Advertisers
WALANG batayan ang iginigiit ng mga pro-BBM na hindi kasalanan ng anak ang kasalanan ng ama. Kung pakikinggan si Ruben Carranza, isang manananggol na dating PCGG commissioner na naatasan na habulin ang nakaw na yaman ni Ferdinand Marcos Sr. noong panahon ng diktadurya, malaki ang pananagutan ni BBM sa batas at lipunan dahil pinigil niya ang proseso upang mabawi ng gobyerno ng Filipinas ang mga dinambong ni Marcos.
Ayon kay Carranza sa panayam ng ANC, pinilit ni BBM na patagalin ang proseso sa mga asunto kung saan humingi ng Filipinas na mabawi ang mga nakaw na yaman ng mga Marcos. Sinadya ni BBM na humanap ng takdang panahon kung saan ang umupo sa gobyerno ay mga opisyal – halal man o hindi – na pabor na manatili sa kanilang kamay ang ninakaw ni Marcos. Ito ang dahilan, aniya, kaya maraming kaso ng pagbawi ang nabinbin at natulog sa mahabang panahon.
Sa maikli, maihahambing sa larong basketball ang ginawa ni BBM kung saan dribol lang ng bola ang ginawa niya bilang executor ng Marcos estate. Sadyang naghihintay si BBM na naluklok sa kapangyarihan ang mga kakampi nila. Bahagi ng estratehiya ni BBM ang paghihintay upang mapanatili sa kanilang kamay ang mga ninakaw kahit habulin pa ng sampung gobyerno ang nakaw na yaman.
Hindi matatapos-tapos ang isyu ng P203 bilyon na real estate tax na hindi binayaran ng mga Marcos. Estratehiya ng mga Marcos na guluhin ang isyu. Sa pahayag ni Victorio Rodrigues, abogado ng mga Marcos, nakabinbin sa husgado ang asunto tungkol dito. Pumasok si Carranza at sinupalpal si Victorio. Matagal ng tapos ito dahil may pasya na ang hukuman, aniya.
Sa hiwalay na panayam ng CCN Phils., sinabi ni Carranza na may dalawang desisyon ang Korte Suprema sa nakaw na yaman ng mga Marcos. Una ang desisyon noong 1997 na humihingi sa mga Marcos na bayaran ang buwis na umabot sa P23 billion. Hindi ito binayaran ng mga Marcos at lumobo ang halaga sa P203 bilyon dahil sa interes na naipon sa halos na 30 taon.
Pangalawa ang desisyon noong 2003, ani Carranza, kung saan sinabi ng Korte Suprema na anumang halaga na nasa pag-aari ng Marcos na labis sa halagang $304,000 (?15 million) ay maituturing na nakaw dahil sa hindi napatunayan ng mga Marcos na nakuha sa legal na paraan ang $658 million na nabawi ng gobyerno ng Filipinas mula sa mga bangko sa Switzerland.
Ayon kay Carranza, hindi kailangan hingin sa Korte Suprema ng Aksyon Demokratiko Party ang certificate of finality. Malinaw ang desisyon naibaba noong 1997. Pinal na ito, aniya. Kailangan na lang ipatupad ito. Ito ang pinakamalaki utang sa real estate tax sa kasaysayan ng Filipinas, aniya. Walang tao o kompanya na nagkautang ng ganyan kalaki.
Ayon kay Carranza, maaaring ihabla si BMB ng money laundering dahil alam niya ang mga naiwan na tagong yaman ng mga Marcos at patuloy niyang nilalaahan ang mga salaping nakaw upang magmukhang malinis. Bahagi ang estratehiya upang patuloy nilang kontrolin ang mga nakaw na yaman. Kasama si BBM ni Imelda Marcos bilang co-administrator ng Marcos estate, aniya, at alam niya kung nasaan ang mga tagong nakaw na yaman.
Marami pang nakaw na yaman ang hindi na nababawi. Hindi nagbigay ng halaga si Carranza bagaman ipinagdiinan niya na hindi nakuha ng mga Marcos ang halaga sa malinis na paraan.
***
SINO si Ruben Carranza? Bakit tinik siya sa lalamunan ng mga Marcos kahit wala na siya sa gobyerno? Dahil ba patuloy niyang binabatikos ang mga Marcos sa usapin ng nakaw na yaman?
