Advertisers

Advertisers

Multo ng nakaraan

0 1,273

Advertisers

MALAKAS ang dating ng kandidatura ni Boy Pektus kung ang social media ang pagbabatayan dahil sa haba ng pisi sa pagbabayad ng mga trolls na bumabalikat sa kasikatan nito. Lubhang nakakatakot ang mga ganitong gawi na kayang sikmurain ang inilalabas na iba’t – ibang footage na nagsasabing magaling kuno si Boy Pektus. Ngunit sa kabila nito, takot humarap sa mga debateng ipinatawag, maging ng COMELEC. Ayaw harapin ang mga kapwa kandidato na naghahanda sa bawat pagkakataon na ilatag ang plataporma de gobyerno at ‘di puro porma. Ang pagsasabi ng programang bayan na binabangit tila kulang sa tindig dahil sa halip na harapin ang hamon na debate, hayun nagtatago sa likod ng saya ng babaeng butangera.

Tunay na mapagkunwari ang grupo ng Inutile na puro pa pogi ang gawa at kapos sa tapang sa talastasan. Ang ginagawang mga panayam na mukhang scripted ang tinatanguan at pagkatapos ang walang humpay na pa pogi ng mga trolls na napapanood ng mga hunghang na tagasunod, bakit?

Kung susuriin ang kilos ni Boy Pektus, iisa ang ipinakikita, may tinatago na ayaw mahunggat at masira ang gawa-gawang kalamangan sa mga survey sa halalan sa panguluhan. Gamit ang depensang pag-iwas sa anumang hindi mapanghahawakan sitwasyon na makakasira sa pangarap na inaasam ay ‘di kailangan. O baka ang pangarap na nais makamta’y dikta ng kung sino kaya wala sa puso ang ginagawa. O sadyang ‘di kayang tumayo sa matitinding pagsubok sa kawalan ng kaalaman. Sa ganitong galaw, sapat na matakot si Mang Juan sa kinabukasan na mahulog sa liderato na kapos sa kaalaman. Pag-isipan ang pag-iwas sa puppet na pamamahala ng kinabukasa’y ng makawala sa kumunoy ng kahirapan. Bansag o lapad na ang karakas ni Boy Pektus na hindi kayang manindigan, bakit pa makikipagsapalaran, bayan.



Mahirap mawatas ang intensyon ng tao lalo’t mahusay ito sa pagpapangap, tila ang gawi ng ama sa panlililo ang namana ni Boy Pektus. Subalit hindi maitatago ng kilos ang intensyon lalo’t sa mga taong mapanuri sa mga binibitawang salita at kilos. Pawang pagpapangap ang maririnig sa mga talumpati ni BP at walang batayan kung paano gagawin ang programang galing sa lumang palakad ng ama nagpalugmok sa bansa. Walang sariling diskarte na masasabi at galing sa baol ng ama ang binabangit na programa. Boy Pektus, panahon na ng Info Tech, ang mga balaking minana’y ‘di na sapat sa panahong ito.

Mapanuri si Mang Juan, lalo ang mga anak nito na patuloy na naghahanap ng tunay na pagsulong ng kabuhayan. Ang patuloy na panlilinlang kay Mang Juan at mga anak nito, lalo sa social media ‘di pinalampas ng ganun na lamang. Sa halip ipinapakita sa mga kilos lalo sa pagsama sa mga gawain ng matalik na katunggali. Kabisado at walang dating sa tao ang kilos ninyong ginugugulan ng malaking halaga upang bulagin ang mga Pilipino higit sa social media. Hindi magkamayaw ang mga trolls na maglabas ng iba’t – ibang propaganda na hindi maka usad sa mapanuring mata ng mga anak ni Mang Juan. Batid ni Mang Juan ang nais na ipagpatuloy ang gawain na kayo- kayo system hanggang sa survey na lang. Ang walang saysay na mga talumpati, garalgal na boses at pala ngiwing bibig ang mga dahilan ng paglakas ng kandidatura ng kalaban.

