Advertisers
MASASABING malaking tagumpay ang dalawang araw na kampanya ng Aksyon Demokratiko sa Oriental Mindoro nang makuha ni presidential sstandard bearer Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at katiket na bise presidente Doc Willie Ong ang suporta ng malalaking lider politiko sa lalawigan.
Sa mismong town hall ng Roxas, hinikayat ni Vice Mayor Cesar Baticos ang mga kababayan na iboto si Yorme Isko.
“Mahal nyo ba si Isko Moreno? Tandan po n’yong mabuti ang sasabihin ko, kung kayo po ay boboto ay pilitin ninyo na itong grupong ito, ito ang aking bilin… kung mahal n’yo si Isko Moreno hindi na kayo boboto ng kabila or iba pang mga kalaban,” sabi ni Baticos na sinagot ng mga nagkakatipong tao ng “President Isko kami,” “Yorme Isko… Yorme Isko.”
Pinasalamatan ni Yorme Isko at ni Doc Willie ang napakainit na pagtanggap sa kanyang grupo, mga kandidatong senador, Samira Gutoc, Jopet Sison, Dr. Carl Balita at Atty. John Castriciones.
Tiniyak ni Baticos na pag nanalo si Isko, “babalik sila sa bayan ng Roxas upang tayo ay suklian.”
Pinuri ni Yorme Isko ang mga nagtiyagang makinig sa kanyang mensahe na mga taong nauuhaw, nagugutom at napapagod para makita ang grupo niya.
“Salamat sa inyong pagpunta rito na hindi kayo mababayaran. Pag nanalo kami, babalik kami, susuklian namin ang inyong pagmamahal sa amin,” sabi ni Yorme Isko.
Higit na natuwa ay si Dr. Balita na taal na residente ng Oriental Mindoro na kinumusta ang mga kababata, mga kamag-anak at malalapit na kaibigan at kababayan.
Ito, sabi ng doktor, nagpapaanak at entreprenuer, ang ikalawa pag-uwi niya sa Mindoro.
“May awa ang Diyos, tuluy-tuloy lang. As we have promised, kami ang pupunta sa inyo, sa inyong eskinita, tapat ng bahay, kalsada, highway and so on and so forth. Maraming salamat sa Diyos, nagpapasalamat ako sa mga taga-Mindoro sa mainit nilang pagtanggap,” sabi ni Yorme Isko.
Mula sa Roxas, nagbigay galang ang tropang Aksyon kay Bongabong Municipal Mayor Elgin Malaluan at Bansud Mayor Ronaldo Moralda, at sa hapon, nagtuloy sila sa Calapan City.
Sa mga bayang ito, nangako ng suporta ang malalaking lider politiko sa Mindoro na ipapanalong pangulo si Yorme Isko sa eleksiyon sa Mayo 9, 2022. (BP)