Advertisers
MABIGAT ang batayan ni Pambansang Kamao, Senador Manny Pacquiao kaya’t binalaan niya ang sambayanang Pilipino upang di maengganyo na ihalal si Bobong Marcos sa nalalapit na halalan.
Mayroon 21 araw na lang at hahangos na sa kani-kanilang mga poll precinct upang bumoto ang mga botanteng Pinoy, kaya paalala ni Pacquiao na huwag sanang magkamali sa kanilang desisyon ang milyun-milyong botanteng Pinoy.
“Kung gusto nyo talagang lumubog ang bansa, so be it, iboto ninyo.” Aniya, kapag nakabalik sa kapangyarihan ang katunggali niyang si Bobong Marcos Jr. bukod sa posibilidad na Martial Law, ililipat aniya ng mga Marcos sa account nila ang lahat ng ninakaw na yaman, at “magiging wealthiest family in the world.”
“Gustong gusto nila makabalik, bakit? Unang-una absuwelto na sila sa taxes. ‘Yung mga naka-dispute na ari-arian, gold deposit, lahat ‘yan malilinis na ‘yan, pwede na ma-transfer sa sariling account nila,” dagdag ni Pacquiao.
Kaya mga KASIKRETA pag-isipan natin mabuti kung sino ang pagkakatiwalaang rumenda at mag-aahon sa atin mula sa pagkabaon sa matinding kahirapan.
Hihigit na sa 13 trilyon dolyares ang modest estimate na magiging pandaigdigang utang natin courtesy of President Digong,at kung makababalik pa ang isang Marcos, tiyak na lalo tayong magmumukhang kawawa, ang walang kinikilingang pagtataya ng isa nating kaibigang ekonomista.
Huwag tayong magkakamaling iboto ang mga kandidatong sinungaling, mapagbalatkayo at may lahi ng pagiging sakim sa kapangyarihan at higit sa lahat ay korap.
Dapat ay tayong mga mamamayan ang kanilang tulungan, hindi yaong tayo pa ang tutulong sa kanila na mailagay sa poder para maipagpatuloy ang kanilang nakagisnang pangungurakot sa kaban ng bayan.
***
CAVITE PD ABAD AT ILANG MAYOR, INUTIL?
KUNSINTIDOR at pabaya sa kanilang mga tungkulin ang akusasyon laban kina Cavite PNP Provincial Director, P/Col. Arnold Abad, Noveleta Municipal Mayor Dino Carlo R. Chua at sa ilang alkalde sa naturang lalawigan.
Ang ganitong persepsyon ng mga nagpakilalang apektadong mga mamamayan ay siyang nilalaman ng karamihang text messages , ilan pa nga sa mga ito ay tumawag sa inyong lingkod para iparating ang anila ay “inaction and laxity” nina PD Abad at ni Noveleta Municipal Mayor Chua at Mayor Angelo G. Aguinaldo ng bayan naman ng Kawit ng naturan din probinsya.
Nagkakaisa ang mga Caviteño sa kanilang sumbong na ipinarating sa inyong lingkod, hindi na nga ganap na naipatutupad ang batas sa kanilang hurisdiskyon ay halata pang may pinipili at itinatangi daw sina PD Abad, Mayor Chua at Mayor Aguinaldo sa kanilang ipaarestong mga iligalista.
“Ang mga pipitsuging tupada at operator ng sugal-lupa lamang po ang naipaaaresto ni PD Abad lalo na sa Noveleta at Kawit samantalang ang orgnisadong operasyon ng peryahan-sugalan (Pergalan) na gamit ng bentahan ng droga ay libreng-libre naman at parang legal ang kalakaran dito”, ang text message pa ng isang nagpakilalang barangay kagawad na sadya nating di binanggit ang pangalan.
“Sa bayan ng Noveleta ay nagmamalaki pa po ang operator ng peryahan pulos –pasugalan na may permit sila mula sa tanggapan ni Mayor Chua kaya di matinag ang takbo ng color games, beto-beto, sakla, drop balls at ipang uri ng illegal gambling.
Sinasabayan ng operasyon ng sugalan doon ang pagpapabenta ng shabu sa kanilang mga peryantes, sumbong pa ng nagpakilalang nababahalang magulang.
Sa Brgy. Panamitan sa bayan naman ng Kawit ay bidang-bida ang operasyon ng pasugalan at salyahan din ng shabu ng isang matronang si alias Mitch.
Hindi rin masupil ni PD Abad at maging ng kanyang police chief ang pagbebenta ng droga at ang sangkaterbang pasugalan kunyari sa naipatayong mini-carnival ng bruhang ito pagkat ang ipinagmamalaki naman ay may bendisyon siya ni Mayor Aguinaldo, ang hinaing naman ng isa pang texter.
Personalmente ay hindi natin sinasagpang ang mga sumbong lalo na laban kina Mayor Chua at Mayor Aguinaldo ngunit talaga namang nagtataka ang inyong lingkod kung paanong dedma lamang dito ang nasabing mga alkalde.
Sa lalong madaling panahon ay dapat na kumilos na sina Mayor Chua at Mayor Aguinaldo at paaksyunan ang mga kailigalang ito kay PD Abad ?
Alalahanin lamang po natin na ilang tulog na lang ay eleksyon na?
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.