Advertisers
MAPAPANSIN na bihirang makabasa ng negatibong balita sa media o social media sa pambato ng Inferior Dabaw Group sa pagka bise-presidente. Hindi batid kung ano ang meron itong si Inday Sapak na napaka dalan ang naglalabasang ulat hinggil sa mga kinikilos nito ngayong panahon ng kampanya. At kung meron, puro papuri’t bihira ang batikos na natatanggap na parang perpekto sa pananaw ng madla. O sadyang mahusay ang PR at nalilinis ang usapin laban sa alkalde ng Dabaw. O andap ang nakararami na maglabas ng salungat na ulat dahil sa anak ito ni Totoy Kulambo na kilala sa EJK . O takot na mabuntal o masapak mismo ni Inday at magka black-eye.
Maraming kaganapang hindi batid ng bayan dahil sa untouchable si Inday Sapak sa batikos. Subalit kailangan malaman ng bayan kung ano man ito, hinggil sa mga kandidatong humihingi ng basbas ng masuri kung sino ang karapat dapat sa pwestong inaasam. Ngayon ang panahon na dapat ilabas ang tama at hindi pekeng impormasyon sa lahat na nag-aasam na manungkulan sa bayan. Ilabas ang katotohanan para sa kabatiran ni Mang Juan.
Mainam na malaman ni Mang Juan kung ano ang mga nagawa ni Inday Sapak sa Lungsod ng Dabaw at biglang nangarap ng mataas na pwesto sa lipunan. Batid ng bayan na tulad ni Totoy Kulambo, isang tambak na multo ang nasa payroll ng Lungsod na ‘di malaman kung kanino pumapasok ang salaping bayan. O sadyang pinagbibigyan ang mga tumulong sa pagkakaupo bilang alkalde. At sinabing maraming tauhan ang City Hall na gumagawa ng kababalaghan na nagpapakilabot sa Dabawenyo upang sumunod sa nais ng alkalde. Maging ang COA’y ‘di malaman kung saan hahanapin ang mga tauhang multo, kaya’y minabuti ni TK na ilagay sa pwesto ang dating tauhan bilang Chairperson ng COA at ng ‘di maungkat ang usaping multo ng City Hall ng Dabaw.
Sa pagtatalaga sa isang matapat na tauhan sa pambansang taga audit ayon kampante si Inday Sapak na hindi na mauungkat ang usapin sa di mahanap na multo na patuloy na sumasahod sa likas yaman ng lunsod. Ayun, hayahay ang buhay at hinayaan si Mang Juan na pumasan sa nawawalang pondong bayan.
Pangalawa, silipin ang mga nagawang mga imprastraktura sa lungsod, meron ba! Nariyan ang walang ospital na ipinatayo gayong hawak nila ang timon ng pambansang pamahalaan. Alang bagong ospital ang pinakamapalad na lungsod sa bansa. Mga dating mga ospital ang makikita sa Lungsod. Kung may mga naipatayong mga gusali, marami dito’y pagmamay-ari ng mga negosyante at hindi galing sa LGU. Sa pagkakaroon ng pandemya hindi maikakaila na ang Lungsod ng Dabaw ang isa sa mga honorable mention sa dami ng nagka C19. Nariyan ang kabi-kabilang protocol subalit patuloy na dumami ang nag pandemya. Maging sa unang bahagi ng taon ang Lunsod ni Inday Sapak ang isa sa mga huling nakahulagpos sa pandemya.
Pangatlo, paano pinatatakbo ni Inday Sapak ang Lungsod ng Dabaw. Nariyan na parang palitaw na lulubog lilitaw ito sa pamamalakad. Makikita ito sa mga may kodakan na gawain at pagkatapos, ala na. Marami itong panahon bilang anak ni TK sa halip na alkalde ng bayan. At maagang naghanda sa ambisyong pambansa at hinahayaan ang mga alipores na magpatakbo ng lunsod. Ano masasabi ng PDEA sa nahuling bata nito sa isang raid? Sumilip tayo ng isang insidente na kung saan ang isang lehitimong utos mula sa isang hukuman na nagresulta sa pagkakasapak sa isang sheriff na sumusunod sa utos ng hukuman.
