreno na ang pinagtayuan ng Tondominium 2 ay pag-aari ng gobyerno at dinagdag pa nito na : “imagine what we can do for the entire nation if we are able lead this country, in God’s grace.” (Andi Garcia)