Advertisers
NAGBABALA ang pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) sa publiko na magdoble ingat at maging mapanuri sa pamimili ng pagkain partikular na ang mga gulay sa pampublikong pamilihan makaraang makumpiska ang daan-daang kilo ng ismagel na karot sa Divisoria, Maynila sa isinagawang operasyon kagabi.
Ayon kay Alvin Enciso, hepe ng Intelligence and Investigation Service ng BOC, walang import permit at sanitary permit ang naturang mga imported na karot na ipinagbabawal sa batas.
Wala namang nahuling nagtitinda ng mga nasabing imported na karot dahil itinanggi ng mga tindero at tindera sa lugar na sa kanila ito.
Anila, inilagay lamang sa tabi ng kanilang pwesto ang naturang mga karot.
Dahil dito, kinumpiska ng mga tauhan ng BOC ang nasa 170 kilos ng ismagel na karot na tinatayang aabot sa higit P34,000 ang halaga.
Posible namang maharap sa kasong smuggling, economic sabotage, at paglabag sa food security act ang mapapatunayang nagtitinda ng mga ismagel na gulay.