Advertisers
SINABI ng Department of Health (DOH) na patuloy pa ring nahihirapan ang pamahalaan sa pagbabakuna ng mga mamamayan laban sa COVID-19 kahit pa nagbabahay-bahay na sila.
Sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na bagamat naging matagumpay sila sa high-yield areas, nangangailangan pa rin sila ng iba pang istratehiya upang mapataas ang vaccination rate sa iba pang lugar.
“Maganda on one hand pero maraming challenges. Sa mga high-yield areas, maganda ’yung house to house. Pero ’yung sa ibang areas, medyo napatid at na-frustrate ang ating health workers kasi kahit nag-house-to-house, marami pa rin ang ayaw magpabakuna,” ani Cabotaje sa isang televised briefing nitong Sabado.
“Lahat ng areas sa bansa nag-house-to-house. Ang ating latest special vaccination days ginawa natin sa Negros Occidental, Negros Oriental, buong Region 2, tapos ’yung ibang frustrations ng ibang ating health care workers, madaming pumunta, nag-house-to-house, pero kaunti lang po yung nagpabakuna,” aniya pa.
Nabatid na magsasagawa rin ng special vaccination sites sa Bangsamoro region, kung saan mababa pa rin ang vaccine coverage.
Plano ng mga health authorities na magpokus sa high-yield areas upang hindi masayang ang kanilang mga pagsusumikap.
Idinagdag naman ni Cabotaje na umaabot sa average na 200,000 indibidwal araw-araw ang nababakunahan nila sa bansa nitong mga nakalipas na araw.
Aniya, kung makakapag-administer ang pamahalaan ng 250,000 bakuna kada araw hanggang sa katapusan ng Abril, aabot sa 69 milyon ang fully immunized individuals sa bansa.
Base sa datos ng pamahalaan, ang fully vaccinated sa Pilipinas ay 67.1 milyon indibidwal, habang 12.7 milyon indibidwal na ang nakatanggap ng booster shots.
Naghahanda na rin ang pamahalaan sa rollout ng second round nf COVID-19 boosters para sa mga immunocompromised, na inaasahang masisimulan sa susunod na linggo. (ANDI GARCIA)