Advertisers

Advertisers

BAGONG NUMBER CODING NG MMDA

0 477

Advertisers

NAKATAKDANG ipatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panibagong number coding scheme sa buong National Capital Region (NCR) pagkatapos ng eleksyon sa Mayo 9.

Ayon kay MMDA general manager Frisco San Juan, sa ngayon kasi ay nakikipag-ugnayan pa ang kagawaran sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno bilang konsultasyon kung alin ba sa dalawang number coding scheme na kanilang iminungkahi ang dapat na ipatupad sa rehiyon.

Ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) ang kasalukuyang number coding scheme na ipinatutupad ng MMDA sa mga kalsada dito sa Metro Manila.



Nagbabawal ito sa mga sasakyan na bumiyahe sa piling mga araw batay sa numero ng kanilang mga plaka.

Ngunit tanging 20% lamang ang naitutulong nito na maibawas sa masikip na trapiko sa ka-Maynilaan.

Magugunita na una rito ay ipinaliwanag na ni MMDA chairman Romando Artes ang naturang dalawang bagong number coding scheme na odd-even scheme na nagbabawal sa mga sasakyan na may plakang nagtatapos sa odd number sa ilang kalsada sa Kamaynilaan tuwing Lunes at Huwebes, habang tuwing Martes at Biyernes naman pagbabawalan ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa even number, na magreresulta naman sa 50% na traffic volume reduction.

Pero sa pananaw naman ng inyong lingkod, isang mas malalim at masusi pang pag-aaral ang dapat isagawa ng mga traffic experts ng MMDA katulong ang lahat ng stakeholders kabilang ang mga local government units (LGUs) na nakakasakop o may hurisdiksyon sa ilang portion o bahagi ng EDSA na may perennial problem sa volume at daloy ng trapiko.

Natutuwa rin tayo na kahit may halos isang buwang pang mahigit ay pinaghahandaan na ito ng mga opisyales ng MMDA.



Sana lamang ay magkaroon na maayos na konsultasyon ang MMDA sa lahat ng sector kabilang na dyan ang mga manggagawa o commuters na halos araw-araw ay nasa lansangan.

Kailangang magkaroon din sila ng partisipasyon sa pagtalakay sa talamak na problema ng traffic hindi lamang sa EDSA kundi sa pangunahing main arteries ng Metro Manila papunta at pabalik ng kanilang mga pinagta-trabahuan.

Dapat kasali rin sa talakayan ang mga pangunahing negosyante upang mapag-usapan kung paanong magpapatupad ng pagpasok sa opisina o tanggapan ng hindi sabay-sabay.

Sa ganitong sistema, magkakaroon ng maayos na paggamit sa mga pangunahing lansangan segun sa schedule na mapagkakasunduan.

Ang 4-days work schedule na isinusod ng ilang employers ay kailangang pag-aralan ding mabuti.

***

PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com