Sa gobyernong Moreno, lahat ng aksyon at desisyon ay para sa interes ng mas nakararami at kapakinabangan ng mamamayang Pilipino!
Advertisers
MALAYA ang sinoman sa kampo ng Team Isko-Doc Willie sa opinyon nila.
Tinawag kasi ni Lito Banayo, chief campaign strategist ng Aksyon Demokratiko, si dating senador Bongbong Marcos (BBM) na duwag sa pagtangging sumama sa debate ng mga tumatakbong pangulo.
Kung iyon ang nasa isip ni Lito Banayo – na kilalang mahusay na taga-isip ng taktika sa politika – kanya lang iyon, at hindi siya sang-ayon, sabi ni Manila Mayor Isko Moreno nang tanungin ng media.
Hindi siya payag sa gano’ng parunggit ni Banayo, pero kung sa palagay nito, “duwag” si Marcos, hindi raw niya kokontrahin iyon, paliwanag ni Isko.
May kanya-kanyang opinyon ang bawat tao, at iyon, aniya, ay kanyang iginagalang.
“He is entitled to his opinion. Kung iyon ang paniniwala niya, sarili niya iyon, wala tayong magagawa roon,” paliwanag ni Yorme Isko.
Kung tinawag ni Banayo na duwag sa debate at interbyu si BBM, na iba sa kanyang pakiramdam, iginagalang niya, sabi ni Yorme, ang pakiramdam ng kasama niya sa partido – ito ay kahit naiiba o salungat sa kanyang opinyon.
***
Yan ang isa sa magandang ugali ni Yorme Isko: kahit salungat sa kanyang pakiramdam, iginagalang niya at itinuturing na karapatan ng kasama sa partido.
Hindi ba laging sinasabi ni Yorme Isko na sa Maynila, bago siya magdesisyon, hinihingi niya ang opinyon ng mga kasama at laging bukas ang isip niya na maaaring iba sa pakiramdam niya ang maririnig niya pero iyon ay pakikinggan niya, titimbangin niya, saka siya nagdedesisyon.
Iyon ang diwa ng demokrasya: ang kalayaan ng bawat isa na sabihin ang pakiramdam, kahit man iyon ay salungat o kontra sa nasa isip ng iba.
Walang pinupwersa o pinipilit si Isko na sang-ayunan ang opinyon niya.
Mas mahalaga, sa kampanya, sa pag-iikot sa paghahayag ng mga programa ng gobyernong Moreno – kung siya ang mananalo sa eleksiyon sa Mayo 2022 –, magkakasama sila, hanggang maaari.
“Pag magkakasama kami, masaya kami,” sabi ni Yorme Isko.
***
Sa isang press conference sa Maynila, sinabi ni Banayo na senyales ng pagkaduwag ni BBM ay ang pag-iwas o pagtangging sumali sa mga debate.
Kailangan sa isang nais maging presidente ay ang katapangang harapin ang mga isyu, panig man o kontra sa kanya ang isyung pag-uusapan.
Tumanggi si BBM na sumalang sa debate ng CNN Philippines, Pilipinas Debates 2022 ng Comelec at ilang pang imbitasyon ng media, ito, sa pakiramdam ni Banayo ay “show of cowardice.”
Paano nga bang iboboto ang ganitong klaseng kandidato na sa debate o interbyu ay “naduduwag.”
Paliwanag pa ni Yorme Isko, ang mahalaga ngayon, sila ay nagtutulungan sa kampanya, at kung anoman ang personal na paniniwala ng tao, hindi niya iyon masyadong sinasaklawan.
Kung siya ang mananalo, “demokrasya ang iiral” sa kanyang gobyerno.
“Walang lugar sa aming gobyerno ang diktadurya, lahat ng aksyon at desisyon ay kasang-ayon ng ating mga batas, at ating mga kilos ay laging layunin ay ang interes ng mas nakararami at kapakinabangan ng mamamayang Pilipino,” sabi ni Yorme Isko.
***
Walang dapat ipag-alala ang mga nagmamahal kay Yorme Isko.
Wala siyang sakit sa puso, sakit lang sa buto gawa ng matinding pagod sa pangangampanya sa ilang lalawigan kamakailan, paliwanag ni Doc Willie Ong, katiket na bise presidente ni Yorme Isko.
Nabatid na sa ikalawang araw ng kampanya sa Bicol region, naidaing ni Isko kay Doc Willie na may nararamdaman siyang sakit sa puso.
Sa eksamen ni Doc Willie at maybahay na si Doc Liza Ramoso-Ong, mayroong costochondritis si Yorme Isko.
“Ang blood pressure (ni Isko) ayon kay Doc Liza ay 110/80 mmhg. Heart rate ay 88. Ayos naman ang pakinig ko sa puso niya. Ang sabi ko ay balewala yan, sa buto lang ang sakit dahil sa pagod. Ang diagnosis ko ay costochondritis. Hindi yan sakit sa puso,” sabi ni Doc Ong.
Pamamaga ng litid na kunektado sa tadyang at buto sa dibdib (sternum) ang dahilan ng kirot na nararamdaman ni Yorme Isko.
Ang kirot na gawa ng costochondritis ay maipagkakamali na senyales ng atake o sakit sa puso, paliwanag ni Doc Liza.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.