Advertisers

Advertisers

TODO PATI PATO SI ISKO

0 1,607

Advertisers

ITINAYA na lahat ni yorme kung ano ang meron siya sa halalang kinakaharap na tila tiyak na makakamit ang ninanais pagkatapos ng Mayo 9. Walang patumpik-tumpik sa mga binabanggit na parang inahing nagpuputak sa paghamon sa abalang pangulo. Itinodo ng lahat maging ang kinabukasan sa politika at tila walang hahangarin pa sa darating na panahon sa larangan na nagpasigla sa buhay nito. Ang walang pakundangan na mga pahayag ang kinagagalak ng punong guro na panay ang ngiti, tawa, halakhak at pag-ngiwi sa mga tinuran ng bayaran na kandidato na hahati sa boto ng matalik na katunggali.

Sa kabila nito, batid na mangangamba itong si Boy Pektus sa lakas ng dating ng karisma ng pangunahing kandidato ng kalimbahin na si Leni Robredo sa mga tao sa laylayan ng lipunan. Sa patuloy na ngakngak ni yorme patukoy sa abalang pangulo tila hindi maawat ang paghanga ng mga Pilipino na lalong dumarami ang mga sumusuporta. Hindi mapasusubalian na nakakatulong ang lahat ng pambabatikos ng Trojan Horse ni Boy Pektus sa kandidatura ng binabangit na katungali.

Sa kasalukuyan, tila nakakuha ang abalang pangulo ng malakas na tagakalap ng boto sa ngalan ng yorme ng Maynila na nakalimutan ang sariling pagtakbo. Sa halip ang mapulaan ang abalang pangulo’y kasiyahan na kaya madalas nitong na binabangit ang ngalan sa anumang panayam ng media, salamat yorme. Libreng nakuha ni Leni ang serbisyo ni yorme at tunay na nakakuha ito ng maraming tagasunod na maging ang unang mga nag-endorso sa kandidatura ni Isko’y pumanig na sa kay Leni.



Walang hinihiling na kapalit ang pagbaligtad sa halip ang masabing nasa panig na ito ng abalang pangulo’y sapat na at nakatitiyak ng kalamangan sa darating na halalan. Bakit kamo? Dahil kapado na ng mga LGU officials ang pulso ng mga nasa laylayan, ang pagpanig sa kalimbahin ang tsunaming magdadala sa kanila sa panalo. Hindi na kaya pang komontra sa alon ng mga tao sa laylayan lalo’t malinaw na si Leni Robredo ang isinisigaw at ito ang katotohanang dahilan ng pag-iwan sa kandidatong nabayaran na para tumakbo sa halalan. Nadama at nakita na ng mga lider pulitika ng Aksyon Demokratiko na hindi layon ng batang Maynila ang manalo sa halip ang tagong nais nito’y nasa likuran ni Boy Pektus ang punong guro nito. Eh nabuko, ayun iskerda ang dating kasama, hanggang maaga….

Hindi natapos ang panlilibak ni yorme sa presscon ng mga presidentiables kontra sa abalang pangulo. Patuloy nitong minamaliit ang kakayanan ni Busy Leni dahil ang pagtakbo nito’y naka salig lamang upang talunin si Boy Pektus. At walang programang inilatag kuno para mapaunlad ang bayan. Sa pagbatikos nito, iginigiit na dapat magbigay daan ang nasa ikalawang pwesto kuno ng survey sa ikatlo o ika-apat na pwesto upang tumaas ang tsansa na manalo kontra kay Boy Pektus, ano ka hilo. Sa kadahilanang ang mga ito kuno ang may plataporma de gobyerno na magsusulong sa kagalingan ng bayan.

Kaso sa haba ng prusisyon nadulas ang hudas at lumabas ang totoong kulay. Ito’y sumusunod lamang sa kumpas ng kunsumidong Pilato upang batikusin ang abalang pangulo sa ngalan ng kawalan ng plano kung paano ibabangon ang bayang naghihikahos dahil sa kawalan at korapsyon. Ang masakit hindi kinagat ni Mang Juan ang mga tinuturan ng batang Maynila dahil dama ang tangkilik na ginagawa ng abalang pangulo sa likod ng mababang budget na meron ang opisina nito. Hindi malawak ang nabiyayaan, ngunit tunay na nagagalak na makita ang abang kababayan na umahon ang buhay sa tunay na malasakit ni Leni Robredo, ang mga taga Agutaya ang magpapatunay..

