Advertisers

Advertisers

Patuloy na ginagatasan

0 1,756

Advertisers

WALANG puknat ang panggagatas ng pambansang pamahalaan sa mga Government Control Corporations at Government Financial Institutions / Corporations kahit na sa huling yugto ng pamamahala sa gobyerno. Hindi malaman ng Department of Finance (DOF) kung saan kukuha ng pondo upang sundin ang utos ng puno ng Inferior Dabaw Group (IDG) na itaas ang ayuda na P200.00 tungo sa P500.00 na una nang binanggit. Tila nakukulangan ito sa halagang unang binanggit at nagpasya na taasan kuno ang ayuda para sa mamamayan. Batid ba ng madla ang dahilan, ayaw ni Totoy Kulambo na itigil kahit pansamantala ang implementasyon ng mga buwis tulad ng VAT sa langis at TRAIN Law dahil sa mas malaki ang mawawala sa pamahalaan?

Malinaw na ayaw ng DOF bigyan ng konting kasiyahan si Mang Juan kahit pansamantala sa pamamagitan ng pagpapaliban sa batas na binangit sa itaas. Ang tuwirang pag-ayaw na ito’y tuwirang pagsasabi na hindi kaya o’ ayaw ibigay ng pamahalaan ang hinihiling ng mga sektor na labis na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pang bilihin. Hindi maisakripisyo ng DOF ang mga proyekto ng Build Build Program kahit tuwiran ang mga tao ang makikinabang sa pansamantalang pagpapatigil ng mga batas sa pagbubuwis. O’ sadyang hindi isakripisyo ang SOP sa mga proyektong inilaan ng bilyon bilyong pondo.

Hindi nagdalawang isip ang kalihim ng DoF na si Dimny na banggitin na manggagaling sa VAT at sa dibidendo mula sa GOCCs/GFIs ang ayudang nakalaan para sa mahihirap na kababayan. Hindi batid kung ano ang nasa likod ng pahayag na ito ni Dimny na tuwiran ang pag ayaw sa kahilingan ng mga Pilipino sa pansamantalang pagpapatigil ng VAT at TRAIN Law. O mas malaki ang takits sa pangangalap ng buwis na pwedeng magamit sa kampanyahan na magsisiguro ng panalo sa manok na tangan. Walang palad ang mga Pilipino sa mga napili sa nakaraang pambansang halalan, hindi na sana maulit ang pagkakamaling ito sa darating na Mayo.



Pangkaraniwan ang kawalan ng malasakit ng mga financial managers ng bansa sa balana lalo’t nakaupo na ito sa tangang pwesto. Ang mapatigil ang sobrang pagbubuwis sa langis at iba pang pangangailangan na may tuwirang pakinabang si Mang Juan ay para nang langit. Ang katuwiran na malaki ang mawawala sa bayan kung ipapatupad ang tax relief ang larawan ng tunay na damdamin ng IDG, dahil ang nasa laylayan ang makikinabang kaya umayaw?

Bukod sa mga buwis na pagkukunan ng pambigay na ayuda sa mga maralita, nabangit ni Kal. Dimny na nagmumula sa remittance ng mga dibidendo ng mga GOCCs / GFIs na sampung taon nang hindi nakatikim ng pagtaas ng sahod. Sa totoo lang naiwanan ng mga line agency/ies ang sahod ng mga kawani ng mga taga GOCCs / GFIs lalo’t ng mapaloob ito sa pangangalaga ng walang silbing GCG. Hindi isa o dalawang beses nagkaroon ng pagtaas ng sahod ang national at local government dahil sa SSL subalit hindi ang GOCCs / GFIs na hanggang sa kasalukuya’y naghahabol ng kanilang pagtaas ng sahod sa bagal ng pagbibigay ng authority mula sa GCG para sa mga korporasyong nabangit. Sa kasalukuyan may isang Executive Order ang inilabas ang opisina ni Totoy Kulambo hingil sa salary increase ng mga korporasyon.

Sa katangian ng IDG, nariyan na kailangang gumawa ng IRR para magkaroon ng uniform implementation sa pagpapatupad ng umento ng mga kawani. At parang tennis na nagpabalik balik ang mga papel hanggang sa mag labas ng order o authority ang GCG sa mga korporasyon. Tila diyos ang tingin ng mga namumuno ng GCG sa sarili at kailangan sumunod ang mga korporasyon sa nais nito.

