Advertisers

Advertisers

Isko at Honey nagkasundo na ituloy ang distribution ng monthly cash allowance ng 178, 759 na senior citizens

0 359

Advertisers

DAHIL dama nila ang pangangailangan at daing ng mga senior citizens sa Maynila na umaabot ng 178,759 lahat, nagkasundo sina Presidential bet Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna na ituloy na ang pamamahagi ng buwanang cash allowances ng senior citizens.

Ito ay matapos sabihin ng city legal office ng Manila City Hall na ang nasabing benepisyo ay maaring ikunsidera bilang ‘routine and normal expenses’ na hindi na saklaw ng Comelec Resolution 10747 dahil 2020 pa ito ibinibigay sa mga senior citizens.

Sa sagot ni Comelec Election Officer IV Atty. Gregorio Bonifacio sa liham ni Secretary to the Mayor Bernie Ang na humihingi ng permisong maipamigay ang cash allowance ng mga senior sa gitna ng pagkwestiyon dito ng kandidatong si Alex Lopez, sinabi ni Bonifacio na maaring ituloy ang naturang pamimigay ng benepisyo basta’t hindi ito saklaw ng Resolution 10747, na nagtatakda ng mga pagbabawal sa paggamit ng pondo ngayong election period.



Ani Moreno at Lacuna, kapwa sila nakatanggap ng mga kahilingan mula sa senior citizens mismo para ituloy na ang pagbigay ng ayuda at huwag nang pansinin ang pamumulitika ni Lopez.

Kasabay niyan ay inatasan nila si Office of Senior Citizens’ Affairs officer-in-charge Elinor Jacinto na ipamahagi na ang cash allowances ng senior citizens para sa first quarter ng 2022, dahil matagal na itong nakahanda at naantala lamang dahil sa pag-urirat ni Lopez.

Matatandaang nagpadala ng liham si Lopez sa tanggapan ng alkalde sa Manila City Hall kung saan kinukuwestyon niya ang mga sumusunod: kung ang ayuda ay dumaan at naaprubahan ng Comelec ayon sa Resolution 1047; ano ang batayan ng lungsod ng pagbibigay ng ayuda; kung ito ba’y nasama sa 2022 budget; kung nag-file ang pamahalaang -lungsod ng ‘exemption’ sa Comelec Resolution 10747; kung anong mga proyekto ang hilining ng Maynila na huwag maisama sa mga bawal; kung ano na ang lagay ng nasabing aplikasyon para sa exemption at kung ano ang mga pinagkuhanan ng panggastos para sa mga naturang ayuda.

Dahil sa liham ni Lopez, ang nakahanda nang pondo na P1,500 kada senior citizen na ipammamahagi na lamang ay kinailangan biglang ipagpaliban para lamang pagbigyan ang pagkuwestyon ni Lopez.

Ani Ang, dahil sa ginawa ni Lopez ay kinailangang lumiham si Jacinto sa kanya (Ang) para ito ang humiling ng pagpayag mula sa Comelec na maibigay ang allowance at birthday cakes sa senior citizens gayundin ang cash gift para sa mga centenarian o umaabot ng 100 taong-gulang.



Bunsod pa din ng pagkuwestyon ni Lopez ay lumiham si Sec. Ang sa Comelec kung saan hiniling nito na mabigyan ng ‘exemption’ ang pamahalaang-lungsod upang maipagpatuloy na maibigay sa mga senior citizens ang kanilang allowance na aniya ay hinihintay ng mga ito, me eleksyon man o wala.

Samantala ay kinailangan ding pormal na hingin ni Jacinto ang ligal na opinyon ni City Legal Officer Atty. Emeterio Moreno, Jr., na nagsabing bagamat maituturing na “routine and normal expenses” ang nasabing benepisyo na noong 2020 pa naibibigay at hindi na ito dapat saklaw ng mga ipinagbabawal ng Comelec, mas mabuti umano na lumiham ang lungsod sa Comelec law department at doon ay humingi ng sertipikasyon.

Ibinatay nina Moreno at Lacuna ang desisyong ituloy na ang pamamahagi ng ayuda ng senior citizens sa opinyon ng city legal office na “routine and normal expenses” ang nasabing benepisyo dahil nga dalawang taon na itong ibinibigay.

Pinuna rin ni Ang na may malisya ang ‘timing’ ng pagkuwestiyon ni Lopez dahil dalawang taon nang ipinatutupad ang social amelioration program ng lungsod kung saan kasama ang buwanang allowance ng senior citizens.

“Bakit ngayon lang inuurirat? Dahil ba mage-eleksyon? Paano naman ang mga senior citizen na lubhang inaasahan ang tulong ng gobyerno me eleksyon o wala?” ani Ang. (ANDI GARCIA)