Advertisers
MALAKING kalapastanganan sa kabanal-banalang Santo Padre Pio ang kabulastugang pinaggagagawa ng mga may pakana sa pagkakapagtayo ng isa sa pinaka-garapal na pasugalan sa kasaysayan ng bansa, pagkat nailatag ito sa kinaroroonan pa naman ng Parish of Saint of Padre Pio na matatagpuan sa Siyudad ng Sto Tomas, Batangas.
Napakarami palang kailigalang naglitawan sa Sto Tomas City, parang kabute ang mga itong sumulpot pagkaluklok doon ni P/LtCol. Danilo Mendoza bilang local police chief. May mga perya-sugalan (PERGALAN) na may shabuhan at may mga STL bookies o jueteng pa at iba-ibang gawaing kriminal na ngayon ay doon naniningkalag.
Galit na galit naman ang mga Padre Pio devotees hindi lamang sa operator ng pasugalang si alias Liza kundi maging sa mga public officials na kasabwat ng naturang iligalista na nangunsinte para maitayo ang malaking pasugalan sa Brgy. San Pedro ng nabanggit na lungsod.
Akalain nga ba namang nakapagtayo si alias Liza ng mga pasugal na color games, beto-beto, drop balls, cara y cruz at iba pang bawal na pasugal sa pangunahing tourist destination sa barangay na kinaroroonan pa naman ng National Shrine of Saint Padre Pio?
Liban pa sa pergalan na ito sa Padre Pio ay may mga katulad pa din nitong sugalan sa Brgy. Sta Maria at San Rafael at ang ipinangangahas ng operator na si alias Larry Bokbok ay may permit kuno na iniisyu din sa kanya sina Mayora Edna Sanchez at ng ilang mga barangay officials? May tingian din ng shabu si Larry Bokbok sa kanyang pergalan.
Hindi lamang mga peryahang pulos na sugalan at bentahan ng shabu ang talamak sa Sto Tomas City, kundi maging ang mala-sindikatong operasyon ng Small Town Lottery (STL) bookies o jueteng. Garapalan ang kubransa ng taya sa jueteng sa ibat-ibang barangay ng naturang siyudad.
Ibinunyag pa ng ating source na ang mga untouchable operator ng jueteng sa nabanggit na siyudad ay sina Alex sa Brgy. San Francisco, Rolly sa Brgy. Sta Maria, Ollie at Diego sa Brgy San Pedro, Marlon at Aurelio sa Brgy. San Pablo, Rodel at Luis sa Brgy. San Vicente, at magkapatid na Tabyao alias Kambal sa Brgy. San Felix.
Para sa mga deboto at saradong-katolito naman, hindi lamang tandisang pag-aglahi sa sangka-Kristiyanuhan kundi malaki ring kasalanan sa Dakilang Lumikha ang pag-ooperate ng padugalan sa Brgy. San Pedro. Ngayon lang marahil narinig natin ito, pasugalang nailatag sa nakakasakop sa kinikilala ding Pambansang Bantayog na Parish of Saint Padre Pio.
“Papaano pa po kami magkakaroon ng kapanatagan kapag mananampalataya kay Padre Pio gayong habang patungo pa lamang doon ay ang mabubungaran na ay mga pasugal na color games, beto-beto, cara y cruz, drop balls at iba pang pandarayang iligal na pasugal?” ang himutok ng isang mananampalataya nang magsumbong sa inyong lingkod.
Isinisisi naman ng ilang residente ng Brgy. San Pedro sa kapabayaan ng kapulisan at ng kanilang ilang barangay officials kung kaya’t nakapag-ooperate sa naturang lugar ang mga pasugalan ng isang alias Liza.
Halos 24/7 po ang operasyon ng iligal na pasugalan ni Liza at hinala po namin ay sila na rin ang nagpapabenta ng droga dito. Simula po nang mag-umpisa ang operasyon ng mga pasugalan malapit sa dambana ni Padre Pio ay nagkaroon na rin ng problema sa drug addiction sa aming barangay,” ang reklamo din ng isang mamamanata na sadya nating di binanggit ang pangalan.
Napakalakas ng loob ni Liza pagkat may permit na ipinagyayabang kuno ito mula kina Chairman ay Mayora Edna Sanchez? Totoo kaya ang sumbong na ito ng ilang residente ng nabanggit na barangay?
May permit din kayang iniisyu si Sto Tomas Police Chief, P/LtCol. Danilo Mendoza,para makapag-operate ang peryahan na pulos pasugalan (PERGALAN), malapit lamang sa dambana ni Padre Pio?
Libu-libong deboto mula sa halos lahat na sulok ng lalawigan ng Batangas, CALABARZON, Metro-Manila at iba pang panig ng bansa ang dumadagsa sa Padre Pio Church pagkat isa ito sa kinikilala at paboritong Pambansang Bantayog, ngunit nadisdismaya naman ang mga ito dahil sa di pag-aksyon nina Mayora Sanchez at Lt. Col. Mendoza laban sa mga nabanggit na drug/gambling havens.
Nagkakaisa ang mga mamamanata na iparating kay PNP Director General Dionardo Carlos ang kasalaulaang pinaggagagawa ng mga nasa likod ng pagkakaroon ng lantarang pasugalan sa pook na kinarooroonan pa naman ng Parish of Saint Padre Pio.
Delikado ang police carreer ni LtCol. Mendoza kapag nakarating ito sa kaalaman ni Gen. Carlos. Nakataya din ang political carreer ni Mayora Sanchez sa kasalaulaan at kabalbalan nitong si alias Liza, Larry Bokbok at iba pang mga gambling/drug operator sa Sto Tomas City.
Sa panahong ito pala ay may mga binabansagan pa ring untouchable, kung kailan ay si PBG Antonio Yarra na ang rumerenda ng kapulisan sa CALABARZON area, bakit general?
Malaki ang pagkakaiba talaga noong ang liderato pa ng PNP Region 4A ay nasa ilalim pa lamang nina dating PBG Guillermo Eleazar na naging PNP Chief at PBG Eliseo DC Cruz- ngayon ay PMaj. General at Director ng CIDG. Wala tayong naririnig na untouchables sa Batangas at buong Timog Katagalugan sa ilalim ng kanilang liderato.
Hindi lamang ang mga mamamanata ni Padre Pio ang pinagmumukhang kawawa nina Mayora Sanchez at LtCol. Mendoza, kundi maging ang mga mamamayan ng Sto Tomas City. Umaasa sila sa matapat at mapagkalinga nilang serbisyo, ngunit mukhang wala yata sa kanilang bokabolaryo ang good service and governance?
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.