Advertisers
NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go para sa isang mas patas na pagbangon sa pandemya sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga mahihirap na Pilipino ay may access sa mga resources na kailangan nila upang matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Ginawa ni Go ang kanyang apela sa isang video message kasabay ng pamamahagi ng ayuda na isinagawa ng kanyang grupo sa bayan ng Rodriguez sa Rizal.
“Pakiusap, huwag nating pabayaan ang mga kababayan natin, lalung-lalo na ‘yung mga mahihirap, dahil tayo lang ang matatakbuhan nila. Balansehin natin ang pag-ahon ng ating ekonomiya,” sabi ni Go.
“Unahin natin ang buhay at kapakanan ng bawat Pilipino para masigurong walang maiiwan tungo sa ating muling pagbangon bilang isang mas matatag na bansa,” idinagdag ni Go.
Ang pangkat ng senador ay magkahiwalay na namahagi ng ayuda sa mga residente sa Barangay Macabud covered court at sa Barangay Mascap covered court sa Rodriguez.
Nagbigay din sila sa mga piling indibidwal ng mga bagong sapatos, bisikleta, at mga computer tablet para matulungan silang tugunan ang iba pang mga hamon na nauugnay sa pandemya.
Bilang karagdagan, ang mga tauhan mula sa Department of Social Welfare and Development ay namigay ng tulong pinansyal upang makatulong na mabawasan ang masamang epekto ng patuloy na krisis sa kalusugan.
Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, nangako si Go na patuloy na makikipagtulungan sa gobyerno para protektahan ang kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawak ng access sa abot-kayang pangangalagang pangkalusugan.
Hinikayat niya ang mga maysakit at matatanda na bumisita sa pinakamalapit na Malasakit Center kung saan sila ay maginhawang makaa-avail ng mga medical assistance program na iniaalok ng gobyerno.
Ang pangunahing layunin ng Malasakit Center ay bawasan ang singil sa ospital sa pinakamababang posibleng halaga sa pamamagitan ng pagsakop sa iba’t ibang serbisyo at gastusin ng pasyente. Sa kasalukuyan ay may 151 Malasakit sa buong bansa, ang pinakamalapit sa mga ito ay matatagpuan sa Antipolo City Hospital System Annex IV, Casimiro A. Ynares Sr. Memorial Hospital sa Rodriguez, Bagong Cainta Municipal Hospital, at Margarito A. Duavit Memorial Hospital sa Binangonan.
“Sa mga pasyente dito, hindi niyo na kailangang bumiyahe para pumila sa iba’t ibang opisina para makahingi ng tulong mula sa gobyerno. Kung may bill kayo, ilapit niyo lang ‘to sa Malasakit Center. Wala itong pinipili. Basta poor at indigent patient ka, qualified ka,” paniniguro ni Go, na pangunahing nag-akda at nag-sponsor ng Malasakit Centers Act of 2019.
“Hindi niyo na kailangang mahirapan dahil sa totoo lang, pera niyo naman ‘yan. Binabalik lang ito sa inyo sa pamamagitan ng mabilis at maayos na serbisyo mula sa Malasakit Centers,” idiniin ng mambabatas.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, nagpasalamat ang senador sa mga lokal na opisyal sa kanilang patuloy na serbisyo at dedikasyon.
Isang ampon na anak ng rehiyon ng CALABARZON, nangako si Go na itutulak ang marami pang rograma, proyekto at mga hakbang na makikinabang ang mga lokal na komunidad sa kanyang kapasidad bilang vice-chair ng Senate committee on finance.
Noong Abril 1, nagbigay din ng katulad na tulong ang pangkat ni Go sa kabuuang 2,000 residente ng Antipolo City at Rodriguez.