Sang-ayon ako sa naging pahayag ng isang UP POLITICAL SCIENCE PROFESSOR na si MARIA ELA ATIENZA na kung mayroon mang iniwang leksyon ang COVID 19 sa POLITIKA ay.., ang ipinamukha ng pandemic sa taumbayan na kung hindi tamang opisyal ang nakaupo sa pwesto ay tiyak na mabibigo ang anumang pandemic response.
Itinuturing na “CRUCIAL” ngayong Mayo 2022 election ang naging karanasan nitong pandemic dahil sa kakayanan ng mga POLITICIAN.., na ang mga PERFORMING MAYORS ay tiyak na magnininging ngayong eleksyon habang asahan na sisingilin naman ang mga local officials na hindi kumilos o kulang ang ibinigay na ayuda.
Kaya naman sa SOCIAL MEDIA ay nagkalat ang mga hashtag na #nasaankamayor #walangayuda #humandakayo sa eleksyon at iba pa na patukoy sa mga incompetent officials.., kaya naman, ngayong ilang araw na lamang bago ang eleksyon ay tiyak na abalang abala ang mga local officials sa kanilang pangangampanya.., subalit bakit sa MARIKINA CITY ay tila sinisingil naman si MAYOR MARCY TEODORO ng mga residente sa kulang na ayuda.
Ano kaya ang katotohanan sa nagkalat na fliers sa lungsod na nagsasabing mas marami sa mga residente ang nakatanggap ng P1,000 kaysa sa itinakdang P4,000 na SPECIAL AMELIORATION PROGRAM (SAP) na ibinigay ng NATIONAL GOVERNMENT?
Sa kabuuan umano ay P384M ang SAP na ibinigay sa lungsod para magpamahagi ng P4,000 ayuda para sa 96,000 pamilya ngunit may mga walang natanggap, may iilan na nakakuha ng P3,000 habang mas marami ang P1,000.., ang tanong tuloy ng mga residente ay mas marami ba ang may mga walang anak sa lungsod kaya mas marami ang nabigyan ng P1,000? Nasaan ang ibang ayuda, kung hindi naibigay ay dapat may resibong ibinalik ang pondo sa DSWD.
Kaaawa-awa talaga ang tao.., umaasa sa malaki sanang ayuda pero kapag binigyan ng P1,000 ay wala nang magawa kundi tanggapin ang munting biyaya kaysa sa wala.
Matatandaan natin na noong nakaraang taon ay ilang residente ng MARIKINA CITY ang nagsagawa ng protesta at nananawagan ng ayuda dahil marami sa mga ito ang wala sa listahan ng mga benepisyaryo, may ilan naman ang naglabas ng kanilang sintemyento sa Twitter at nagsabing hindi lahat ay naabutan ng ayuda lalo ang mga nasa malayong lugar.
Mainam na HINGAN NG PALIWANAG dito si MAYOR MARCY .., nasaan na raw po ang kulang na ayuda Mayor?
***
HALOS P1B CRITICAL PROJECTS NILAANAN NG ILOCOS NORTE
Ngayong taon ay marami ang nagkatrabahong mga ILOKANO dahil sa iba’t ibang critical projects ang napaglaanan ng pondo sa liderato ni ILOCOS NORTE GOVERNOR MATHEW J. MARCOS MANOTOC
Ang PROVINCIAL GOVERNMENT OF ILOCOS NORTE (PGIN) ay sinentruhan ang mga CRITICAL PROJECT sa AGRICULTURE, HEALTH, INFRASTRUCTURE at TRANSPORTATION na kinapapalooban ng pagpapagawa sa
CENTRALIZED TRADING CENTER o “BAGSAKAN” para sa produktong agrikultural at COLD STORAGE FACILITY; pagpapahusay sa medical services ng GOVERNOR ROQUE B. ABLAN SR. MEMORIAL HOSPITAL (GRBASMH) at iba pang PGIN-managed hospitals; rehabilitasyon ng iba’t ibang mga tulay; pagpapatayo ng PORT OF CURRIMAO at ang improvement ng LAOAG INTERNATIONAL AIRPORT (LIA), at ang construction ng intermodal terminal and parking building.
Ang pagpapatayo ng “BAGSAKAN” at COLD STORAGE FACILITY, ang
DEPARTMENT OF AGRICULTURE ay naglaan ng P30 million and P20 million ayon kay GOV. MARCOS MANOTOC. Ang NATIONAL TOBACCO ADMINISTRATION ay naglaan naman ng P7 milyon halaga ng BIOSTIMULANTS para sa kapakanan ng mga ILOKANO TOBACCO FARMERS.
Mula sa OFFICE OF THE PRESIDENT ang P60 milyon at P15 milyon naman mula sa PHILIPPINE GAMING AND AMUSEMENT CORPORATION na magagamit para mapondohan ang upgrading ng medical setvices.., karagdagang P30 milyon mula sa OFFICE OF THE PRESIDENT at sa DEPARTMENT OF BUDGET AND MANAGEMENT sa ilalim ng LOCAL GOVERNMENT SUPPORT FUND na gagamitin naman sa rehabilitasyon ng mga tulay sa naturang lalawigan.
Mapalad ang mga taga-ILOCOS NORTE dahil sa magandang pamamalakad ng kanilang PROVINCIAL GOVERNMENT ay maraming proyekto ang nalilikha.., ika nga, maraming proyekto ay maraming magkakatrabaho at malaki ang potensiyal na makalilikha pa ng mga pangkabuhayan, lalo na sa larangan ng turismo dahil maraming magagandang tanawin sa naturang probinsiya na dadayuhin at dinadayo ng mga turista!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext lamang sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.