Advertisers
NAPUNO ng dagat ng mga tao ang mga kalye sa Maynila na isinigaw ang ‘President Isko’ sa ginanap na “Isigaw Mo, Isko” concert rally nitong Linggo, Abril 10 matapos ang dalawang araw na pangangampanya ni Aksyon Demokratiko presidential bet Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa probinsya ng Cebu.
Alas 2 ng hapon, nagtipon-tipon sa kahabaan ng T.M. Kalaw St. at sa kanto ng Maria Orosa St. ang may 25,000 tao upang makipagsaya sa “Isigaw Mo, Isko’ concert-rally na pinamunuan ni Jimmy Bondoc, sikat na singer-musician, kasama ang malalaking pangalan sa musika tulad nina Luke Mejares, Aia De Leon of Imago, Shamrock, South Border, Soapdish, This Band at Nina.
Alas 6 hanggang alas 7 ng gabi, mula sa 65,000 umabot sa mahigit na 80,000 ang sabik ng mga tagasuporta at nagsisigawang pinalakpakan si Yorme Isko habang inisa-isang ipinapaliwanag sa mga tao ang plataporma de gobyerno ng administrasyong Moreno kung mahahalal na pangulo sa eleksiyon sa Mayo 9, 2022.
Dumadagundong na “Isko! Presidente Isko!, Isko” ang sabayang isinisigaw ng mga tao tuwing sinasabi ng 47-anyos na alkalde ng Maynila ang “Wala na tayong atrasan! Tuluy-tuloy ang laban!”
Una rito, nitong Biyernes, Abril 8 lumusob ang mahigit sa 50,000 Cebuano sa Mactan Shrine sa Lapulapu City na mainit na nakipagsaya sa “Bilis Kilos Iskoncert-Rally” na tinampukan ni Mocha Uson at ng modelo-aktor na si Joaquin Domagoso, anak ni Isko, kasama ang mga musikero at mang-aawit na sina Blaque, MakII, RKTeq, Ruzz Furio, Kyle Zagado, RjayBulls, Freshe Christine, Super Renan, Jeofre C at Richie Wagas.
Sinundan ito ng isa pang libreng konsiyerto, Sabado, Abril 9 sa Toledo City Sports Center parking lot na sinaksihan ng 20,000 tao na tampok ang mga sikat na bandang Cebuano, Missing Filemon, Range 999, Aggressive Audio, Oh! Caraga, Kurt Fick, Jerika Teodorico, Jacky Chang at Emping.
Inorganisa ng mga concert-rallies ng tropa ni Cebu 3rd District Congressman and Deputy Speaker Pablo John “PJ” Garcia — na personal na iniendorso ang kandidatura ni Yorme Isko.
Sa interbyu ng mga reporter, pinasalamatan ni Yorme Isko ang napakainit na pagtanggap ng mamamayang Cebuano na nagpapakita ng marubdob na pag-irog sa kanya at pangakong ipapanalo siya na pangulo sa eleksiyon.
“Tunay na napakasarap sa pakiramdam ang pagmamahal nyo sa akin, at kahit saan kami saan kami magpunta nao-overwhelm kami. Pero ‘yung mga data being presented sa general public parang hindi nagre-reflect sa tunay na sitwasyon sa baba, … sa kalsada,” sabi ni Yorme Isko.
Sa kabila nito, sinigurado ni Yorme Isko na tuloy-tuloy lang ang panunuyo at pagpapaliwanag sa adyenda at programa ng Aksyon Demokratiko para maitawid ang mamamayang Pilipino sa pandemya at krisis sa buhay at kabuhayan.
“We’re very happy nao-overwhelm kami nina Samira Gutoc, John Castriciones, Carl Balita, Jopet, Doc Willie and ni Mocha, parang wow,” sabi ni Yorme Isko.(BP)