Advertisers
ANGAT pa rin si Vice President Leni Robredo sa kapwa kandidato sa pagkapangulo na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kahit sa mga lugar sa tinatawag na “Solid North”, pagdating sa Google Trends, na eksaktong nasusukat ang interes ng mga botante sa isang partikular na kandidato.
Noong Abril 1, una pa rin si Robredo kay Marcos, 51.3 kumpara sa 34.3, pagdating sa overall Google Trends score kung saan ang mga search tungkol sa Bise Presidente ay kaugnay ng kanyang mga personal na detalye, plataporma at mga programa, na nagpapakita ng malaking interes sa kanyang kandidatura.
Malaki ang naging pag-angat ni Robredo, na lamang lang kay Marcos ng 52-51 nang magsimula ang campaign period noong Pebrero 8. Natamo ni Robredo ang pinakamalaking kalamangan noong Marso 21, 2022 nang makakuha siya ng score na 100 kumpara sa 61 ni Marcos.
Ang nakagugulat, lamang din si Robredo kay Marcos sa teritoryo ng huli sa Ilocos Region, 41-34, at sa mga lugar na kabilang sa “Solid North” gaya ng Cagayan Valley (39-31) at Cordillera Administrative Region (39-34).
Una rin si Robredo kay Marcos sa National Capital Region (42-26); Bicol Region (51-23); Western Visayas (43-26), Central Luzon (41-29); Eastern Visayas (42-29); Calabarzon (41-28); Central Visayas (41-28); Caraga (44-26); Mimaropa (40-29); Northern Mindanao (38-30); Region XII (33-31); Zamboanga Peninsula (36-34); at Davao Region (37-32).
Kumpara sa survey, itinuturing ang Google Trends bilang mas eksaktong sukatan ng tinatawag na political behavior dahil ito’y pribado at ipinakikita ang totoong intensiyon ng mga botante.
Sa Estados Unidos, nahulaan ng Google Trends ang panalong kandidato sa mga nakalipas na halalan. Ipinakita ng surveys na panalo si Hillary Clinton ngunit nanalo si Donald Trump gaya ng hula ng Google Trends.
Sa katatapos na presidential election, una si Trump sa mga survey ngunit tinalo siya ni Joe Biden, na tinukoy ng Google Trends na siyang mananalo.