Advertisers
HABANG umiinit na ang kampanya, hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga kandidatong tatakbo para sa pambansa at lokal na halalan sa 2022 na tumutok sa serbisyo publiko sa pamamagitan ng pag-una sa kapakanan ng mga Pilipino.
Sinabi ito ni Go sa gitna ng mga espekulasyon na posibleng mag-endorso si Pangulong Rodrigo Duterte ng kandidato sa pagkapangulo sa mga susunod na araw.
“I cannot speak on behalf of the President until makapagsalita po ang ating Pangulo,” sabi ni Go sa ambush interview matapos niyang tulungan ang mga biktima ng sunog sa Maharlika, Taguig City kamakalawa.
“Pero, hopefully po sana, in the next few days ay mayroon ho siyang maendorso pero desisyon niya po ‘yon. Matagal na ho tayong nag-aantay,” dagdag niya.
Bagama’t hindi siya makapagsalita sa ngalan ng Pangulo, sinabi ni Go na siya mismo ay nagpahayag na ng kanyang suporta sa mga kandidato na pormal na ineendorso ng kanyang partido, ang PDP-Laban.
Inendorso ng partido ang presidential at vice presidential bid nina Bongbong Marcos at Sara Duterte, ayon sa pagkakasunod.
“Nabanggit na po ni Vice Mayor Baste. Kami naman po sa PDP, pumirma na rin po ako, mayroon na hong iniendorso ang PDP,” anang senador.
“So antayin na lang natin ang ating Pangulo kung ano po ‘yung kanyang personal na magiging desisyon sa mga susunod na araw,” idinagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Go na umaasa siya sa pagkakaisa sa loob ng partido pagdating sa pagsuporta sa mga kandidato sa susunod na halalan.
Sinabi ni Go na nais ng Pangulo na suportahan ay isang kandidato na magpapatuloy sa matagumpay na mga programa at patakaran ng kasalukuyang administrasyon.
“Ang sinasabi niya, sana ay ipagpatuloy ang magagandang programa. Pero hindi naman natin masabi kung sino talaga ‘yung gustong magpatuloy nitong magagandang programa,” ani Go.
“Ako naman habang nag-usap kami, hopefully ‘yung magagandang programa na nakatutulong, ‘yung Build Build Build program, mga libreng edukasyon, libreng irigasyon, ito pong Malasakit Center, mga healthcare natin, ipagpatuloy niyo lang po,” ayon sa mambabatas.