Advertisers

Advertisers

Bong Go: Importasyon ng asukal itigil, apektado mga magsasaka

0 149

Advertisers

HINIMOK ni Senator Christopher “Bong” Go ang gobyerno na iwasan ang pag-angkat ng mga produktong pang-agrikultura kung makakasakit ito sa mga Pilipinong magsasaka.

Ginawa ng senador ang pahayag matapos imungkahi ng Sugar Regulatory Administration na mag-import ng asukal sa Pilipinas.

“Bilang senador, ako po ay miyembro rin po ng committee on agriculture, I’m appealing po sa ating Executive Department. Department of Agriculture, unahin n’yo po ang kapakanan ng mga magsasaka,” apela ni Go matapos ang kanyang personal na pagbisita sa mga nasunugan sa Sta. Cruz, Maynila noong Biyernes.



“Kung hindi naman kailangan mag-import, ‘wag muna… unahin muna nating bilihin itong mga produkto ng ating local farmers dahil ang makikinabang po dito yung maliliit. Yung mga isang kahig, isang tuka,” ipinunto ng senador.

Muling iginiit ng senador na mas dapat unahin ng gobyerno ang kapakanan ng maliliit na magsasaka kaysa sa mga importer.

“Ito namang mga importers po, mayayaman na po ‘yan so unahin natin ang kapakanan ng small farmers. Kung sa tingin n’yo kulang na, saka na kayo mag-import. Yun po ang trabaho ninyo — to balance everything,” diin ni Go.

Binigyang-diin din ni Go na ang pag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura ay dapat para lamang sa pagpapalaki ng suplay upang makamit ang kasapatan sa pagkain.

Idinagdag niya ang pangangailangang protektahan ang mga lokal na industriya ng agrikultura mula sa mga smuggler.



Ang mga magsasaka ng asukal ay nababahala ukol sa pinakabagong panukala ng SRA na mag-import ng asukal.

Sinabi ng United Sugar Producers Federation sa isang pahayag noong Biyernes na ang panukala ay naglalayong mag-import ng 350,000 metriko tonelada ng hilaw at naprosesong asukal sa Pilipinas.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, ang desisyon na mag-import ng mga partikular na produktong pang-agrikultura, kabilang ang asukal, ay kinakailangan dahil ang bansa ay inaasahang magdaranas ng kakulangan sa suplay para sa mga naturang kalakal.

Ngunit ipinaalala ni Go sa mga opisyal ng gobyerno ang payo ni Pangulong Rodrigo Duterte na laging unahin ang kapakanan ng maliliit na magsasaka at manggagawa sa agrikultura.

“Kung kailangan batikusin ‘yung Department of Agriculture, batikusin ko po ‘yan. Patapos na po ang termino ni Pangulong Duterte. ‘Yun naman po parati ang ipinapaalala ni Pangulong Duterte sa inyo,” ani Go.

“Unahin nyo po ang kapakanan ng mga maliliit na magsasaka, mga maliliit na manggagawa,” idinii ng senador.