Advertisers
ASAHAN ang mala-epoxy na pagdidikit ng bansang China at Pilipinas sa kabila ng mga kontrobersya sa pang-aagaw ng mga Intsik sa teritoryo na nasasakupan ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) sakaling magoyo ni BBM, anak ng dating diktador, Ferdinand Edralin Marcos ang mga Pinoy na iboto ito sa darating na May 9, 2022 election.
Kaya hindi mailarawan ang galak ng ating kaututang dila na si Boy Bangibi sa mga lumalabas na fake news survey na si Ferndinand “Bongbong” Marcos Jr. o BBM, ay bahagyang nakakaungos sa pinakamahigpit nitong karibal sa Presidential race na si Vice -President Leni Robredo.
Nanghihinayang naman ang inyong lingkod sa mga presidential aspirant na sina Senador Manny Pacquiao at Panfilo Lacson, alinman sana sa kanila ay angkop na maging Presidente din ng bansa.
Habang humihigop kami ng kapeng barako na bigay sa amin ng isang common friend na local political analyst ay inaalisa namin ang umuugong pang balita na nai-endorso na ng Partidong PDP LABAN Cusi Wing si BBM.
Balewala ang endorsement ng PDP LABAN Cusi Wing, lalo’t bantad at wala namang kredebilidad si Energy Secretary Alfonso Cusi, sa halip na makadagdag ito ng boto kay BBM ay tiyak na makakabawas pa.
Si Cusi ay tulad sa isang taong nalulunod, naghahanap ng timbulan at makakapitan para makaligtas sa mga nakaambang malalaking graft cases na isasampa laban sa kanya pag nagpalit ang administrasyon.
Itinuturing din si Cusi na eskwater at opurtunista sa PDP-LABAN pagkat ang lehtimong nagtatag nito ay ang yumaong Senador Nene Pimentel, ama ng kasalukuyang Senador Koko Pimentel.
Kampante ang ating kaibigang political analyst na sa kangkungan nga pupulutin si BBM lalo’t mga fake news nga ang mga suporta sa kanya at ng ka-tandem nitong si Inday Sapak.
Karamihan ay mga peke ding credential ang ipinangangalandakan nyang kwalipikasyon. Anila si BBM ay nakapagtapos ng kurso sa Oxford University, United Kingdom na sinalungat naman ng management ng naturang unibersidad.
Ang ginang naman ni BBM na si Louise Araneta-Marcos ay ipinagbabanduhang miembro ng New York State Bar Association (NYSBA), na ibig sabihin ay isa itong abogada de campanilla, ngunit batay sa ulat ng NYSBA “ not even once in the past 100 years did a certain Louise Araneta-Marcos ever become a member of the New York State Bar Association”.
Ipinagdidiinan ng kampo ni BBM na nagbayad ito ng kanyang multa kaugnay sa hatol sa kanya sa kasong tax evasion ng Quezon City Regional Trial Court ngunit batay naman sa sertipikasyon ng Bureau of Internal Revenue ay di ito nakapagbayad simula nang mahatulan ito ng hukuman noong 1995.
Maging ang pamilya ni BBM ay hind rin nakapagbayad ng mahigit sa P 203 billion na estate tax na iniutos din ng hukuman at maging ng Supreme Court na bayaran ng pamilya Marcos.
Pagkat nasa posisyon pa nga ng pamilya ni BBM ang P203 bilyon na estate tax na obligado dapat nilang bayaran sa ating pamahalaan ay wala itong problema sa campaign funds?
Kwestyon naman ng friend nating political analyst, ano naman kayang magiging factor ng golden Buddha at iba pang mga kurakot na kayamanan sa takbo ng kampanya ni BBM?
Sapagkat maka-Intsik si Pangulong Digong ay mamanahin din ni BBM ang mga patakarang panlabas ng papaalis na Pangulo, at nakatitiyak namang siya ring magiging panindigan ng batang Marcos kapag ito ang nanalong Presidente?
Kung dati ay para lamang pagkit ang pagkakadikit ng relasyon ng China sa Pilipinas, kapag nanalo si BBM ay tuluyan nang mapapa-epoxy at lalong magiging todo-todo ang pakikipag-alyansa ng Pilipinas kay Xi Jen Peng at mga Kampon ni Lim-ahong.
Kung mangyayari ang ating kinatatakutan, baka ipamigay na ni BBM sa mga Intsik ang ating mga teritoryo sa West Philippine Sea at ang Pilipinas ay tuluyan na ngang maging probinsya ng China na lamang?
Nang tumakbo si Digong sa pagka-pangulo noong 2016, ay matindi ang suporta ng mga Intsik sa kanyang kandidatura, kaya hindi masama kung nagbayad ng kanyang utang na loob ang ating Presidente sa mga ninuno nitong Intsik.
Kung tunay na susuportahan ni Pangulong Digong si BBM, tiyak na all-out din ang suporta dito ng mga Intsik lalo na yaong mga nakapuslit o pinapuslit papasok sa ating bansa sa pamamagitan ng Pastillas Scheme ng Bureau of Immigration and Deportation. Mga botante na din ang mga ito.
Milyones din na boto ng mga Intsik ang makukuha ni BBM mula sa mga kunyari ay legal na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Online (POGO), ngunit ang buong katotohanan ay nagpapatakbo pala ng iligal na sugal o underground POGO.
Kaya papaano matatalikuran ni Bongbong Marcos ang mga utang na loob na ito sa mga Intsik kung ito ang “anointed one” ni Pangulong Digong?
Bago natin malimutan, hindi na kailangan pa ni Bongbong Marcos na gumamit ng isang jetski tulad ng pangakong-napako ni Duterte para marating ang pinakamalapit na pulo ng Pilipinas at doon ay idambana ang ating bandila tanda ng ating kasarinlan at soberenya sa West Philippine Sea.
Hindi na isang Jetski, pagkat mismong si Xi Jen Ping pa marahil ang magbibigay ng barko de giyera para sakyan ni Bongbong patungo sa pinakamalayong pulo na sakop ng WPS para takasan naman nito ang kontrobersya at kahihiyan na nalantad na.
Kaya tama ang payo sa atin, kung boboto rin lamang ay ang pipiliin ay ang kandidatong walang dungis at di kwestyunable ang pagkatao. Kayo mga KASIKRETA baka naman matikbalang at mailigaw pa kayo ng mga mapanlinlang na propaganda?
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.