Sa totoo lang, parang si Matutina ang bibig ni yorme na kung anu-anong akusasyon ang luma

labas dito at nais na huwag ng ituloy ng abalang pangulo ang pagtakbo sa panguluhan. Nariyan na pinatigil pa ang tagapagsalita ni Leni sa paglalahad at pabulaanan ang panghihikayat sa mga kapwa politiko na magkaisa at magparaya para sa abalang pangulo. Nariyan pa ang pananakot na mayroong tala ang iba’t ibang mga CCTV na magpapatunay sa mga sinasabing naganap na mga usapan hinggil sa pagpaparaya ng iba para kanino. Nariyan na dapat harapin ng abalang pangulo at pabulaanan ang mga akusasyong binabangit ng batang Maynila. Ibig nitong maging katulad niya ang abalang pangulo na tahasan ang pagsasabi ng kung ano ang mga naganap bago pa man ang pagtatala sa tatakbo sa halalan. Para ke na patulan o tanggapin ang hamon ng isang walang panalong katungali.



Sabihin na totoo ang binabangit ni yorme, ang hindi pagtanggap sa alok na pagkakaisa at humakbang na ng magkaiba ang mga nag-usap ay sapat na upang ‘di na muling mag-usap pa. At hindi na nararapat pang bigyan malisya ang ginawang pag-uusap at bigyan ng ibang kahulugan ang nais na pagkakaisa.. Ang hindi pagtangap sa inilapit na mungkahing pagkakaisa’y malinaw na may kanya – kanyang interes ang bawat isa at ito ang naging bunga, kapwa kandidato ang bawat isa. Subalit ang kulayan ang pakikipag-usap para sa pagkakaisa ng oposisyon ay wala sa tamang lugar dahil hindi naging masarap sa panlasa ng mga may ambisyong pansarili at ‘di para sa bayan. Ang pag palit ng hangin na hindi maawat ang dami ng sumusuporta sa abalang pangulo, heto ang batang Maynila at nagpupuputak sa ingit dahil maging ang mga unang sumusuporta dito’y naglipatan sa kalimbahin. Hindi mapapasubalian na sa dulo ng laban ng mga kalalakihan ang babae ang magbabangon sa kinabukasan. Sorry yorme you’re the weakest link…

Sa takbo ng kaganapan, masasabing nabigla ang batang Maynila sa lakas ng daluyong ng suporta ang dumako sa panig ng abalang pangulo. Hindi malaman ng mga tumatakbo at ganun na lang ang dami ng biglang naglipatan ang mga sumusuporta sa bakod ni Leni Robredo. Sa pagdami ng nagtutungo sa rally, hindi maisip kung ano ang nangyari at biglang lumakas ang kandidatura ng abalang pangulo na hindi matanggap ng mga katunggali. Dahil ‘di matanggap ang katotohanan, nagbakasakali ang mga kalaban sa pamamagitan ng dirty tactics. Ngunit nagkamali ang mga ito, lumakas ang hatak Busy Leni sa mga tao sa laylayan..

Ang masakit, hindi nag-isip ang batang Maynila o sadyang walang isip, at binalikat ang pambabatikos na tinaya na ang lahat pati ang pato sa kinabukasan. Sa babaw ng kakayahan sa lahat ng bagay, hayun, sinalo ang bato na pinampukol sa kalaban at ito ang nabukulan. Ang pagtatayang ginawa’y tunay na pagsusuong sa kumpas nang kung sino na kung mananalo’y maaaring makabalik ng walang pag-aalala. Eh mukhang nag-iba ang regla ng laban. Hindi na nagtira ng pang-uwi ang batang Maynila, todo pati pato..

Maraming Salamat po!!!