Sa pahayag ng kalihim ng DoF, malinaw na uunahin ang pagbibigay ng dibidendo ng mga korporasyon sa pambansang pamahalaan upang magamit sa ayudang P500 na ibibigay sa mga mahihirap na kababayan. Walang pagtutol sa nais ngunit salat sa puso ng mga obrero sa mga korporasyong ito hindi na matitikman ang umento sa suweldo. Batid ng bayan na minsan sinabi ni Totoy Kulambo na hindi makakatikim ng umento sa sahod ang mga kawani ng mga korporasyong ito. Sa pahayag na kukuha ng pang-ayuda sa mga korporasyon na nagsusumikap ang mga kawani na makamit ang target na kita’y isang patunay na hindi ito nagpapabaya sa serbisyo bayan, pero bakit pinagkaitan ng umento sa sahod ang mga ito?

Sa pag-ambag na gagawin ng mga korporasyong inaasahan na hindi bababa ang ayuda ayon sa nais na panahon dahil sa mga alituntunin ng paglilipat ng pondo. May pagkukunan na pondo ang pangangailangan subalit ang proseso ang nagpapatagal. Hindi madali ang paglipat ng pondo dahil kailangan pag-aaral ang kalagayang pampinansyal ng mga korporasyon at kailangan sang ayunan ng BOT o BOD ng bawat korporasyon. At sa korporasyong hindi kayang mag-ambag, abangan na mapag-initan ng GCG.



Sa mga kawani ng GOCCs /GFIs tulad kayo ni Mang Juan na nasa dulo ng dapat serbisyuhan ng pamahalaang. Ang pagtingin sa inyo’y isang baka na gatasan at ito lang ang pakinabang. Walang puwang sa puso ng mga namumuno dahil sa tingin na namunini sa mga nagdaang panahon. Sa kakulangan ng kaalaman ng IDG sa inyong kalagayan na mahigit na 10 taon na naghihintay ng pagtaas ng sahod at heto’t malapit na at halos abot kamay na nariyan pa rin ang mga balakid na inilalatag ng GCG upang maging parehas kuno. At sa totoo lang ang malapit na pagtaas sahod ang siyang mas matagal dahil sa maraming rekositos na kailangang sundin at pag-oo ng GCG upang mapatupad ang umento sa sahod. At sa huli, asahan ang pagtaas ng dibidendo ng mga korporasyong ito sa pambansang pamahalaan upang may magamit kuno sa mga proyektong inilatag, kahit na ito’y paalis na sa pamamahala.

Sa totoo lang ang pagtaas kuno ng ayuda mula P200 tungo sa P500 walang epekto lalo’t hindi bumaba ang presyo ng bilihin. Batid ba ni Kal. Dimny na higit na P2.00 kada araw ang pakinabang ng bawat isa sa pamilya na may 6 miyembro. Kulang na makabibili ng pandesal sa tindahan sa halagang ito, at ito ang inilaan na halaga ng pamahalaan na ayuda para sa pamilya ni Mang Juan. Bakit kung nagawang mamigay ng P8,000 ng panahon ng Bayanihan I bakit hindi sa ngayon na mas mataas ang presyo ng lahat ng bilihin? At tila walang kilos ang DTI na pigilan ang presyo ng bilihin upang kahit paano’y maramdaman ang malasakit kay Mang Juan. Si Mang Juan ba ang inyong nais ayudahan o inyong sarili. Hirap na si Mang Juan sa kalagayan at patuloy itong binabaka mula ng umupo ang IDG sa pamahalaan. Dumating ang pandemya’t narito pa ang giyera ng Russia, at dama ni Mang Juan ang epekto ng mga ito lalo sa presyo ng bilihin. At tila ayaw ng pamahalaan na makatikim ito ng konting ginhawa sa buhay sa pagpapaliban ng TRAIN at VAT law na pasanin sa araw-araw. Pasayahin at pahingahin ang bayan sa pasaning hirap, ipatigil ang batas ng buwis kahit sa sandaling panahon. Tama na ang panggagatas sa bayan at kay Mang Juan…

Maraming Salamat po!!!