Ken ‘dream come true’ na makatambal si Bianca; Piolo pinahanga ang Zamboanga sa pag-e-endorso ng #50 Ang Probinsyano Party-List
Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
HINANGAAN at kinakiligan ang Pambansang hunk na si Piolo Pascual sa pagbisita ng aktor sa Zamboanga peninsula nitong Biyernes (April 8, 2022) na siyang pinakaunang beses na nakita si Piolo sa isang kampanya para sa 2022 elections.
Sumama si Papa P sa kampanya ng Number 50 Ang Probinsyano Party-List sa pangunguna nina Rep. Alfred Delos Santos at Rep. EAdward Delos Santos sa Pagadian, Zamboanga del Sur; Ipil, Zamboanga Sibugay at Sergio Osmena, Zamboanga del Norte.
Sa pag-landing pa lamang at pagbaba sa eroplanong sinakyan ni Papa P sa Pagadian airport ay pinagkaguluhan na siya dahil sa taglay na kaguwapuhan at karisma.
Ineendorso ng aktor ang Ang Probinsyano, isang party-list na ang adbokasiyang rural advancement ay pinaniniwalaan ni Piolo.
At sa mga venues ng kanilang sortie, hindi magkamayaw ang hiyawan at tilian noong kumanta na si Piolo ng mga kantang tulad ng “Mangarap Ka” at “Hawak Kamay”.
Kaya naman hindi na nakapagpigil ang isang tagahanga sa Pagadian City at umakyat ito sa entablado habang kumakanta si Piolo at niyakap ang aktor.
“Nandito po ako ngayon para ikampanya ang boses ng mga probinsyanong tulad ko sa Kongreso, ang mga totoong nagtatrabaho po para maiangat ang kalidad ng buhay natin – ang Number 50 Ang Probinsyano Party-List,” bahagi ng speech ni Piolo.
“Iboto lang natin ang nararapat,” dagdag pa niya.
Isa sa pinapopular at pinaka-bankable na artista sa buong Pilipinas si Piolo pero taglay pa rin niya ang kasimplehan at kababaang-loob sa kabila ng kanyang estado. At sa mga panayam sa kanya, vocal siya sa pagsasabing mula noong nanirahan siya sa probinsiya ay niyakap at minahal na niya ang buhay probinsiyano.
Hangad naman ni Number 50 Ang Probinsyano Party-List Rep. Alfred delos Santos na isulong ang mga proyekto para sa mga lugar sa bansa na malayo sa kabihasnan o siyudad.
Sinang-ayunan naman ito ni Rep. Edward delos Santos, na idiniin ang hangarin nila na paigtingin ang progreso sa mga rural areas sa bansa.
Samantala, sa Samar, ang mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Gov. Reynolds Michael Tan at second district Rep. Sharee Ann Tan ay pormal na ring nagpahayag ng kanilang suporta sa Number 50 Ang Probinsyano Pary-List sa isang rally sa Catbalogan provincial capitol na dinaluhan naman ng aktor na si JC de Vera.
***
DREAM come true para kay Ken Chan na makatrabaho si Bianca Umali sa isang Kapuso serye.
Natupad ang isa sa mga hiling ni Ken Chan na makatrabaho si Bianca Umali sa isang Kapuso serye.
Ayon kay Ken, isa si Bianca sa mga Kapuso artists na pangarap niyang makatrabaho. Kaya naman masaya siya ngayong kasama na ang aktres sa pinakabagong rom-com series na “Her Big Boss,” ang pangalawang installment ng GMA Telebabad series na Mano Po Legacy.
“Dream ko makatrabaho si Bianca. Alam mo nakita ko ‘yung interview ni Bianca Umali na ang tanong kasi sa kanya ‘Kung may makakatrabaho siya sino ‘yung gusto niyang makatrabaho?’ At ang isa sa mga sinagot niya ay ako,” sabi ni Ken sa interview sa GMANetwork.com.
Dagdag niya, “I’m just so happy kasi ganoon din ako. Isa sa mga gusto kong makatrabaho talaga at dream ko makatrabaho ay si Bianca. Alam naman nating lahat kung gaano kagaling na aktres si Bianca Umali. Alam natin kung ano ‘yung mga proyekto na ginawa niya na talagang sinuportahan ng mga tao.
“Nakakatuwa kasi kami ni Bianca parehas kami ng mga ginawang projects. What I mean is, ‘yung mga projects at teleserye na ginawa namin may mga advocacies na tinatawag naming adbokaserye. Parehas kami ng pinanggalingan. Madalas ang ginagawa namin drama.”
Ikinuwento rin ni Ken ang madalas na tanong nila ni Bianca sa isa’t isa sa tuwing nagkikita sa trabaho. Aniya, “Everytime na nagkikita kami ni Bianca sa GMA ang lagi naming tanong sa isa’t isa, ‘Kailan kaya tayo magkakatrabahong dalawa? Sana dumating ‘yung panahon na makaka-work namin ‘yung isa’t isa.’ And ito na nga nangyari na rito sa Mano Po Legacy: Her Big Boss. Sobrang happy kaming dalawa.”
Sa Mano Po Legacy: Her Big Boss, napapanood si Ken bilang geeky boss na si Richard Lim habang binibigyang-buhay naman ni Bianca ang bubbly assistant na si Irene Pacheco.
Kasama rin nina Ken at Bianca sa seryeng ito sina Kelvin Miranda, Pokwang, Teejay Marquez, at marami pang iba.
Samantala, bukod sa “Her Big Boss,” abala rin si Ken ngayon sa paghahanda para sa bago niyang kanta na ilalabas under GMA Music.