Advertisers

Advertisers

“Hokos-pokus” sa Navotas

0 934

Advertisers

UMAALMA ang mga maralitang mamamayan sa Lungsod ng Navotas sanhi ng anila ay maanomalyang pagpapatupad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program na pinamamahalaan ng Department of Social Welfare and Development katuwang ang pamahalaang lungsod ng Navotas.

Pagkat ang hinala ng naturang mga mamamayan ay may nangyayaring “hokos pokus” at iregularidad sa pamamahagi ng government financial assistance (ayuda) sa Navotas, ay isang pormal na reklamo ang inihain ng mga ito sa Office of the Ombudsman at Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong April 6, 2022.

Nagpakilalang “mahihirap at karaniwang mga residente ng lungsod”, inakusahan ng mga nagrereklamo ang mga opisyales ng Navotas City government ng pang-aabuso sa kapangyarihan sa ilalim ng umiiral na batas.



Sa tatlong pahinang reklamong idinulog nila kina Ombudsman Samuel Martirez, Sec. Rolando Joselito Bautista ay hiniling ng mga itong imbestigahan ang pamumudmod ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) fund sa lungsod.

Ang AICS, ayon sa panuntunan ng DSWD ay para sa lahat ng kuwalipikadong “indigent” families o mahihirap na mamamayan.

Subali’t anila, ang nangyayari sa Navotas, may kinikilingan at pinapaborang indibidwal ang nabibigyan ng ayuda mula sa AICS program ng mga opisyales ng pamahalaang lungsod na namamahala sa naturang proyekto.

Sumbong pa nila, marami rin umano sa mga ito ang dati nang tumatanggap ng government financial assistance nguni’t nakakapagtakang ang kanilang mga pangalan ay biglang nabura at nawala sa orihinal na listahan.

Pinasisilip din kina Ombudsman Martirez at Sec. Bautista ang mga residente ng Navotas na may mga kakayanan sa buhay at hindi naman maituturing na indigent o mahihirap, subali’t nakakatanggap ng ayuda sa Navotas LGU.



Ang hindi pantay-pantay at maling pagpili ng pamahalaang lokal ng Navotas ng mga benepisyaryo para sa programang ito ay malinaw na paglabag sa ipinag-uutos ng batas patungkol sa graft and corruption.

Ayon sa kanila may mga paglabag batay sa itinatadhana ng Section 3 (e) at (j) ng Republic Act 3019 o and Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kung saan ay ipinagbabawal ang pagbibigay ng pribilehiyo o benepisyo sa mga taong hindi kuwalipikado na tumanggap nito (financial assistance).

“Kami po na mga Navoteño na hirap at hikahos sa buhay ang higit na nangangailangan ng tulong o ayuda ng pamahalaang lungsod ng Navotas, nguni’t tila pinipili nila ang dapat abutan ng nasabing tulong galing sa AICS”.

“Sana ay hindi ito nagiging kasangkapan sa pulitika, lalo na’t ngayon ay panahon ng halalan”, ayon pa sa reklamo.

Pinadalhan rin ng mga apektadong mamamayan ng kopya ng kanilang reklamo sina DSWD ASec. Rhea B. Peñaflor at Regional. Dir. Vicente Gregorio B. Tomas.

Hindi nabanggit ang pangalan ni Mayor Toby Tiangco sa reklamo pero bilang Ama ng lungsod, siya’y may pananagutan sa nangyayaring kababalaghan sa ayuda na ibinulgar ng kanyang mga kababayan sa lungsod.

Inirereklamo din ang City Social Welfare and Development head, Jennifer Serrano dahil tinanggihan nitong tanggapin at di inaksyunan ang letter complaint ng mga nagrereklamong Navoteños?

Kung tunay na nangyayari ito sa Navotas, ay higit na makakasira ito sa imahe ni Mayor Tiangco kaysa makakatulong ang programang ito ng pamahalaan…

***

Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.