Advertisers
Si Joey Venancio ay on-leave. Siya’y kandidato sa pagka-kongresista sa kanilang lalawigan, Romblon. Ang kolum na nababasa n‘yo ngayon ay gawa ng kanyang editor.
NAPAKARAMING problema palang kinakaharap itong presidential aspirant na si dating Senador Bongbong Marcos, Jr.
Isa na nga rito itong P203 billion estate tax na hindi binayaran ng kanyang pamilya. Hindi ito fake news. May desisyon na rito ang Korte Suprema. Guilty nga ang pamilya Marcos sa hindi pagbabayad ng estate tax. Naglabas narin ng sertipikasyon ang Bureau of Internal Reveue (BIR) na hanggang ngayon ay hindi parin ito binabayaran ng pamilya Marcos.
Ang estate tax na ito ay nagsimula lang sa P23 billion noong 1990s na kaya umabot sa P203-B ay dahil sa surecharge. Dapat talaga itong bayaran ng Marcos, hindi puwedeng hindi. Hindi nila ito puwede takasan or else magiging napakasamang halimbawa ito sa lahat. Mismo!
Ang pinangangambahan natin dito ay kapag nanalo si BBM, malamang na maglahong parang bula ang napakalaking bayaring ito ng kanilang pamilya sa BIR.
Bukod dito, si BBM ay convicted din sa hindi pagbabayad ng kanyang income tax sa loob ng limang sunod na taon noong gobernador siya ng Ilocos Norte. Dapat nga ay disqualified siya sa pagtakbo ngayon dahil sa conviction na ito. Ang ‘petition for disqualification’ laban sa kanya sa Comelec ay nakabinbin parin. Sabi ng Comelec ilalabas nila ito bago ang araw ng eleksyon. Dapat!
Magiging malaking problema rito ay kapag nanalo si BBM tapos lumabas ang desisyon ng Comelec na siya’y disqualified, aba’y ang uupo na pangulo siempre ay ang nanalong Bise Presidente.
Kaya nga nangangamba ang kampo ni BBM na baka trabahuin ito ni Pangulong Rody Duterte. Kasi nga majority ng Comelec commissioners pati na ang chairman ay appointees ni Digong.
Posible nga mangyari ito na kapag nanalo sina BBM at Inday Sara at lumabas ang desisyon ng Comelec na disqualified si BBM, automatic uupo na pangulo si Sara. Mismo!
Ito ang dahilan kaya ibinabasura ng mga Marcos loyalist si Sara at ang gusto nilang suportahan ay si Senador Sotto. Oo! Marcos-Sotto raw sila. Araguy!!!
Sa kabilang banda, ayaw naman ng mga taga-Mindanao ang Marcos-Sara. Ang gusto nilang maging pangulo ay si Robredo (Leni) at ang Bise ay si Sara. Kaya ang tarpaulins nila ay ROSA (Robredo-Sara). Tsk tsk tsk…
***
Hindi na nga mapipigilan ang paglakas ng Leni-Kiko tandem. Sa kanilang latest rally sa Samar, inendorso si Leni ng 43 out of 47 mayors sa probinsiya. Landslide ito kung madadala ng mga alkalde ang kanilang mamamayan na si Leni nga ang botohan sa darating na halalan.
Dapat ang Samar ay balwarte ng Marcos dahil Waray ang lahi ni BBM.
Pero noong 2016, nanalo rin si Leni rito sa Samar laban kay BBM. Kaya hindi malayong si Leni nga uli ang winner sa probinsiyang ito.
Sa patuloy na paglaki ng bilang ng local government officials na sumusuporta kay Leni, tiyak sa last two weeks ng kampanya ay maglilipatan sa kanya ang mga trapo na ayaw maalis sa puwesto at naghahangad ng political accomodation. Tiyak ito!!!
***
Binasura ni Senador Ping Lacson ang panawagan ni Vice Presidentiable Lito Atienza na magwidro nalang ang una dahil iniwanan na siya ng kanyang partido.
Pakialamero talaga itong si Tolits. Hehehe…