Advertisers

Advertisers

Pasya ni DU30 kontra sa pagluluwag sa COVID, pinuri

0 167

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Pagmasdan ninyo, pagagalingin ko kayong muli, at ibabalik ko sa inyo ang kalusugan, ang kasaganaan at katatagan ng buhay… “ (Jeremias 33:6, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

SANG-AYON ANG MARAMING PILIPINO SA PASYA NG PANGULONG DUTERTE NA MUNANG ALISIN NG LUBUSAN ANG ALERT LEVEL SA COVID 19: Maraming mga Pilipino ang sumasang-ayon sa pasya ng Pangulong Duterte na huwag munang alisin ang mga pagbabawal sa bansa habang nakataas pa din sa maraming lugar ang Alert Level One sa isyu ng COVID 19 pandemic.



Noong isang araw, inihayag ni Duterte na patuloy pa din ang pananalasa ng virus sa Pilipinas kaya naman hindi pa din niya pinapayagan ang mga panukalang alisin na ang alert level laban sa COVID 19, at, kasabay nito, alisin na din ang mga pagbabawal sa lahat ng larangan ng buhay, partikular ang pagsunod sa mga health protocols.

“… Wag na muna tanggalin natin ‘yan until we are very sure that everything is really alright especially sa ating lugar. Kasi mag-reinfect nang mag-reinfect ‘yan tapos may mutant na bago, dyan ang magka-problema,” dagdag pa ng Pangulo.

Sa kaugnay na balita, patuloy namang sinasakmal ng takot ang mga naninirahan sa Hong Kong, ang itinuturing na sentro ng pandaigdigang ugnayan sa pananalapi, kalakalan, at negosyo, dahil sa patuloy na pagdami ng mga nahahawa at namamatay dahil sa COVID 19.

-ooo-

NAHAWA ANG 1 MILYONG HONG KONG CITIZENS SA COVID 19 MATAPOS MAGLUWAG SA MGA PAGBABAWAL UPANG LABANAN ANG VIRUS: Sa ulat ng international news agency na Reuters na inilabas ngayon lamang Miyerkules, Abril 06, 2022, ganito ang headline ng mga balita doon tungkol sa COVID 19: “So many bodies piled up’: Hong Kong funeral services overwhelmed by COVID-19…”



Ang salin ng headline na ito sa Pilipino, ayon sa Technical Working Group sa Bulwagang Balitaan ng Kakampi Mo Ang Batas ay ganito: “… Napakaraming mga bangkay na ang nagkalat; mga punerarya sa Hongkong hindi na malaman kung ano ang gagawin…”

Sa pahayag ni Lock Chung, 37 taong gulang na may-ari ng isang punerarya doon, hindi pa siya nakakakita ng ganito kadaming bangkay na pinagpapatong-patong na lamang at naghihintay na mailibing o di kaya ay masunog.

Batay sa datos na ibinahagi ni Chung sa Reuters, ang ganitong katayuan sa Hong Kong ay lumalala pa, bagamat mula sa orihinal na dami ng mga punerarya sa bansa noong lamang nakaraang buwan ng Marso ay 15 ay dumami na sila sa bilang na 47.

-ooo-

MGA BANGKAY NG MGA BAGONG NASASAWI SA COVID SA HONG KONG, HINDI INAALIS SA MGA EMERGENCY ROOMS NG MGA OSPITAL KAHIT KATABI NILA ANG MARAMING PASYENTE: Lumilitaw sa datos na nakalap ng Reuters, nakakaranas na ng ika-limang pagsulong (o fifth wave) ang mga nahahawa ng COVID 19 sa Hong Kong mula lamang noong Enero 2022. Higit na sa 1 milyong mga bagong pasyente ang naitala na nahawa ng COVID 19, ayon pa din sa nasabing mga datos ng Reuters.

Dahil sa dami ng mga nabibiktima ng virus, nagigimbal ang mga kamag-anak ng mga pasyenteng nadadala sa mga emergency rooms ng mga ospital dahil katabi ng mga bagong nahahawa ang bangkay ng mga taong nauna ng namatay at hindi pa naililibing o nasusunog.

At kung pagbabatayan ang mga pahayag ng mga dalubhasa sa Hong Kong sa muling pagdami ng bilang ng mga tinatamaan, nagkakasakit, at namamay dahil sa virus, lumilitaw na ang sinisini nila ngayon ay ang pagluluwag na pinahintulutan ng Hong Kong government.

Niluwagan ng Hong Kong ang mga pagbabawal doon matapos ipahayag ng kanilang Department of Health na ina-alis nanila ang mga pagbabawal dahil sa pagbaba ng bilang noong kalagitnaan ng 2021. Sa talumpati ni Duterte noong isang araw, ito ay sinabi niyang kaniyang ini-iwasan—ang muling pagkakahawa-hawa ng mga tao.

-ooo-

MANOOD, MAKINIG! REAKSIYON? Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/Kakampi Mo Ang Batas, Radyo Pilipino stations, Luzon, Visayas, and Mindanao, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Newsbreak Media Company, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, at 95.5. J FM network. Para sa mga reaksiyon: +63 947 553 4855, batasmauricio@yahoo.com.