Advertisers

Advertisers

SNODA inyo ba ang kalsada?

0 181

Advertisers

PARANG kinurot ang aking puso sa awa ng humingi ng tulong sa Usapang HAUZ si Rico Miranda, 59-taong gulang, residente ng Iba, Meycauayan, Bulacan.

Mga Ka Usapang HAUZ si Miranda ay isang Driver-operator siya ng pampasaherong jeep na may biyaheng Sto. Nino-Monumento vice versa.

Ayon sa kanya, 38 taong na siyang nagmamaneho ng pampublikong sasakyan. Sa buong buhay niya halos ay pamasada na ang ipinapakain niya sa pamilya. “Nagmaneho pa po ako ng bus,” ani Miranda.



Ang pasadang Sto. Nino-Monumento ay may samahan na kung tawagin ay Sto. Nino Operator’s and Drivers Association (SNODA) na may SEC registration No. CN201111891.

Ayon kay Miranda, naging vice-president at auditor pa siya ng kanilang samahan.

Dito unang nagkaroon ng problema si Miranda kasi nang maging auditor siya ng SNODA, tumanggi siyang pirmahan ang isang ‘audit report’ na hindi naman niya ginawa.

Kinukuwestiyon nito kung saan napunta ang kanilang pondo. Aabutin na umano ng milyon ang pera ng kanilang samahan dahil mula sa butaw na P130 kada isang driver, mahigit sa P9,000 ang arawang kita ng SNODA.

Ang masaklap aniya ay walang napapakinabangan dito ang mga miyembro ng kanilang samahan.



Dito na nagkaroon ng problema, simula taong 2019 ay hindi na pinayagang pumasada si Miranda ng SNODA sa pamumuno ni Allan Oliquiano.

Para makaiwas sa gulo, kumuha na rin siya ng driver para ipa-drive na lang ito at ipa-boundery na lang. Pero hindi pa rin umano pumapayag si Oliguiano.

Sigurado ako sa tulad ni Oliquiano at iba pang mga miyembro ng SNODA, pareho rin nila si Miranda na may pamilyang umaasa sa kita ng pamamasada.

Kaya masakit para kay Miranda ang hindi siya payagan dahil sa pagsisiga-sigaan ng ilang driver sa Meycauayan.

Ang masaklap pa, ang bintang ni Miranda, hindi raw driver-operator si Oliquiano kaya wala itong karapatan para pamunuan ang SNODA.

Umabot na sa barangayan ang away ni Miranda sa mga kapwa tsuper at anumang araw mula ngayon ay magsasampa na rin siya ng demanda.

Sa puntong ito, nais ng Usapang Hauz na manawagan sa SNODA na baka puwedeng ayusin na lamang ito sa maayos na pamamaraan.

Anuman ang isyu nila sa isa’t isa ay puwedeng ayusin ng kanilang pamunuan.

Maaring may isyu pulitika na nagsisilbing hadlang sa kanila pero ang dapat mangibabaw dito ang pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.

Pare-pareho po kayong driver mga bossing.

Pag-usapan na lang sana ninyo iyan at isantabi na ninyo ang pagsisiga-sigaan dahil pare-pareho lang kayong mahihirapan.

Huwag n’yo nang hintayin na mabatikos pa kayo nang husto mga iginagalang nating boss ng SNODA dahil hapag kainan na po ng isang pamilya ang binabasag nyo rito.

Tulungan n’yo na lang pong unawain si Miranda at hayaan ninyong pumasada ito dahil hindi naman kayo ang may-ari ng kalsada ng Meycauayan.

Sakali namang hindi pa rin mapalambot ang puso ng kapita-pitagang pangulo ng SNODA ay mas nararapat sigurong idulog ang nasabing usapin sa tanggapan ng lokal na Pamahalaan ng Meycauyan nang sa gayon ay mamagitan na ang halal na opisyal ng bayan.

***

Para sa Inyong Puri at Puna maaaring mag email sa cesarbarquilla2014@yahoo.com or mag Txt o tumawag sa 0935-2916036