Advertisers
NANATILING matatag, malakas ang suporta ng iba-ibang samahan at boluntaryong grupo kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, kahit sinabi ng lead convenor ng Ikaw Muna (IM) Pilipinas Visayas chapter na ibang kandidatong pangulo ang sinusuportahan nila ngayon.
Isang tao lamang — si Nick Malazarte — ang nagsabing kumalas na siya sa suporta kay Aksyon presidential aspirant Yorme Isko.
Nilinaw ito ni Lito Banayo, chief campaign strategist ng Aksyon na sinabi na may pahayag ang maraming kasapi ng Visayas for Isko, VISA, at mga grupo sa Cebu na itinanggi ang pahayag ni Malazarte.
Sa presscon ni Banayo sa HQs ng Team Isko-Doc Willie Ong sa Intramuros, Manila, Abril 4, sinabi nito na sa Biyernes (Abril 8) at Sabado (Abril 9), may malaking event si Isko sa Cebu at Visayas.
“Kaya, hindi namin alam kung ilan ang sinasabi ni Ginoong Malazarte na lumipat na raw kay VP Leni Robredo,” sabi ni Banayo.
Ayon naman kay Dr. Winley dela Fuente, puno ng Visayas for Isko-Sara Alliance (VISA), walang aktibong partisipasyon si Malazarte sa mga grupong nagtutulak sa kandidatura ni Yorme Isko.
Ibinalita pa ni Edward Ligas, puno ng President Isko Movement-Isulong ang Kapakanan ng Pilipina, nadagdagan pa ng 30 pang grupong sektorial sa Visayas ang masiglang ikinakampanya para manalong pangulo si Yorme Isko.
Wala raw namang totoong tagasunod si Malazarte, sabi ni Ely Abella, puno ng Inisyatibo ng Makabayang Pilipino, at walang epekto ang pagkalas ni Malazarte sa mga grupong sumusuporta sa 47-anyos na alkalde ng Maynila. (BP)