Advertisers
LAPU-LAPU CITY, CEBU — Naniniwala si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na ang mga boto mula sa mahihirap at bahagyang angat sa buhay — na kabilang sa ‘silent majority’ ang magbibigay ng panalo sa kanya sa darating na eleksiyon sa Mayo 9, 2022.
Sinabi ni Yorme Isko sa media na maraming tagasuporta ng ibang kandidato ang magbabago ng isip sa mga sunod na araw at pag malapit na ang eleksyon bunga ng awayan ng mga partido politikal.
“Sa sobrang away nila, natatakot na ‘yung tao baka mawalan siya ng trabaho, baka hindi siya mabilhan sa tindahan niya o baka awayin siya ng kapitbahay niya,” sabi ng 47-anyos na kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.
Idinagdag niya na dahil sa kaguluhan, marami sa magkakaibigan ang nag-aaway o tumatahimik para hindi mapagsalitaan ng masakit ng kakilala, kaibigan o kaanak.
“Feeling ko ire-reserve nila ‘yung boto nila sa takdang panahon,” sabi ni Yorme Isko.
Sa pag-iikot sa maraming lugar sa bansa, sinabi ni Yorme Isko sa mga reporter na marami sa nakakausap niya ay nagsasabi na siya ang pipiliing kandidato, at hindi ang mga kandidatong nababanggit sa mga political survey.
Talamak na rin, sabi pa ni Yorme Isko ang pakikialam ng malalaking politiko na ginagamit ang pananakot at impluwensiya ng pera para iboto ang kanilang mga kandidato.
“Napaka-fluid ngayon. ‘Yung malalaking pulitiko, ‘yung mga political oligarch will continue to buy people. Hindi na siya bago, ‘wag magpalinlang, nangyayari na ito ngayon,” sabi ng alkalde ng Maynila.
Sa kaugnay na balita, tiwala si Lito Banayo, Team Isko chief campaign strategist na susunod na mga linggo, magiging dikit na dikit na ang labanan nina Isko at dating Sen. Bongbong Marcos Jr.
Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng mga numero ni Yorme Isko at ang deretsong paglaglag ng tiwala ng mga botante bunga ng maraming isyu laban kay Marcos, lalo na ang isyu ng di-binabayarang P203-bilyong estate tax ni dating Pres. Ferdinand Marcos Sr.
Sa huling resulta ng Tangere survey mula Abril 4-6 sa 2,400 respondents, umakyat sa 24.21 percent si Yorme Isko sa 22% survey ng Marso 31.
Napakataas ng kredibilidad ng Tangere na nagtamo ng maraming award bilang isang malaya at di-maiimpluwensiyahang poll company.
Mas gusto ng mga respondent si Isko na iboto kaysa ibang kandidato, ayon sa Tangere.
Sa nasabing survey, rumehistro si Marcos ng 13.75% at si VP Leni Robredo ng 8.75%.
Tumaas din ang numero ni Yorme Isko ng 60% sa survey ng Tangere, noong Enero 3; si Marcos ay bumaba sa 56% noong Enero 18, at 54% noong Peb. 5, at muling bumagsak sa 48% nitong Abril 4-6.
Maraming netizen ang nadidismaya, kasama ang mga supporter ni Marcos Jr. dahil sa hindi nito sinasagot nang maayos ang isyu ng di-binabayarang estate tax.
Ipinangako ni Yorme Isko na kung siya ang pangulo, sisingilin niya ang pamilya Marcos sa utang na P203-bilyong estate tax para ipang-ayuda sa milyon-milyong Pilipinong hanggang ngayon ay pineperwisyo ng pandemya at ng pagbagsak ng ekonomya. (BP)