Advertisers

Advertisers

Bong Go: COVID-19 jabs sa BARMM, MIMAROPA, R12 paigtingin

0 200

Advertisers

MULING binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go kung gaano kakritikal ang pagbabakuna para sa mas mabilis na pagbabalik sa normal ng bansa kasunod ng mga ulat na ang ilang pangkat ng edad at rehiyon sa Pilipinas ay may mahinang saklaw ng bakuna.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, nabahala si Go sa ulat ng National Task Force Against COVID-19 kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Talk to the People noong Abril 11, na 34.13% lamang sa Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao ang nababakunahan laban sa COVID-19 – ang pinakamababa sa lahat ng rehiyon.

Muling nanawagan ang senador sa mga opisyal ng pambansa at lokal na pamahalaan na palakasin ang pagbabakuna at pag-ibayuhin ang kanilang kampanya sa impormasyon sa mga benepisyo ng mga bakuna, lalo na sa BARMM at mga rehiyon tulad ng MIMAROPA at Rehiyon 12, kung saan wala pang 70% ng populasyon ang nakatanggap ng kanilang unang dosis.



Sa kabaligtaran, ang National Capital Region ay umabot na sa 111.11% ng target na populasyon para sa unang dosis habang ang Rehiyon 1 at Rehiyon 2 ay nakapagtala ng 88.03% at 85.38%, ayon sa pagkakasunod. Ang tatlong rehiyong ito ang may pinakamataas na turnout sa bansa.

Iginiit Go ang pangangailangan ng edukasyon at mga pagsisikap upang mabuo ang tiwala ng publiko na malabanan ang pag-aalinlangan sa bakuna sa katutubo.

“Kung kailangang suyurin ang bawat isa sa mga pinakaliblib na lugar sa bansa ay gawin natin…Hindi man natin mapilit ang lahat na magpabakuna, dapat may sapat na kaalaman at insentibo ang mga tao para hindi na sila mag-alinlangan pa dahil bakuna talaga ang tanging tanging susi o solusyon para malampasan ang pandemya,” ani Go.

Maliban sa Metro Manila, maraming rehiyon ang bigong maabot ang 20% ng target population na mabigyan ng booster.

“Isulong din natin ang pagbibigay ng booster shots sa mga nakakumpleto na ng kanilang bakuna… Ang booster dose ay karagdagang proteksyon laban sa COVID-19. Mismong si Pangulong Duterte ang nagbigay-diin hinggil sa halaga ng booster shots, lalo na para sa pagkontrol ng pagkalat ng nakakahawang variants.”



Ang parehong ulat ng NTF ay nagpakita na kahit na ang mga Pilipinong ganap na nabakunahan at ang mga nakatanggap ng kanilang unang dosis ay nasa 74% at 79.79%, ayon sa pagkakabanggit, 17.29% lamang ang nakakuha ng kanilang booster shot.

Bukod dito, mula nang simulan ng pambansang pamahalaan ang pagbabakuna sa mga batang may edad 5 hanggang 11 nitong Pebrero, 17.69% lamang sa nasabing pangkat ng edad ang nabakunahan.

Kaya naman umapela si Go sa mga magulang na payagan ang kanilang mga anak na mabakunahan para palakasin ang kanilang immune system at tiyaking sila ay magiging malusog sa pisikal sa oras na bumalik sila sa harapang klase.

“Alam ko na marami ang nag-aalala at concerned sa magiging epekto ng bakuna para sa kanilang mga anak ngunit maniwala po tayo sa mga eksperto, doktor at sa siyensya. Napatunayan na po na makakatulong itong magbigay ng dagdag na proteksyon para sa mga menor de edad,” sabi ni Go.