Advertisers
NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go sa mga awtoridad na aksyunan ang talamak na smuggling ng mga gulay mula sa China alinsunod sa kampanya ng administrasyong Duterte na labanan ang katiwalian at palakasin ang transparency sa mga hanggahan ng bansa.
Mariing tinuligsa ni Go ang mga ulat ng posibleng sabwatan na kinasasangkutan ng ilang tauhan ng gobyerno at nanawagan siya ng agarang aksyon sa isyu matapos niyang pangunahan ang relief operation para sa mga nasunugan sa Taguig City noong Martes, Marso 29.
“Dapat lumabas ang katotohanan. Alam niyo si Pangulong (Rodrigo Duterte) galit sa korapsyon. Isa talaga sa tinutukan niya ang kampanya laban sa korapsyon sa gobyerno. Itong nababalitaan, isa pa rin sa problema ang (Bureau of Customs), habang nandiyan ang korapsyon ay hindi aasenso ang ating bansa,” ani Go.
“Dapat kasuhan at ikulong kung sino man ang involved. Wala nang dala-dala ang mga opisyal kung totoo man na may nagpapalusot ng smuggling diyan sa customs,” anang senador.
Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole noong nakaraang araw, Marso 28, pinuna ng mga mambabatas ang BOC at Department of Agriculture dahil sa kawalan ng aksyon.
Sinabi ng League of Associations at La Trinidad Vegetable Trading Areas na tinatayang P2.5 milyon bawat araw ang nalulugi sa mga Pilipinong magsasaka matapos bumaba ang order ng hanggang 40% noong 2022 dahil sa pagdagsa ng smuggled na gulay sa merkado.
Sa kanyang panayam, pinaalalahanan ng senador ang agriculture department na protektahan ang kapakanan ng mga Pilipinong magsasaka na nahihirapan na bago pa tumama ang COVID-19 pandemic.
Nanawagan siya sa mga kapwa manggagawa ng gobyerno at iba pang mamamayan na may impormasyon na humarap nang walang takot sa pagsasabing tinitiyak sa kanila ang proteksyon at pagiging confidential.
Muling iginiit ni Go na sila ni Pangulong Duterte ay iisa sa paglaban sa katiwalian. Kung may mapatunayang maling gawain, umapela siya na agad na sampahan ng kaso ang mga mapatutunayang nagkasala upang sila ay mapanagot at maparusahan.
“Pakiusap ko sa BOC at DA, unahin niyo ang interes ng ating mga kababayan, lalong-lalo na mga mahihirap, ‘wag interes ng mga smugglers,” idiniin ni Go.
Bilang Special Assistant to the President noon, itinatag ni Go ang Truth and Justice Coalition katuwang ang PACC noong 2018 na may layuning bigyan ang mga mamamayan ng paraan upang makiisa sa kampanya laban sa graft and corruption.