Advertisers
BUO ang pagtitiwala ni Aksyon Demokratiko presidential bet Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na mas makabubuti na manatili sa kamay ng local government units (LGUs) ang serbisyo sa kalusugan kaysa muling ibalik ito sa poder ng pambansang gobyerno.
Naniniwala si Yorme Isko, mas malaking ginhawa, mas mabilis na magagamot ang isang maysakit kung sa provincial city, municipal o regional hospital sila gagamutin.
Magagawa ito, paliwanag ni Isko dahil sa mas malaking pondo mula sa internal revenue allotment (IRA) ang maibibigay sa LGUs bunga ng Supreme Court sa kasong isinampa nina Batangas Gov. Hermilando Mandanas at dating Gov. Enrique Garcia Jr.
Sa Mandanas decision, mula sa dating 40 percent, aabot sa 60 percent ang makokolektang parte ng LGUs mula sa koleksiyong buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at ng Bureau of Customs (BoC).
“Malaking pera, katulad ng Maynila, may extra na P1.5 billion (ang makukuha) because of the Mandanas Ruling. At para hindi na mahirapan ang national government, ‘yung ibang services, ibigay natin sa LGUs,” sabi ni Yorme Isko.
Paliwanag ni Yorme Isko, plano nila ni Doc Willie Ong, katiket niyang bise presidente na magtayo ng isang ospital sa bawat rehiyon ng bansa, at itiwala ang pamamahala niyon sa mga lokal na pamahalaan.
Bukod sa serbisyong medikal, magagawa ng LGUs ang mga lokal na serbisyo sa pabahay, patrabaho, impraestraktura, agrikultura at iba pa.
Kung siya ang pangulo, direksiyon at tuntunin at gabay ang ibibigay niya sa lokal na pamahalaan, paliwanag ni Yorme Isko.
Ibibigay natin ang direksiyon on how to utilize funds kung saan, daoat gastusin,… sa pabahay, eskwelahan, sa malalayong lugar, walang nearby access sa paaralan, sa ospital at sa iba pang services kung papayagan ng batas,” paliwanag ni Isko.
Sa kanyang gobyerno, masugid na itataguyod ni Yorme Isko ang programang ‘Buhay at Kabuhayan’ upang mabilis na matugunan ang kahirapan, gutom, trabaho at iba pang serbisyo sa pamamagitan ng mahusay, bukas-sa-publikong-pamamahala.
“Tao muna, kapakanan, kapakinabangan ng tao ang uunahin, iyan ang konsepto ng ‘Buhay at Kabuhayan’ namin ni Doc Willie, sa tulong nyo, sa awa ng Diyos, maibabangon natin ang ating gobyerno,” pangako ni Yorme Isko.(BP)