MATIBAY na pundasyon ng maraming industriya ang paggamit ng metal na bakal, at ito ang pagsisikapang muling buhayin ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso kung siya ang mananalong pangulo sa eleksyon sa Mayo 9, 2022.
“Given the chance, susuportahan ko na i-revive ang ating steel industry,” pangako ni Yorme Isko, pambatong pangulo ng Aksyon Demokratiko sa pakikipag-usap sa media, Miyerkoles, Marso 30 sa Iligan City.
Napakagandang kabuhayan at lalakas ang ekonomya ng bansa sa pagbuhay ng National Steel Corporation (NSC) — noon ay kilalang pinakamalaking steel mill sa Asia.
Lilikha ito, paliwanag ni Yorme Isko, ng mahigit sa 5 milyong trabaho para sa manggagawang Pilipino.
“…Producing steel is a good venture for our country. Meron tayong black sand, nickel, kukuha tayo ng ore (sa Indonesia), we produce stainless steel, na very high ang demand sa buong Mundo,” sabi ni Isko.
Noong 1952, itinayo ng National Shipyards and Steel Corporation (NASSCO) ang Iligan Steel Mill at binili ng pamilya Jacinto noong 1963 at tinawag na Integrated Steel Mills, Inc.
1974, ito ay naging pag-aari ng gobyerno na tinawag na National Steel Corporation, pero ibinenta ng administrasyong Ramos kay Wing Tiek ng Malaysian Westmont Group in 1995.
Bunga ng sunod-sunod na krisis sa ekonomya sa Asia, napasalin ito sa iba-ibang kamay, at sa panahon ni Arroyo, napasakamay ang NSC noong 2004 ng Ispat Industries Ltd. of India.
Isinarado ang NSC noong 2009 bunga ng malaking pagkalugi.
Pag-aari na ngayon ng lungsod ng Iligan ang steel mill.
Noon, sabi ni Yorme Isko, “sa atin sila kumukuha ng bakal, pero ngayon, puro imported ang ginagamit natin sa ating industriya.”
Iminungkahi ni Yorme Isko na mismong gobyerno ang lumikha ng industriya, ang paggawa ng bakal dahil nasa atin ang mga sangkap at mineral sa paggawa niyon.
“Pagka-mina, mag-create pa tayo ng isang industriya, tayo na ang mag-manufacture, bubuhayin natin ang Philippine iron and steel industry para mapalakas natin ang paglago ng ating ekonomya,” sabi ni Yorme Isko. (BP)