Sa buhay ng mga Pilipino, hindi maiwasan na ipagkumpara ang serbisyong nakuha sa iba’t ibang lider ng bansa. Sa dami ng nagsilbi, hindi nagbago o umunlad ang kabuhayan ni Mang Juan sa halip nalugmok ito sa kahirapan. Tuwirang masasabi na maraming Pinoy ang lumayo ang kabuhayan sa dati kalagayan. Dumami ang mahirap habang napunta sa iilan ang yaman ng bansa. Walang pagbabangit ng nakinabang subalit malinaw na ang dahilan ng paghihirap ng karamiha’y dahil sa hindi parehas ang pagtimon na pamamahala.

Ang meron ang pinoprotektahan samantalang ang wala’y salat sa lahat. Sa panahong kasalukuyan, na ang malapit sa paminggalan ng Malacanan ang namumunini sa kaban bayan. Habang ang nakakarami’y pumipila sa ayudang kapos sa pangangailangan. Ang taas presyo ng bilihin ang pasanin sa araw-araw na mas nagpadausdos sa maraming kabuhayan. Habang ang tumatakbo sa panguluha’y batid na may bahid ng katiwalian subalit kibit balikat sa kalagayan ni Mang Juan.

Sa mga paglalarawan sa itaas, masasabing mahirap ang takbuhin ng darating na halalan. Halalan ito para sa kinabukasan, pagsulong o pagbalik sa putikan ng kahapon. Nariyan ang mapagpanggap na kinagigiliwan dahil pera’t propaganda na mababasa sa media’t social media. Nariyan ang papuri sa mga buktot na kumukurakot sa kaban yaman ng bayan. Walang pasubali kung lapangin ang yaman ng bayan para sa sariling kapritso. Nariyan na ginagamit ang pwestong tangan upang takasan ang mga usaping sagutin sa bayan. Nariyan sa upuan na kahit pansamantala sumarap at hayahay ang buhay. Habang si Mang Jua’y panay kahig walang tuka.



Bayan matakot sa kung paano kumilos si Boy Pektus maging si Inday Sapak. Tila karaniwan sa mga ito ang magpangap sa inyong harapan. Ang pakitang taong kabaita’y inyong pag-isipan dahil ang bawi nito’y sadyang nakagigimbal. Nakakabahala kung paano humarap si Boy Pektus sa bayan, kabisado ang kiliti ng nasa laylayan. Subalit ang puso’y iba ang tibok dahil ‘di batid ang kalagayan ng bayan.

Habang sa likod o sa harapan, hindi o ayaw bayaran ang usapin na buwis na may pakinabang ng bayan. Sabihin na walang ninakaw ang ama na hindi naman totoo, ang mga sinisingil na mga buwis at pagtangging bayaran ay malinaw na hindi totoo ang hinahaing serbisyo. Ang maka iwas sa indulto ng ‘di mabawasan ang yaman ang tanging layon ni Boy Pektus sa pagtakbo. At malinaw na hinuhubog o hinahanda ang anak na magpapatuloy sa pulpol at pansariling hangarin at ‘di para sa bayan. Mang Juan, tunay kang may pangangailangan, ang magising sa pagkakahimbing sa bola ng mga mapagkunwari’y gawin sa kasalukuyan. Tunay na nakakatakot ang darating na panahon na muling babangon ang multo ni Makoy sa hitsura ni Dayunyor at ng apong inihahanda sa darating na panahon.

Ang kakulangan sa talino ni Boy Pektus ang lalong nakakatakot na maganap lalo’t makaupo ito sa Balite ng Malacanan, ang magamit ito ng mga mapagsamantala na ibig yumaman sa kabang bayan. Ang maluwag na isipan ni BP ang pag-isipan ng makaiwas ang bayan sa bangin ng kahirapan. Piliin ang dapat at ang may kakayahan ang siyang ihalal sa darating na Mayo. Maging si Totoy Kulambo’y nagdadalawang isip kahit walang isip sa pagsuporta sa walang alam na si Boy Pektus. Iligtas ang bayan at tutulan sa balota ang pagbabalik ng multo ng nakaraan.

Maraming Salamat po!!!