Advertisers
SA kampanya ni Aksyon Demokratiko presidential aspirant Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso kamakalawa sa Misamis Oriental kinalungkot nito na hindi nakasasabay ang maraming lalawigan, mga lungsod at bayan sa Mindanao sa paglago ng kabuhayan at negosyo tulad ng nakikita sa Luzon.
Base sa data, 8% lang sa inyo ang may access sa clean, potable water. Hindi maramdaman ang pag-asenso sa Mindanao, ‘yung internet connectivity, hindi maayos kaya walang opportunity sa inyo na makapaghanapbuhay online. Sana, maibibigay at maipararamdam natin ito sa Mindanao pagdating ng araw,” sabi ni Yorme Isko sa media.
Naibubukod lamang ang buhay at kabuhayan sa National Capital Region, at hindi naikakalat ang pag-unlad sa Mindanao at Visayas at ito ang sosolusyonan ni Yorme Isko, “kung papalarin tayo na manalong pangulo.”
Kailangan sa Mindanao ng mga proteksyong tulad ng ginawa niya sa Maynila, tulad ng pabahay, libreng medisina, modernong ospital, trabaho at may kalidad na edukasyon, at higit sa lahat, matatag na suplay ng koryente, malinis na inuming tubig, mahusay na internet connectivity.
“Higit sa lahat, matagpuan nyo na yung mahabang panahon na hinahangad na lasting peace. Magandang totoong food basket ng ating bansa ang Mindanao. ‘Yung connectivity of roads, access, fast, reliable, safe roads all over Mindanao, ‘yung kung ano mayroon ang Luzon, mayroon din sa inyo,” sabi ni Isko.
Kasama ang katiket na bise presidente Doc Willie Ong, senatorial bets Samira Gutoc, Carl Balita, Jopet Sison at Atty. John Castriciones, sinabi ni Yorme Isko na sisikapin niya na magkaroon ng mapayapang usapan ang gobyerno at ang mga rebelde.
Pero nilinaw ni Yorme Isko, kung siya ang pangulo, hindi siya makikipagnegosasyon sa mga terorista.
“Dun lang tayo sa gustong magbago ng buhay, yung gustong magbaba ng armas at nais na mabuo tayo bilang isang bansa, isang bandila. Luzon, Visayas, Mindanao,” paliwanag ni Yorme Isko.
Nangampanya rin ang Team Isko-Doc Willie sa mga bayan ng Medina, Balingasag, Gitagum at Cagayan de Oro City, Misamis Oriental na doon ginanap ang engrandeng campaign rally. (BP)