Hindi napigil ng anak ni TK ang galit sa sheriff na hindi makapaghintay kuno sa kanya upang ipatupad ang kautusan ng isang hukuman. Dahil may media, lumitaw si Inday Sapak at inundayan ng sapak ang sheriff, hayun black-eye ang mama. Kita kung paano kumilos ang mga tauhan at kung paano hinarap ang mukha ng sheriff kay Inday Sapak, sapak ang inabot. Ito ang uri ng pagpapatakbo ni Inday Sapak sa lunsod, marahas, upang walang kumontra sa nais, sige kumontra kayo ng makamit ang nais niyo.
Tunghayan ang takbo ng kampanya, ni Inday Sapak. Silip ang paglapit ng mga lokal na lider kandidato kay Inday Sapak na tila isang balon na puno ng pera. Malakas ang dating na talaga namang nagkakandarapa ang sinuman na makalapit lalo’t naghahangad ng karagdagang pondong pansarili ng maisulong ang kandidatura. At mukhang pondo lang ang habol at sa pagkalap ng boto, walang tuwirang usapan. Sa totoo lang, walang dating ito sa mga LGU lalo’t ang pinag-uusapan ang kagalingan ng pagpapatakbo ng bayan. Nagkataon na anak ito ni TK, at ang isang katangian kung bakit nilalapitan ang mga lokal lider.
Sa isang pagtitipon, maraming pagkakataon na binabangit ni IS ang ibang ngalan ng lugar na mapait sa panlasa ng nakikinig. Ang kawalan ng kaalaman sa lugar ng nagsasalita’y malinaw na malayo sa puso at malayo sa serbisyong hinahanap ang manghahalal. Tila mauulit ang retorika ng ama kung pagbibigyan itong manghahalal, huwag na po sana. Tama na ang retorikang pangako.
Mga kababayan, huwag magpalansi sa kinang ng salapi na bumubulag sa inyong nakikita dahil hindi ito sa kanila. Ang katotohanan ng lakas nito sa halala’y pansamantala at nakabase sa pondong tangan na nakakapit lang ni Mang Juan. Sa mga pagtitipon kapansin pansin ang pagsusuot ni Inday Sapak ng t-shirt ng mga senatoriables na malayo sa survey na naglalabasan. Indikasyon na mahina ang hatak nito sa mga manghahalal. Hindi magtataka ang Batingaw kung hindi ito ang manalo sa darating na halalan.
Napapanahon na, gumising at magmulat ang mga Pilipino sa napipisil na lider na tatangan ng pamahalaan. Iwaksi ang lider na karahasan ang paraan ng pagpapasunod sa bayan. Alisin ang takot para sa kagalingan ng bayan, huwag hayaan na magpatuloy ang mali sa kabutihan. Kung minsang nagkamali, ang pagtatama’y gawin, piliin ang pag-unlad para sa lahat at huwag ipagbili ang boto para sa bayan. Hindi masama ang mamulat lalo’t ang kagalingan ng bayan ang nakataya. At ang mabuti’y di naniniwala sa karahasan. Ang ilagay ang batas sa kamay ng namumuno’y tila sala sa katuwiran lalo’t ito’y may kaalaman sa batas.
Huwag maniwala sa retorika lalo’t nakita na ito sa nakaraan. Ang masamang karanasan ng isang sheriff sa isang halal na lingkod baya’y hindi na dapat maulit. Ang pananapak sa isang kawani ng pamahalaan na nagpapatupad ng lehitimong kautusan mula sa nakatataas ay kalabisan sa posisyong hinahawakan. Paano pa kung mas mataas ang makapitang posisyon baka hindi lang sapak at pasa ang makamtan. Huwag magpalilo sa matamis na talumpati ni Inday Sapak, maging sa katambal nito. Ang kawalan ng kagalingan sa paghawak ng pwesto sa lokal pa lamang ang gawing basehan sa pagdedesisyon sa Mayo. Huwag hayaan lumalim pa ang pagkakalugmok ng bayan sa kahirapan. Unahin ang kapakanan ng bayan sa pangmatagalan at ‘di ang panandaliang pakinabang. Bayan, huwag bigyan puwang ang kandidatong marahas sa mga nasa laylayan. Ayaw na sa nakaraan, ayawan si Inday Sapak para sa kapayapaan…
Maraming Salamat po!!!