Advertisers
KAPAG presidente na si Vice President Leni Robredo, hindi na kailangan pang magtungo sa Metro Manila ang sinumang overseas Filipino workers upang magproseso ng travel document at magsumite ng requirements.
“Alam ni VP Leni kung ano ang hirap na pinagdadaanan ng ating OFWs para lamang maisaayos ang kanilang papeles sa pangingibang-bansa,” ayon kay dating congressman Teddy Baguilat na tumatakbong senador sa ilalim ng Robredo-Pangilinan tandem.
Naunang ipinangako ng bise presidente na magtayo ng “migrant workers’ office” sa bawat lalawigan upang mailapit ang bagong itinayong Department of Migrant Workers (DMW) sa mamamayan.
“Kaya sapul na sapul niya noong nakaraang debate ang hinaing ng mga OFWs at ng kanilang mga pamilya,” ayon kay Baguilat. “Kung tunay ngang mga bayani ang ating OFWs, dapat bayani rin ang turing natin sa kanila,” dagdag niya.
Sakaling maitayo, isasailalim sa bagong DMW ang pitong ahensiya ng pamahalaan na nakakalat at nakakabit sa ilang line departments tulad ng POEA, OWWA, Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs, o OUMWA sa ilalim ng DFA, at Philippine Overseas Labor Office, National Reintegration Center for OFWs, at National Maritime Polytechnic, na pinamamahalaan naman ng DOLE.
“Kapag naging pangulo si VP Leni, hindi mo na kailangang pumunta ng POEA sa NCR o regional office para asikasuhin ang mga dokumento mo. Hindi na luluwas ang pamilya mo sa Maynila para humingi ng tulong kapag may nangyari sa iyo sa ibang bansa,” ayon kay Baguilat.
“Lahat ng ito ay magagawa mo na o ng iyong pamilya nang hindi na lumalabas sa sarili mong lalawigan. Wala nang mahabang biyahe, wala nang mahal na pamasahe, at wala nang paghahanap ng matutuluyan,” aniya.
Ayon kay Baguilat, nabuo ni Robredo ang panukala dahil likas sa kanya na kailangang tugunan ang lahat ng isyu hinggil sa mamamayan.
“Karanasan na ni VP Leni ang umiiral sa mahabang panahon na tumutulong siya sa mga nasa laylayan. Handa siyang makinig at tunay na alamin ang mga problema ng mga mamamayan, lalo na yung mga sektor tulad ng ating OFWs,” dagdag ng dating kongresista.
“Kasama sa panukala niya ang pangangailangan hindi lamang ng OFWs kundi ng mga pamilya rin nila,” ayon kay Baguilat, saka idinagdag na naiintindian nji Robredo ang anumang paghihirap na kinahaharap ng mga OFW at nararamdaman ng kani-kanilang pamilya.