Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
GINAWANG Tiffany Grey na ang screen name ng newcomer na talent ni Ms. Len Carrillo na unang nakilala bilang Stiff Banzon.
Nagpalit ng screen name ang magandang newbie actress dahil may kapareho raw siyang screen name.
Kuwento niya, “Nag-decide po si Nanay Len na palitan name ko, kasi ‘pag ‘yung real name ang gamit ko, may kaparehas na name ako sa Viva. So, para di malito iyong mga tao, iniba na lang ‘yung name ko.”
Si Tiffany ay dati nang talent ni Ms. Len, bahagi siya ng all-female singing group ng Belladonnas.
Maganda ang mga dumarating na project kay Tiffany. Una siyang mapapanood sa pelikulang Putaje ni Direk Roman Perez. Ito ay tinatampukan ng mga alaga ni Jojo Veloso na sina Ayanna Misola at Massimo Scofield.
Ang sumunod na project ng dalaga ay ang Tahan, na isang sexy suspense thriller movie. Tampok dito sina Cloe Barreto, Jaclyn Jose, JC Santos, Quinn Carillo, Mercedes Cabral, Karl Medina, AJ Oteyza, at iba pa, na pamamahalaan ni Direk Bobby Bonifacio Jr.
Third movie ni Tiffany ang Fall Guy na tatampukan ni Sean de Guzman at pamamahalaan ng batikang direktor na si Joel Lamangan at isinulat ni Troy Espiritu.
Ang pelikula ay isang social crime drama na istorya ng isang influencer na naging biktima ng injustice system dahil sa kanyang estado sa buhay. Matindi ang cast ng pelikulang ito na prodyus ni Ms. Len Carillo of 3:16 Media Network and John Bryan Diamante of Mentorque Productions.
Makakasama ni Sean sa Fall Guy sina Glydel Mercado, Shamaine Buencamino, Vance Larena, Cloe Barreto, Quinn Carrillo, Marco Gomez, Karl Aquino, Tina Paner, Jim Pebanco, Pancho Carrillo, Mark Cardona, Azekah Alvarez, Nisa Oetiz, Itan Magnaye, at iba pa.
Bukod sa mabigat na casts, inaasahang pang-award o panlaban sa mga filmfest ang naturang pelikula.
Gumaganap si Tiffany sa Fall Guy bilang si Monet. Siya ay childhood sweetheart ni Julius (Sean) na nakatira sa squatter’s area. Sa kanilang pagma-mature ay nagkahiwalay sila, pero isang trahedya ang magiging daan upang muli silang magkasama.
Gaano siya ka-sexy dito sa Fall Guy? Tugon niya, “Dito sa Fall Guy, hindi siya masyadong sexy, pero may bed scene kami ni Sean de Guzman.
Nabanggit ng aktres ang nararamdaman niya ngayong sunud-sunod na ang ginagawa niyang projects.
“Sobrang saya po. Kaba at excitement ang nararamdaman ko po ngayon like rito sa movie na Fall Guy and lalo na’t sunud-sunod ang project ko. Thankful ako sa mga taong sumusuporta at naniwala sa akin, lalong-lalo na sa manager ko na si Nanay Len, kaya gagawin ko yung best ko para maging magaling na actor,” nakangiting sambit pa ni Tiffany.