Advertisers

Advertisers

Lacson-Sotto sinungkit puso ng mga Romblomanon

0 302

Advertisers

ROMBLON, Romblon — Sinalubong ng palakpakan at mga sabik na magpa-selfie sina presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang kanilang pagbisita sa islang ito ng MiMaRoPa.

Kasama ng senatorial aspirant na si Emmanuel ‘Manny’ Piñol, sinimulan ng Lacson-Sotto tandem ang kanilang pag-iikot sa probinsyang ito sa pamamagitan ng courtesy call kina provincial Governor Jose ‘Otik’ Riano at Mayor Gerard Montojo. Bumisita rin sila sa makasaysayang St. Joseph Cathedral.

Mainit na tinanggap nina Mayor Montojo at Vice Mayor Mariano Mateo sina Lacson at Sotto na unang presidential tandem na bumisita sa kanilang bayan. Anila, bukas ang kanilang probinsya sa sinumang kandidato anuman ang kanilang partido.



“Dito sa Romblon, wine-welcome po namin kahit sinong kandidato, kalaban man o kakampi dahil demokrasya tayo. Nirerespeto natin ang isa’t isa kung kanino sila at kung sino ang pinaninindigan nating kandidato… ‘Yan po ang bayan ng Romblon,” pahayag ni Montojo.

“Dito sa Romblon, matitigas daw ang mga marmol dito, pero ang mga puso ng mga Romblomanon ay malalambot para sa mga panauhing katulad ninyo,” sabi pa ng alkalde ng Romblon na kilala bilang ‘Marble Capital of the Philippines.’

Sa kanilang town hall meeting, ipinakilala ni Lacson ang pangunahin nilang programa na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) na umani ng palakpakan mula sa mga dumalong residente at lokal na opisyal.

Bago ang pagdalaw sa munisipalidad ng Romblon, nagtungo muna sina Lacson, Sotto at Piñol sa bayan ng Odiongan sa kalapit na isla ng Tablas, kung saan nakipagpulong din siya sa mga lokal na opisyal sa pangunguna nina Mayor Trina Alejandra Firmalo-Fabic at Vice Mayor Diven Dimaala.

Kabilang sa kanilang mga napag-usapan ay ang subsidiya sa langis para sa mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon at ang mga proyektong pangkabuhayan sa lalawigan ng Romblon na maaaring palakasin sa tulong ng BRAVE.



Nagtalumpati rin ang tambalang Lacson-Sotto sa mga taga-Odiongan sa Children’s Paradise Park. Inihayag nila rito ang kanilang 83-taong pinagsamang karanasan sa serbisyo publiko na bentahe nila sa ibang mga kandidato pagdating sa paghahanap ng solusyon sa mga problema ng bansa.

“Wala na kaming dapat i-prove pa. ‘Yung track record namin can speak for itself, ano, at ipagpapatuloy namin ‘yung serbisyo kung bibigyan kami ng pagkakataon na makapaglingkod sa susunod na anim na taon. Maaasahan po ninyo,” sabi ni Lacson sa mga Romblomanon sa Odiongan.

Pinayuhan naman ni Piñol ang mga botante na huwag magpadala sa sayawan at kantahan na pang-aliw ng ibang mga kandidato sa kanilang campaign rally. Aniya, mas epektibo umano ang istilo nila nina Lacson at Sotto na pakikipagdayalogo para malaman ang mga hinaing ng taumbayan.

“Sa amin pong partido, walang sumasayaw ng ‘Paruparo G’ at hindi rin po kami kakanta, pero ipapakita po namin sa inyo at ipakikilala namin sa inyo ang isang tamang pamamahala,” sabi ni Piñol, na dating kalihim ng Department of Agriculture at chairman ng Mindanao Development Authority.

“Isa lang pong masasabi ko sa inyo, itong tao na ito, sa tagal-tagal ng panahon na nag-serbisyo siya, lahat ng kanyang record malinis. Siya ang pinaka-competent, siya ang pinaka-preparado, siya ang pinaka-mature at siya ang pinaka may klarong programa de gobyerno,” dagdag niya na isinalarawan si Lacson.

Ipinagdiriwang ng Odiongan ang ika-175 na anibersaryo ng pagkakatatag nito, kasabay ng pista ng kanilang santo patron na si San Vicente Ferrer. Ang Kanidugan Festival ay nagmula sa salitang Romblomanon na ‘nidog’ o ‘niyog’ sa Tagalog.

Kabilang ang Romblon sa mga probinsya na bumubuo sa MiMaRoPa kasama ang mga lalawigan ng Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque at Palawan. Ayon sa Commission on Elections, mayroong tinatayang 1,991,599 rehistradong mga botante sa rehiyon.