Advertisers
KAHIT iniwanan na si Senador Ping Lacson ng kanyang partido at tumatakbong independent nalang ay itutuloy niya parin ang kanyang laban para sa pagkapangulo ng bansa.
Yan si Ping, palaban!
Marami parin naman ang natitirang kakampi si Ping kahit na siya’y inabandona ng kaalyadong si Davao del Norte Congressman Bebot Alvarez, ang chairman ng Partido Reporma; at Makati City Congressman Monsour del Rosario na kapwa lumipat sa kampo ni Vice President Leni Robredo.
Say ni Ping, itutuloy niya ang laban up to the end. Ginawa niya narin ito nang unang tumakbo siyang presidente noong 2004 kungsaan dehadong dehado rin siya sa laban kina ex-Presidents Erap at Gloria Arroyo.
Sa totoo lang, kung ngayon gagawin ang halalan, nasa no win situation si Ping. Pero matagal pa naman ang eleksyon, sa Mayo 9 pa. Marami pang mangyayari sa loob ng higit 30 days na pangangampanya. You know!!!
Pero ano nga kaya ang dahilan bakit biglang inabandona nina Alvarez si Ping? Pera raw! Humihirit raw kasi ng P800 milyon si Alvarez kay Ping para sa mga kandidato nila sa lokal. Eh wala raw maibigay si Ping. Ayon! nilayasan siya nina Alvarez.
Pero wala rin namang pera ang nilipatan nina Alvarez. Puros nga volunteers ang mga nagkakampanya kay Robredo. Siguro kaya lumipat si Alvarez ay dahil nakikita niyang walang panalo si Ping at winnable itong si Leni. Mismo!
Si Alvarez ay dating “bata” ni Gloria Macapagal-Arroyo. Siya ang DoTC Secretary noong panahon ni GMA sa Malakanyang. Naging House Speaker din siya ni Pangulong Duterte sa loob ng halos tatlong taon bago siya napatalsik dahil sa “away” nila ni presidential daughter Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Sa tingin ko nga, kung hindi lang running mate ni Bongbong Marcos Jr. si Sara, malamang kay BBM tatalon itong si Alvarez dahil base sa surveys ay mas winnable itong Marcos Jr. eh. Player itog Alvarez eh. Mismo!
***
Panay banat ni kaibigang Manila Mayor Isko Moreno kay Bongbong Marcos, Jr.
Naisip siguro ni Isko na kapag nasira niya si BBM ay sa kanya mapupunta ang boto nito. Puwede!
Ang kampo ni Isko ang nagbulgar ng P203-billion estate tax na hindi nabayaran ng pamilya ni BBM sa BIR. At ito ngayon ang inihahambalos ni Isko kay BBM.
Mukhang epektibo naman ang expose ni Isko. Bumababa nga ang ratings ni BBM at unti-unting tumataas si Isko.
Hindi lang si Isko ang bumibira kay BBM, pati sina Senador Manny Pacquiao at Lacson.
Samantalang si Robredo ay pukos lang sa kanyang mga People’s rally na talaga namang dinudumog kahit sa balwarte ng mga katunggali.
Pero sa tingin ko, mahihirapan sina Pacquiao at Lacson makabangon mula sa mababang ratings. Kung ako sa kanila, magwiwidro nalang ako at sumuporta kay Robredo. Dahil ang supporters nila, sa tingin ko kapag nagwidro sila, ay susuporta kay Robredo.
Habang karamihan naman ng supporters ni Isko kapag nagwidro siya ay papanig kay BBM.
Oo! Mas exciting siguro ang election kung sina BBM at Leni nalang ang maglalaban sa panguluhan. Wish ko lang!
Well, sa nalalabing higit isang buwan ng kampanyahan, tiyak marami pang magaganap.
Abangan!