Kasalukuyang senior associate si Carranza ng International Center for Transitional Justice (ICTJ), isang civil society organization na nakabase sa New York, Estados Unidos. Director si Carranza ng ICTJ’s Reparative Justice Program kung saan nagtatrabaho siya kung paano magkakaroon ng katarungan sa mga kaguluhan sa iba’t ibang bansa sa mundo.
Bago siya sumama sa ICTJ, naglingkod sa pamahalaan si Carranza bilang assistant secretary ng DND (1998-2000) at Commissioner in charge of investigation and litigation at the Presidential Commission on Good Government (2001-2004). Kabilang si Carranza sa komite na bumuo ng 2003 UN Convention Against Corruption (UNCAC). Bilang PCGG commissioner, kasangkot si Carranza sa pagsisiyasat at pag-uusig sa mga kaso laban sa pamilya Ferdinand at Imelda Marcos na nauwi sa pagbawi sa $680 milyon na nakaw na yaman mula sa Switzerland.
Bago umalis si Carranza sa PCGG, kinatha niya ang panukalang batas na naglalaan ng $200 milyon mula sa nabawing $680 milyon upang pondohan ang isang reparations program para sa mga biktima ng diktadurya ni Marcos. Naging batayan ang panukalang batas na ginawa ni Carranza ng 2013 Philippine reparations law na nagbigay danyos sa mahigit 10,000 biktima ng extrajudicial-killings, torture, enforced disappearances at iba pang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng diktadurya ni Marcos. Nagtapos ng abogasya si Carranza sa University of the Philippines noong 1990, at pangwalo sa 1991 Bar Examination.
***
MGA PILING SALITA: “For Leni to increase, I must decrease.” – Kiko Pangilinan
“Kung tatanungin niyo ako. Isang boto lang ibibigay ko sa’yo at mamili ka: Kay Leni Robredo o kay Sonny Trillanes? Ibigay ninyo na lang kay Leni Robredo.” – Sonny Trillanes
***
BALIK tayo kay Ruben Carranza. Mayroon kaming natanggap na pahayag mula sa kanya at ibinigay ng isang netizen na humiling na itago ang kanyang pangalan at pagkakakilanlan. Aniya:
NATALO KA. AT AKO MISMO ANG ISA SA TUMALO SA IYO
Kung makapagsalita ka, akala mo walang nagbago sa loob ng 36 taon at kunwari walang nangyari sa mga kaso sa paghahabol ng mga ninakaw ninyo.
1. HAPPY 36TH ANNIVERSARY SWISS FREEZE: Noong Marso 20 1986, ikaw pa mismo ang tumawag mula sa Hawaii ng long-distance kay Ernst Scheller, banker ng mga Marcos sa Credit Suisse sa Switzerland para ilipat ang itinatago ninyong pera sa Swiss banks. Pero nabuko^ ka at nalaman ng Switzerland ang money-laundering attempt mo — kaya 6 days later noong March 26, iniutos ng Swiss government ang pagpigil o ‘freeze’ ng lahat ng bank account ng mga Marcos. Historic ito. Hindi ito ginawa ng Switzerland sa daan-daang taon. Sa paniniwala ko, hindi lahat ng Swiss banks sumunod.
2. NATALO KA — TATLONG BESES PA. Noong July 2003, pagkatapos ninyong pinatagal ng isang dekada ang kasong ito [5 beses kayong nagpalit nang abogado; ilang walang katuturang ‘motion’] NATALO kayo sa Supreme Court. Sabi ni Chief Justice Corona — dilawan ba siya? — $304,000 lang and legal na kinita ni Marcos Sr at Imelda at walang sinabi sa lahat ng SALN at tax return nila na meron silang ginto, Tallano man o Yamashita. SABI NANG KORTE SUPREMA: lahat nang pag-aari ninyo na higit sa $304,000 ay NAKAW NA YAMAN.
PERO TEKA: sabi ng mga Attorney-At-Facebook ni Marcos, “ill-gotten wealth” lang daw at hindi yan “nakaw na yaman.” TALAGA? Sobrang istupido ang reasoning na yan, pero patulan natin. Kung ganun, bakit hindi ginamit ang genius na argumento na yan sa ‘motion for reconsideration ni Marcos Jr? Anyway: pakibasa yung page ng 2003 SC decision sa baba. Sabi nang SC, yung $680M na nabawi namin ay “stolen by the Marcos spouses from the Republic”. Tagalugin ninyo nga. BAKIT KO ALAM ITO? Isa ako sa nag-abogado para sa Republika ng Pilipinas sa kasong ito.